Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

#AnimatED: Bilyunang shabu ang nakapuslit, Presidente ay di galit?

$
0
0

If you destroy my country, I will kill you. I will kill you!” 

Tagalugin natin: “Subukan mong wasakin ang bayan ko, papatayin kita. Papatayin kita!”

Malupit ang galit ni Pangulong Duterte sa ilegal na droga. Dapat lang naman. Isang produkto itong ang tanging layunin ay sirain ang katawan, isip, at buhay ng gumagamit; ang magdala ng salot sa pamilya at sa komunidad. 

Kaya naman, tuwing binibitiwan niya ang banta, todo-palakpak ang walang-kamatayang “16 milyon kami” na nagluklok sa kanya sa Malacañang. 

Kaya naman, habang umaakyat sa libo-libo ang pipitsuging drug user at pusher na binabaril sa ulo sa sariling bahay, o bangkay na itinatambak sa bangketa o itinatapon sa dagat, steady ang approval rating ng Pangulo, lalo na sa middle class at nasa alta sosyedad. 

Kaya nakakapanibago na hindi nagbabanta, ni hindi nagmumura, ang Presidente nitong nakaraang dalawang linggo. Back-to-back ang hearings sa Kamara’t Senado tungkol sa P6.4 bilyong halaga ng shabu na ipinuslit ng mga Tsino mula sa China. Nakalusot sa Port of Manila, pero kat’wiran ng Bureau of Customs, nahabol naman daw nang ni-raid nila ang isang bodega sa Valenzuela. ’Yun nga lang, na-contaminate ang ebidensiya, at ngayon ay baka hindi na tanggaping ebidensiya sa korte. 

605 kilos ’yun, high-grade – isa sa pinakamalaking huli sa kasaysayan ng BOC. Malawakang operasyon ito. Sindikato. Hindi basta-basta ang ulo. Kahindik-hindik isipin kung gaano karaming kabataan, pamilya, at barangay ang sisirain nito kung paghati-hatiin na sa tigkakapiranggot na gramo.

Higit sa lahat, isang higanteng dirty finger ito sa matapang nating Pangulo. 

Sabi siguro ng mga Tsino, "Anong subukan kong wasakin ang bayan mo?" Pero eto: ayon sa mismong Philippine Drug Enforcement Agency ng gobyerno, It’s safe to say that the majority of the meth we have comes from China.” Halos lahat ng 6 na naglalakihang shabu laboratories na nadiskubre sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa administrasyong Duterte, Tsino ang nagpapatakbo. 

Sabi rin nila siguro, "Anong papatayin mo ’ko?" Noong Mayo pa nangyari ang smuggling. Kung talagang kumukulo ang dugo sa droga, dapat namasaker na ang Customs bureau, o kaya’y naipatapon na sa Basilan at Sulu ang mga ahente (panakot ’yun sa tiwalang pulis, di ba?). Dapat meron nang non-Filipino speaking Chinese at mga bigating kababayan na naliligo sa sariling dugo sa mga condo at mansiyon nila, o nakatimbwang sa kalye, o nakalutang sa laot. 

Hindi tayo sanay na nagbibigay-daan ang administrasyong ito sa due process. Nagsimula na raw kasi ang imbestigasyon ng Kongreso, kaya hihintayin na lang matapos ito bago poproblemahin kung ano’ng kahihinatnan ni BOC Commissioner Nicanor Faeldon. 

Nagugulumihanan tayo na malamig ang ulo niya sa hepe ng ahensiyang naisahan ng drug smugglers. “Focus on his job of serving the nation in his capacity as head of Customs” umano ang mahinahong payo ng Pangulo sa Customs chief nang magpulong sila sa Malacañang. 

Sabi siguro nina Peter Laviña, Ismael Sueno, at Maia Valdez: “Ay, andaya! Akala ba namin, whiff of corruption lang, sibak na?” 

Oo nga, sabi ng ilang mambabatas, bakit Duterte the Tame ang peg ng ating Chief Executive ngayon?

’Pag gramo lang ng shabu, patay agad. Ito bilyunan, pero ang ingat at ang bait ng gobyerno? Si Senator Chiz Escudero ang nag-point out niyan. Mister President, hindi ka galit sa Customs? Di nga? Sundot naman ni Senator Ping Lacson ito. Kahinahinala ang pag-zipper ng bibig ng Pangulo, sa totoo lang. Magduda na kayo. Ganyan, in so many words, ang inihihirit ni Magdalo Representative Gary Alejano.

Ayaw pa kasi nilang diretsahin ang akusasyon: “Dahil po ba sa direksiyon yata ng anak ninyo tumuturo ang mga testimonya, in public hearings and in private briefings?"

Sa mga pagdinig sa Kongreso, sumingaw ang pangalan ng panganay ng Pangulo, si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte. Pinalulusot daw sa Customs ang mga kontrabando kapag ginagamit ang pangalan ni Pulong. 

Naalala tuloy ng publiko ang dating testimonya ng dating pulis Davao na si Arthur Lascañas: meyor pa lang si tatay, namamayagpag na umano sa smuggling operations si anak sa port ng Davao. 

At may lumabas nang retrato na nagpapakitang mukhang dabarkads ng presidential son ang Filipino-Chinese businessman na namagitan sa Customs para sa Tsinong nagpadala ng daan-daang kilong shabu. Pero itinanggi naman ng Vice Mayor ang mga akusasyon at sinabing batay lahat ito sa sabi-sabi at chismis lang.

If my son was really into it or is in there, all you have to do is to produce the paper…. Just give me an affidavit and I will step down as President of this Republic, and that is my commitment to you now. That is my word,” sabi niya noong Agosto 11. 

Having seen how the President can find excuses the next day for all his bold threats and grand but unfeasible promises the night before, malamang hihingi siya ng kung ano-ano pang patunay, o mag-aakusa siya ng motibong politikal o kriminal, kung sakaling may maghain ng ganoong affidavit sa kanya. 

Hindi siya magre-resign. Hindi siya magagalit. Hindi siya papatay. 

At ang nakababahala ay, bakit tahimik naman tayong sumasakay? Rappler.com 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles