Ilang buhay na ba ang winasak ng hazing?
Sa pagkamatay ni Horacio Castillo III sa hazing, na-deja vu tayo at nanumbalik ang pagkamatay nina Anthony Javier, Christian dela Cruz, Ariel Inofre, Guillo Servando, Marc Andre Marcos, Marvin Reglos, EJ Karl Intia, Menardo Clamucha Jr, Elvis Sinaluan, Chester Paolo Abracia, Cris Anthony Mendez, Roland Cequiña, Mark Rodriguez, Marlon Villanueva, Rafael Albano, Edward Domingo, Dominante Tunac, Ace Bernabe Ekid, Alexander Miguel Icasiano, Oliver Estrella, Mervin Sarmiento, Mark Roland Martin, Joselito Hernandez at si Lenny Villa noong 1995. May 9 pang namatay bago si Lenny at ang pinakaunang biktima ay si Gonzalo Mariano Albert noong 1954.
1954 pa may namamatay sa hazing. Pawang nasa edad 17-25. At ‘yan lamang ang naitalang kaso ng media. Marami pang pagkamatay na pinaghihinalaang dulot ng hazing.
{source}
<img src="https://assets.rappler.com/FE550BDC1D7147A9ADC5AC8CDF5AC4E8/img/D2234E89803C440E9359993F37A7467E/animated-hazing-philippines.gif" width="100%"> {/source}
Ang umaasang mapabilang sa kapatiran, ngayon ay malamig nang bangkay. Kasama ng huling hininga naglaho ang lahat ng pangarap sampu ng pagsisikap ng magulang. Wasak din ang kinabukasan ng mga nang-hazing na nasakdal at nahatulan, ‘yun nga lang, buhay pa sila.
Ano ba ang gayuma ng fraternity sa kabila ng mga pagkamatay na ito? Para sa mga sumanib sa fraternity at sorority, dala nito ang pangako ng koneksyon, trabaho, at maging mga pwesto sa gobyerno.
Halimbawa, namamayagpag ngayon ang Lex Taleonis, ang frat ni Pangulong Rodrigo Duterte. Matagal nang naghahari ang mga miyembro ng Sigma Rho, Upsilon Sigma Phi, Aquila Legis, Tau Gamma Phi, at Beta Sigma sa mga pasilyo ng kapangyarihan.
Malalim ang hugot ng fraternity. Sa mga bihasa sa mga palakad ng organisasyon sa kolehiyo, alam ng lahat na iba ang hatak ng frat. Andyan ang sikretong ritwal, ang blood compact ng barkadismo, ang shared experience ng tortyur. Lahat ng barbarong aspeto nito’y nakaugat sa isang machong kulturang nagpapahalaga sa kapatiran ng kalalakihan. Dahil kapatiran din ito ng pagbabakuran ng kapangyarihan.
Ito ang old boys club sa Kongreso at gobyerno, at maging sa mga korporasyon. Mas mahalaga kung sino ang kilala mo, sa kung ano ang alam at kaya mo.
Pero may hangganan ang kapatiran. “Together we stand, divided we fall” ba kamo? Mag-brod si Ferdinand Marcos at Ninoy Aquino na naging mortal na magkatunggali sa kasaysayan ng Pilipinas. Mag-brod din si Senador Juan Ponce Enrile at si Frank Drilon, pero magkalaban sila sa pulitika. Sis na naturingan ni Congressman Rey Umali si Senadora Leila de Lima, pero di naman ito naging hadlang sa pagsasampa niya ng kaso sa dating justice secretary. Di rin niya ito ipinagtanggol sa harap ng garapal na pangungutya ng mga kapwa kongresista sa hearing na naging tsismis session sa lovelife ng Senadora. Malinaw naman na sa larangan ng pulitika, there are no permanent brods or sis, only permanent interests.
Ano ba ang silbi ng fraternities sa lipunan? Di maitatatwa na may nagagawang mabuti ang mga fraternity na ito tulad ng civic projects at fund raisers. Pero ganoon din ang naparaming organisasyon sa pamantasan na walang kultura ng hazing at initiation. Katumbas ba ng mga proyektong ito ang mga buhay ng nawala dahil sa hazing? Necessary evil ba ang fraternity?
Ang kaso ni Lenny Villa ang naging mitsa sa pagbubuo ng Anti-Hazing Law. Nananatili ang batas na inutil at walang ngipin, isang “regulatory” legislation na hindi ginagawang kriminal ang magsagawa ng hazing, mapa-psychological o pisikal man. Ginawa ngang kriminal ang libel, pero hindi ang hazing? Nawa'y maging makabuluhan ang pagsusuri ng mga mambabatas ng inutil na batas.
Bahagi ang hazing ng kulturang Pinoy na lihim na yumayakap sa karahasan. Tulad ng TokHang at rambol, hindi ito mawawala hangga’t pinapahalagahan natin ang kamao higit sa karapatang pantao. Habang may mga dean o opisyal ng mga unibersidad na nagsasabing walang masama sa pagsali sa fraternities. Habang pinapalakpakan natin ang mga pinunong nagpapamura ng buhay.
Kung tutuusin, bahagi lamang ang hazing ng kulto ng kapangyarihan at barbarismo. – Rappler.com