Mahalagang araw daw ang Setyembre 11, 2017. Sandaang taon ang lumipas nang pinagpalang isinilang si Ferdinand Marcos, ang bayani ng Ilocandia. Mismong si Presidente Rodrigo Duterte ang nagtakda na espesyal ang araw na ito para sa mga Ilokano.
Sang-ayon kaming mahalaga ang araw na ito, nguni’t hindi dahil sa mga dahilang inilatag ng Malacañang.
“World War II veteran, distinguished legislator and former president.” Mismong ang National Historical Commission of the Philippines ang tumibag sa kuwentong beteranong tadtad ng medalya noong Ikalawang Pandaigdigang Digmaan si Makoy.
Historical fiction ang tawag d’yan, Executive Secretary Salvador Medialdea.
Mahalaga ang 9-11-17 sa mga Pinoy dahil saksi ang araw na ito sa isang napakalaking kasinungalingan na nagtutunog-totoo habang inuulit-ulit. Ito ang ikalawang yugto matapos ilibing si Marcos sa Himlayan ng mga Bayani noong Nobyembre 18, 2016.
Hindi. Bayani. Si. Marcos.
Itinakda bang holiday ng gobyernong Aleman at Cambodia ang kaarawan ni Hitler at Pol Pot?
Bukod-tangi ba ang Pilipino sa mundo na dalawang beses magpapaloko? Una, noong nabubuhay pa ang diktador at tangan niya lahat ng baraha ng kapangyarihan? Pati ba ngayon – kung kailan 28 taon na ang lumipas mula nang siya'y simulang naagnas – magpapaulol pa rin ba tayo sa pinilipit at binurdahang kuwentong kutsero?
Walang ‘singbaluktot ang rebisyonismong ito. Pero bakit maraming naniniwalang bayani si Apo?
At ang pinakahuli sa saga ng pinakamasuwerteng pamilyang switek sa buong mundo: isasauli daw nila ang mga gold bars kapalit ng amnestiya? At ang spin sa panibagong swindle na ito: pinoprotektahan ng mga Marcos ang ekonomiya kaya't tinangay nila ang mga ginto! Huh?
Pero balikan natin ang kathang-isip ng Bagong Lipunan Reboot 2017. Ito ang datos:
Sick Man of Asia.Dalawang dekadang naudlot ang pag-unlad ng bansa. Ibig sabihin, 20 taon bago tayo nakaahon sa hagupit ng mismanagement at pang-ekonomiyang polisiya ng Martial Law.
Debt. Iniwan ni Marcos ang $28-billion foreign debt nang siya’y tumakas papuntang Honolulu. Ang utang panlabas na binabayaran natin ngayon: $75.3 billion.
Kleptocracy and crony capitalism. Tinatantiyang 33% o $8 billion ng mga inutang sa dayuhang bangko ang ibinulsa ni Marcos at ng kanyang mga alipores. Maliban pa ito sa pagbakod ng mga kaibigan niyang negosyante sa mga kontrata at benepisyo mula sa gubyerno.
Abduction, torture, and summary execution. Halos 50,000 ang dokumentadong kaso ng pang-aabuso sa karapatang pangtao noong panahon ng Batas Militar.
Impunity. Sa ilalim ni Marcos, baog ang hudikaturang habulin ang mga makapangyarihan, konektado, at protektado.
Bakit mahalagang maging tumpak ang pag-unawa natin sa madilim na yugto na ito ng ating kasaysayan?
Dahil ito ang susi sa pagsusuri ng kinasasadlakan nating yugto ngayon: isang charismatic at popular na lider sa Palasyo, napapaligiran ng makapangyarihang mga negosyante, nakaambang higanteng panlabas na utang, pagbusal sa media, malawakang pagyurak sa karapatang pantao at kawalang hustisya para sa mga biktima.
At napag-uusapan na rin lang ang mga biktima tulad ng mga teenager na sina Kian, Carl, at Reynaldo. Hindi ba nakapaninindig balahibo na nanumbalik ang mass slaughter ngayon tulad ng panunumbalik sa pagsamba kay Apo?
‘Wag nating langhapin ang opium na sinindihan ng magkakapatid na Marcos at administrasyong Duterte sa puntod ng diktador.
Panahon nang iwaksi ang alamat. – Rappler.com