Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

#AnimatED: Agosto 21, tama na ang pagpatay!

$
0
0

Mamayang ika-6 ng gabi, Agosto 21, magsasalubong sa EDSA ang mga magmamartsang mamamayan. Hihingi sila ng katarungan para sa batang si Kian delos Santos. Mag-iingay sila para itigil na ng pamahalaan ang patakaran ng walang habas na pagpaslang sa ngalan ng war on drugs ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

Hindi planado ito. Bago ang linggong ito, walang panawagan mula sa kahit anong sektor o kampong politikal para sa anumang malakihang paggunita sa araw ng pagpaslang ng gobyernong Marcos kay Ninoy Aquino 34 taon ang nakakaraan. 

Hanggang binulaga ang bansa ng mga balita ng sunod-sunod na “one-time, big-time” anti-drug operations ng pulisya, na nauwi sa patong-patong na bangkay: mahigit 80 suspects sa 3 lugar sa loob ng 4 na araw. 

Kabilang sa kanila si Kian – ang nag-iisang napatay sa Kalookan nang maggalugad ang mga pulis sa Camanava area. (Short-cut ang Camanava para sa dating "Caloocan", Malabon, Navotas, at Valenzuela na pinagsamang area.) Grade 11 student, mabait, masipag mag-aral (ayon sa mga kapitbahay), nangangarap maging pulis si Kian, kaya nagpapaalila ang ina sa Saudi Arabia para mapagtapos siya.

Nagsasara ng sari-sari store na ibinilin ng ama noong gabi ng Agosto 16, biglang dinakip ng mga nakasibilyang pulis, tinakluban ng jacket, kinaladkad sa pasikot-sikot na eskinita, binugbog, nagmakaawang tama na dahil may test pa siyang pinaghahandaan kinabukasan sa eskuwela, pinahawak ng baril, pinilit siyang iputok iyon, saka siya pinagbabaril, at iniwang bangkay. 

Katabi niya, sa kaliwang kamay kahit hindi siya kaliwete, ang isang kalawanging baril at dalawang sachet ng shabu – ang eksaktong ebidensiyang “natatagpuan” sa bawa't isa sa libo-libong bangkay na itinumba ng mga alagad ng batas dahil “nanlaban". Laging baril na may kalawang. Laging dalawang pakete ng droga. Laging nakipagbarilan sa pulis. 

Bago si Kian, 31 kabataan na ang parang hayop na pinaslang sa ngalan ng drug war ni Duterte– mula batang nagsisimula pa lang maglakad sa Maguindanao, hanggang pagradweyt pa lang na honor student sa Pangasinan; mula 5-taong batang may bitbit na Barbie doll, hanggang sa binatilyong may polyo na pinatakbo ‘tsaka tinambangan. 

Iba-iba ang dahilan ng walang-pusong pagbaon ng bala sa kanilang mga katawan: courier daw ng ama, kasama daw ng lolong pusher, napadalaw raw sa bahay na nakatakdang salakayin, natutulog sa tent sa evacuation area, isinulsol ng kapitbahay na nakasagutan lang, pinandagdag sa quota na umano’y hinihingi ng Malacañang linggo-linggo, buwan-buwan. 

Pero bakit ganito ang siklab ng galit ng mga mamamayan sa kaso ni Kian? 

Dahil umaalingawngaw ang putukan sa mahihirap na barangay habang nakabibingi ang katahimikan ng Pangulo sa P6.4-bilyong halaga ng shabu na nakapuslit sa aduwana. 

Dahil ang anak ng maliliit na tao ay binabaril nang walang tanong-tanong, habang intriga lang daw ang pagkadawit sa drug smuggling ng anak na si Pulong

Dahil tila pangangatawanan ng pamahalaan na ligaligin tayo hanggang makalimutan o ‘wag na nating ungkatin kung bakit ang naglalakihang drug lord ay binibigyan ng panahon at pagkakataon na umano’y bumitaw sa kalakal at linisin ang kanilang mga pangalan.

Dahil sa ilalim ng pangulong nagbabasbas ng pagpatay, pumapalakpak kapag may mga bangkay, nagsusulsol ng pagtatanim ng ebidensiya, at nagpapalayaw sa mga utak-pulbura, maaaring ang susunod na Kian ay kilala mo na.

Ang protesta sa Agosto 21 ay hindi na tungkol kay Kian lang. Tungkol na ito sa anak, kapatid, apo, pamangkin, kaibigan, kaklase, estudyante, kapitbahay ng bawa't mamamayan. Pagpapahalaga na sa buhay at pagsasalba sa ating kinabukasan ang pinag-uusapan. Walang kinalaman dito ang away-politika; lahat tayo’y pinahaharap na sa ating konsensiya. 

Isang Agosto 21, mahigit tatlong dekada ang nakaraan, akala ng isang diktador ay takot at manhid na ang kanyang nasasakupan, at maaari siyang kumitil ng isa pang buhay. Lahat ay may katapusan. 

Ngayon, Agosto 21, 2017, at sa mga susunod pang araw, ipaalala natin ang kinahinatnan ng dating tinitingalang naunang hari-harian sa Malacañang. 

Hindi ’nyo gugustuhin, mahal na Pangulo, na kalabanin ang taumbayang nagngangalit at nagigising. – Rappler.com


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>