Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

#AnimatED: Trapik sa Kamaynilaan, napag-iwanan ng pagbabago?

$
0
0

Ngayong ikalawang linggo ng Agosto, magbubukas na ang lahat ng paaralang nagbago ng school calendar upang makasabay sa global school openings. Parusa na namang magdaan sa C5-Katipunan area, sa U-belt, sa Taft, at siyempre sa EDSA. Eto rin ang buwang tiyak na maulan, at kapag may konting ambon ay sigurado na rin ang trapik.

Sa binagsik-bagsik ng retorika ng administrasyong ito tungkol sa pagbabago, hindi maitatangging usad-pagong ang pagresolba ng traffic congestion.

Kumbaga sa sipon, ang problema ng trapik ay mistulang uhog na di umaandar, naging plema na, at ngayon ay malapot na alkitran na sa baga ng Kamaynilaan.

Sa kanyang 2016 State of the Nation Address, ito ang sinabi ng Pangulo: “Our anti-colorum campaign and out-of-line apprehension, including the removal of terminals, will be intensified and, my God, it will be done. [applause] Immediately, immediately.”

Bising-busy 'ata ang LTFRB sa paninita sa Uber at Grab, pero nagkalat pa rin ang colorum at karag-karag na jeep at bus sa kalye.

Weather-weather lang ba talaga ang crackdown sa colorum busses? Kapag nagkakahulihan sa EDSA, maluwag ang trapiko, pero kapag nakatingin sa malayo ang mga kinauukulan ay naglalabasan na ang mga damuhong bus?

Ngayong 2017 SONA, tila hugas-kamay na ang tono niya habang pinupuntirya ang isang senadora: “You know, when I became President, EDSA was already horrendous as it was a horror of the other administrations. Now, I brought in [Arthur] Tugade, because Tugade is to me, a bright boy…. But we needed money and we tried to get your help to raise money. Eh ayaw naman ninyong ibigay, di hanggang ngayon, 'andiyan pa iyong EDSA.... We will not make it all smooth in the Philippines, we leave a little alley known as EDSA as the road to perdition."

Sa isang press conference, sinabi ng MMDA na nabawasan na ang biyahe sa EDSA nang 14 minutes, ayon sa sarili nitong pag-aaral. Talaga? Tila walang nakakaramdam nito.

Ang siste, maraming ring pag-aaral na sumasalungat dito.

Sa kasalukuyan, kasama ang Pilipinas sa 12 bansang itinuturing na may pinakamalalang trapik.

Ayon sa isa pang survey, para sa 30% ng mga Pinoy, pinakamasaklap na parte ng araw nila ang pagbibyahe.

Ayon sa isa pang pag-aaral, P3 bilyon ang nawawala sa kita at productivity araw-araw dahil sa traffic noong 2016. Kapag walang nagbago, P6 bilyon kada araw ang masasayang dahil sa trapik pagsapit ng 2030.

Hindi pa kuwentado riyan ang health cost ng mga mamamayang nakababad sa polusyon araw-araw – kandidato na sila sa respiratory disease at cardiovascular illnesses.

Hindi rin kuwentado ang emotional cost ng traffic, pero ang alam nating lahat, sawang-sawa na tayong gumising nang maaga at umuwi nang late. Sawang-sawa na tayong datnan ang malamig na hapunan, tulog na ang mga anak na dapat kasabay sa hapag-kainan, patang-pata ang katawan, at wala nang ibang magawa kundi matulog para muling magising nang maaga kinabukasan.

Nasaan na ang pagmomodernisa ng MRT at LRT, na sana’y nakapagpapagaan ng trapik? Wala nang ipinagbabago ang mahabang pila sa mga estasyon dahil sa 'di sapat na bilang ng coaches na seserbisyo sa lumolobong bilang ng commuters. Sapalaran na lang ba na di tumirik ang sinasakyan mong coach?

Sabi naman ng bagong-luklok na MMDA Chairman Danny Lim, "back to basics" daw ang approach niya. Ang di niya binanggit ay kung ano ang iniusad ng giyera kontra-trapik sa panahong si Tim Orbos ang nakaupo.

Trapiko daw ang isa sa magiging pinakakritikal na problema ng administrasyong Duterte. Pangalawang taon na mula nang binitawan niya ang campaign promise na resolbahin ito. 

Ayon kay John Forbes, senior adviser ng American Chamber of Commerce sa Maynila, magiging “uninhabitable” ang Metro Manila sa loob ng 3 hangang 5 taon kapag di nasolusyunan ang trapik.

Palaisipan ang bitaw ng Presidente nitong nakaraang SONA na hayaan nang maging "Road to Perdition" ang EDSA.

Nasaan na ang pagbabago? Nag-detour ba palayo sa EDSA? – Rappler.com


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>