Paano pinahahalagahan ng Kamara ang karapatang pantao? Halagang ’sanlibong piso.
P1,000 – sapat itong pambili ng 5 ream ng papel at isang kahon ng Mongol No. 2. Hindi ito sapat pambayad ng kuryente o tubig ng isang opisina. Kulang din itong pambili ng pang-isang buwang 3-in-1 na kape sa opisina. It ain't much.
Sumbat ni Speaker Pantaleon Alvarez sa Commission on Human Rights: “Sino ba nagpapasuweldo sa inyo, ’di ba ang estado? Eh ang lagi mo pinupuna, ang estado, pero sila naman ay pinoprotektahan ang karapatan ng mga biktima. Ikaw, ano’ng ginagawa mo, ang protektahan ang mga kriminal?”
Sabi pa ng Speaker, kung hindi mabubuwag ang CHR, tanggalan na lang ng budget. At kung gusto daw ni CHR Chair Chito Gascon ng mas malaking pondo, dapat siyang mag-resign.
Hindi ba nauunawaan ng mga kongresista ang mandato ng CHR? Anong parte ng Konstitusyon na lumikha sa “independent commission” ang di malinaw? Hindi ba nila gagap ang konsepto ng check and balance?
Suspetsa natin, hindi ito kakulangan ng kukote upang umintindi ng mga konseptong minamani lamang ng mga abogado at mambabatas. Ito’y kakulangan ng tibay ng dibdib na humindi sa mga makapangyarihang Speaker of the House.
Ito’y sa kabila ng walang-kurap na pagdeklara ni Foreign Secretary Alan Peter Cayetano apat na buwan ang nakalilipas sa isang report sa United Nations Human Rights Council na itataas ng administrasyong Duterte ang budget ng CHR, bilang pagtataguyod sa karapatang pantao. Anyare?
Ayon kay Agnes United Nations (UN) rapporteur Agnes Callamard, ang CHR ay mahalagang institusyon para sa “human rights protection, the rule of law, accountability.”
Ayon sa isang kongresista, ang near-zero budget ay isa lamang simbolo ng pagkayamot ng Mababang Kapulungan sa Commission on Human Rights. Ibabalik naman daw ng Senado ang budget, habang ang bicameral deliberations ang huling mapagpasya.
Pampalubag-loob na lamang na hindi tuluyang mapipilayan ang CHR sa pagdadramang ito ng Kamara. Hindi ito mangyayari habang may isang matapang na pinunong maggigiya sa komisyon sa gitna ng atakeng politikal ng administrasyon.
Ang trahedya ay may 114 sa mga mga inihalal nating kongresista na bumoto para sa budget slash habang may nasa-100 na nanahimik.
Ang trahedya ng P1,000 budget ay nahubaran na ang Kamara de Representante bilang isang rubber stamp ng ehekutibo.
Ang trahedya ay ang pagde-demonize sa human rights bilang kalaban ng isang popular na presidente.
Ang trahedya ay ang mga kongresista natin mismo ang sumisira sa mga demokratikong institusyon na isinumpa nilang itataguyod.
Nitong a-dose ng Setyembre, isang araw matapos ang ika-100 kaarawan ni Ferdinand Marcos, ’sanlibong punyal ang ibinaon sa puso ng demokrasya. – Rappler.com