Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

'Treinta': Tula para sa tinedyer na si Reynaldo de Guzman

$
0
0

Ginagamit ang numero 30 na nakapaloob sa isang bilog bilang pananda na kumpleto na ang isang artikulo. Ngunit para kay Reynaldo de Guzman, ang numero 30 ang magtatapos ng kanyang buhay. 

Kilala bilang "Kulot," natagpuang patay at tadtad ng di bababa sa 30 saksak sa iba't-ibang bahagi ng katawan ang 14-taong-gulang na bata na diumano'y huling nakasama ni Carl Arnaiz, na naunang napatay ng mga pulis Caloocan. Habang ipinipilit ng mga pulis na nanlaban diumano si Arnaiz, pinabulaanan naman ito ng isang forensic report ng Public Attorney's Office

Si Reynaldo de Guzman ang ikatlong biktima, kasunod nina Carl Arnaiz at Kian delos Santos, na napatay sa loob lamang sa loob ng halos 3 linggo. Ang mga pagpaslang sa mga kabataang ito ay binansagan ng ilang human rights group bilang "pagmamalabis ng mga taong nasa awtoridad."

Dahil sa mga insidenteng ito, nagsulat si Ben Domingo ng isang tula na ayon sa kanya ay "katas ng nag-aalimpuyong damdamin." 

TREINTA

Sa mga peryodista
tanda ito ng katapusan,
na kumpleto na ang 'sinulat
at handa na itong mailimbag.

Kaya kung ang manunulat
ay binawian na ng hininga,
sa pagharap niya sa hukay
tinatatakan din ng 'treinta.'

Tulad ng batang si Reynaldo
na sa edad na katorse lamang
ay ginawaran ng isang berdugo
ng treintang saksak sa katawan.

Pero hindi lamang si Reynaldo
ang kabataang hinatulan
ng maagang kamatayan;
nauna na ang marami pa,
kabilang sina Carl at Kian.

Ngunit ang treintang ito
na tumapos sa kanilang buhay
ay magbabago ng kahulugan
dahil sa poot ng taumbayan.

Ang treinta ay magiging simula
ng pagkagising, ng pagkapukaw, 
ng iniheleng mamamayan,
upang isara na ang maitim na telon
ng teleserye ng pagpaslang.

Hindi ito isang pagbabanta,
kundi isang mariing paalala
at napapanahong aral
na sa diwa ng pagbabago
pati ang mga kahulugan 
ay maaari ring maiba.

Hindi ito ang dulo,
ito na ang simula.

Treinta

– Rappler.com

Si Ben Domingo Jr, na naging biktima ng martial law, ay propesor ng journalism sa University of the Philippines. Siya ay taga-Nueva Ecija, kung saan natagpuan ang bangkay ng 14-anyos na si Reynaldo de Guzman, na taga-Cainta, Rizal. 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>