Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

#AnimatED: Pangulong Duterte, hindi media ang kaaway mo

$
0
0

Hindi orig si Pangulong Rodrigo Duterte sa pang-aalipusta at pagtira sa media. Nauna sa kanya si Hugo Chavez ng Venezuela at si Vladimir Putin ng Russia na sistematikong nanggipit ng mga tumutuligsang mamamahayag sa kanilang bansa, 'di lamang sa mga talumpati kundi pati na rin sa mas epektibong corporate takeover.

Bakit galit si Duterte sa media? Sabi niya, korapt at bayaran daw ang mga ito, isang mensahe na umalingawngaw sa social media habang nakaangkas sa state-sponsored propaganda machinery ng Diehard Duterte Supporters o DDS.

Ipinanganak ang taguring "presstitute." Ang dating pinagpipitagan, siyang paboritong i-bully ngayon sa internet. 

Nagbenta ng shares sa pangunahing pahayagan ang pamilyang survivor ng mga atake ni Erap. Ang isang broadcast giant naman ay tila nag-aalanganin sa pagpitik dahil hostage ng gobyerno ang prankisa nito. Ang ilan namang media outfits ay "praise-centers" ng gobyerno at nagmimistulang crony press dahil sa interes ng kanilang mga may-ari.

Ayon sa dean ng Ateneo School of Government, matagal na proseso ang pagtataguyod ng tiwala sa mga institusyon, pero mabilis daw itong maagnas. Isa sa pinaka-pinagkakatiwalaang institusyon, mabilis na nalugmok ang propesyon sa harap ng walang-patid na atake mula nang maupo ang Pangulo. 

Marami sa mga ipinupukol sa Philippine media ay may pinanghuhugutan tulad ng korapsyon at envelopmental journalism. Ang mga mantsang ito ay matagal nang inexpose ng mga kabaro nila at sinipa sa mga prestihiyosong mga newsrooms. Pero patuloy ang pagsisikap na maglinis.

Sa kabuuan, matapos ang diktaduryang Marcos, nananatili ang media sa ating bansa na malaya, nagsisikap maging patas, at higit sa lahat, handang isiwalat ang katotohanan at kalabisan ng mga nasa pwesto ng kapangyarihan. Sa kabila pa ito ng pagiging isa sa mga pinakadelikadong trabaho sa Pilipinas.

Higit kailanman, ito ang panahon upang lalong pag-ibayuhin ng media ang pagrereport at pagiging malaya sa anumang interes o impluwensiyang kontra sa ikabubuti ng taumbayan. Transparency and accountability– yan ang panlaban sa kalawang ng makitid at hindi pulidong pamamahayag.

Sa loob ng isang taong panunungkulan ni Presidente Duterte, malinaw na hindi nagmumula ang galit niya sa media sa umano'y pagiging bayaran nito. Ang pinagpuputok ng butse niya ay kung ikaw ay friendly o hindi. Asar siya sa mga tumutuligsa sa kanyang pamamalakad at nangangahas himayin at suriin ang kanyang kilos bilang public official.

Bakit mahalagang manatiling malaya ang media? Dahil ang tinaguriang "fourth estate" ang nagsisilbing check and balance sa kapangyarihan ng mga hinirang at hinalal na mga opisyal. Dahil kapag hindi na pinagkakatiwalaan ang media, walang ibang magagawa ang taumbayan kundi maniwala sa mga nasa poder.

Sa isang panayam sa Rappler, ipinahayag ni dating Pangulong Benigno Aquino III ang "nakabibinging katahimikan" ng mga peryodista sa ilalim ng administrasyong Duterte. Nakababahala ang kaganapang ito.

At ito ang pinakamatinding dahilan: Kapag nabusalan ang media, lalong lalawak ang espasyo ng awtoritaryanismo. Kapag nanahimik ang mga mamamahayag, mangingibabaw ang fake news, ang pilipit na katwiran, at hihina ang boses ng katotohanan.

Pangulong Duterte, hindi media ang kaaway mo kundi katiwalian at kalabisan. Kaaway mo ang mga pulis na pumapatay ng mga Kian sa ngalan ng giyera mo laban sa droga. Kaaway mo ang mga appointee na nagbibigay ng kahihiyan sa 'yo at nagpapadismaya sa taumbayan. Kaaway mo ang saradong pag-iisip, de kahong mga kokote, at higit sa lahat, ang paniniwalang ikaw – sampu ng iyong mga katoto – lamang ang tama.

Kaaway mo ang mga nagpapalaganap ng kaisipan at paniniwalang ang pagtuligsa sa 'yo ay pagtataksil sa bayan. Kaaway mo ang mga bumubulong na pare-pareho dapat ang ating sinasabi at iniisip. Kaaway mo ang mga nagsasabing dapat na sunud-sunuran lang ang media sa 'yo. Dahil pinapatay nila ang demokrasya. – Rappler.com


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>