Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

#AnimatED: Ang kahibangan ng 5 taong batas militar ni Alvarez

$
0
0

Kailangan daw ng Pilipinas ang 5 taong batas militar, ayon sa pinagpipitagang Speaker ng mababang kapulungan.

Kung anong maligno ang dumapo kay Speaker Pantaleon Alvarez ay di natin alam. Ayon sa mga opisyal ng militar, “masyadong matagal” ang 5 taon. Baka raw “may alam si Speaker na hindi nila alam"?

Ano nga ba ang alam ni Speaker na lingid sa kaalaman ng militar na nangunguna sa pagkalap ng intelligence sa terorismo at seguridad? 

Baka may kinalaman ito sa hardball politics. Baka ito'y tungkol sa kapangyarihan. Mahalagang aparato ng wrecking ball ni Pangulong Rodrigo Duterte si Speaker Alvarez.

Si Alvarez ang battering ram na namukpok sa mga kasamahan sa Kamara sa isyu ng death penalty at sa pagbaba ng minimum age of criminal responsibility sa 9 na taong gulang.

At 'wag nating kalimutan ang walang-kamatayang tugon ni Speaker Alvarez sa Korte Suprema kung pipilitin nito ang mga kongresista na magpulong para pagtibayin ang martial law alinsunod sa Konstitusyon: “Pupunitin ko ang direktibang 'yan.” 

Walang 'sintaas ang ihi ng kongresista nang sabihan niya ang mga mahistrado na muling aralin ang kanilang law books.

Tinawag din niyang "idiots" ang Court of Appeals na nag-utos pawalan ang nakadetineng mga kawani ng Ilocos Norte na nananatili sa Batasan hanggang ngayon.

Ayon sa kanyang video interview, mabibigyan ng sapat na panahon malipol ang mga terorista pati ang mga rebeldeng komunista sa katimugan. Sawang-sawa na raw siya sa mga travel advisory ng ibang bansa na nagbababala sa mga mamamayan nilang nais tumapak sa Mindanao.

Saang La La Land dadagsain ng turista ang isang lugar na nasa ilalim ng martial law?

Mismong mga negosyante sa Davao ay nananawagan na tapusin na ang martial law sa Mindanao. Bumagsak na raw ang turismo sa lungsod at tumamlay ang investments.

Madalas bang napapadaan ang kongresista sa Kampo Crame 'pag nagsusunog ng marijuana doon?

Limang taon din bang tuluyan nang ibabaon sa limot ang kapayapaan? Sa tingin ba niya’y mananatili sa peace table ang Moro Islamic Liberation Front kung palawigin ng gobyernong Duterte ang martial law? Tuluyan na bang ikakandado ang pinto ng pagkakakasundo sa pagitang ng National Democratic Front at gobyerno?

Kung 40,000 ang lumikas sa kanilang mga tahanan dahil sa giyera sa Marawi, Ilan namang baryo at parang ang mawawalan ng tao sa ngalan ng extended martial law na target pati mga NPA? 

Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo? Aanhin ng mga taga-Mindanao ang katahimikan kung wala nang taong tatamasa ng kapayapaan? 

At di ba’t ang Speaker ay kinatawan ng lahat ng interes, di lamang ng mga taga-Mindanao? Sumagi ba man lang sa isip niya ang epekto sa national economy ng 5 taong martial law? 

Kung may 89 sundalo at 39 sibilyan ang namatay sa Marawi, ilang buhay pa ang iaalay sa altar ng 5-year ML ni Alvarez?

Kung may 7,000 na bumulagta sa kalye sa ngalan ng tokhang ng pulisya, ilang bangkay ang iluluwa ng kanayunan sa ngalan ng pinag-ibayong batas militar? 

At gaano katagal bago sumulpot ang mga berdugong Palparan sa hanay ng mga sundalo na ngayo’y nagsusumikap ibalik ang kultura ng paggalang sa karapatang pantao?

Gusto yata ng warmonger na si Alvarez na magreserba ang impiyerno ng puwesto para sa kanya.

Dahil 5 taong walang Diyos ang magiging dulot ng kanyang hibang na panukala. – Rappler.com


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>