Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[EDITORIAL] #AnimatED: Sorry muna, Jack Ma, internet nami'y makupad pa!

$
0
0

Sabi ng isang Facebook user kamakailan: “Nakatihaya ako, LTE ang connection ko. Bumaling ako sa kanan, paharap sa dingding, naging 3G, at pagbaling naman sa kaliwa, paharap sa pintuan, naging E. What kind of sorcery is this? Lol.”

Nakakatawang isipin, pero ilan sa atin ang may ganyang karanasan pagdating sa wireless broadband? Itinatapat ang telepono sa kaliwa, sa kanan, pataas, paikot, sa kung saan-saan para mahanap lang ang pagmumulan ng mahiwagang signal. Minsan tatapat sa may pintuan o hahakbang nang paatras o pasulong bago makabingo.

Sa ibang kuwento naman, kahit na suwertehin kang mahanap ng iyong telepono ang signal, ibang sakit ng ulo pa ang pagong speed ng internet. Good luck na lang sa mga gustong magtrabaho nang maayos – forever na paghihintay sa pag-download ng attachment ng email o di kaya’y magpadala ng natapos na tugon sa email na ’yun. Magkape ka muna o umidlip nang sandali bago mo makita ang pinakaaasam na “Sent”!

Di ba’t kahit nga si Jack Ma, ang sikat at napakayamang negosyanteng nagtayo ng Alibaba Group sa China (binubuo ng mga negosyong internet-based), ang nagsabing “no good” ang internet sa Pilipinas? Masakit marahil ang puna para sa mga taga-telcos na nakarinig sa pagtitipon sa De La Salle University noong Oktubre 25. Pero kadalasa’y masakit naman talaga ang katotohanan, di ba?

Kung tutuusin, ayon sa Global State of the Internet report ng Akamai Technologies nitong 2017, 7.6 Mbps lang ang average connection speed ng internet sa China, na nasa ranggong 74 – malayo sa South Korea na nangunguna dala ng 28.6 Mbps nito. Pero nasaan naman ang Pilipinas? Nasa ranggong 100, na may napakabagal na 5.5 Mbps.

Napakalayo natin kumpara sa ibang mga kalapit na bansa sa ASEAN, katulad ng Singapore, na nasa number 7 (20.3 Mbps); Thailand, na nasa number 21 (16 Mbps); Vietnam, na nasa number 58 (9.5 Mbps); Malaysia, na nasa number 62 (8.9 Mbps); at Indonesia, na nasa number 77 (7.2 Mbps).

Talagang napag-iiwanan na tayo. Kung kumakaripas ng takbo ang internet sa South Korea o sa Singapore, gumagapang ang sa atin.

Noong 2016, itinatayang mahigit sa 3 bilyong katao na ang konektado sa internet, kasama na tayo roon. Halos kalahati na ng populasyon sa buong mundo ang gumagamit ng internet, at China ang bansang may pinakamaraming users nito. Sinasabing higit pa ang bilang ng internet users sa China kaysa sa pinagsamang gumagamit nito sa Estados Unidos, India, at Japan.

Binago nito ang pamumuhay natin, ginawang mas mabilis ang takbo ng pang-araw-araw na buhay at ng kalakaran. Sa ibang mga industriya, parang oxygen na ang turing sa internet connection: kung wala ito, patay ang negosyo. Sinabi rin ng World Bank na di karangyaan ngayon ang broadband o high-speed internet, kundi pangangailangan sa maunlad na at umuunlad pa lamang na mga bansa.

Halimbawa, kung mabilis lang talaga ang internet natin at abot ito sa mga liblib na barrio, malayo ang mararating ng edukasyon at impormasyon para sa nakararami. Di na kakailanganing tumawid ng mga sapa o ilog, o di kaya’y maalikabok na daan, marating lang ang paaralang magtuturo ng bagong kaalaman.

Mas marami ring trabaho ang malilikha nito sa ICT o information communication technology at sa iba pang mga sektor. Mas maraming trabaho, mas tataas ang productivity ng mga mamamayan.

Sa tindi ng traffic ngayon, napakaraming oras ang nasasayang sa kalsada. Kung mabilis sana ang internet sa buong bansa, mas magiging katotohanan ang “work-from-home” bill o ang Telecommuting Act of 2017 na inaprubahan ng Senado noong Mayo. Sa halip na makipagsapalaran nang ilang oras sa traffic, magiging posible nang magtrabaho mula sa bahay. Bawas pa ito sa mismong traffic.

Kung susuriin din ang kontribusyon at impact ng internet sa pag-unlad ng mga ekonomiya at pagbuti ng kabuhayan, dapat seryosohin ng pamahalaan ang pagpapabuti nito. Sabi nga ng isang pag-aaral ng McKinsey Global Institute (MGI) noon pang 2011: “The Internet accounted for 21 percent of GDP growth over the last five years among the developed countries MGI studied, a sharp acceleration from the 10 percent contribution over 15 years.” Kabilang sa mga pinag-aralan ang Group of Eight (G-8) nations, bukod pa sa Brazil, China, India, South Korea, at Sweden.

Sapat ang ebidensyang dapat palawakin ang broadband at pabilisin ang makupad nating internet. Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang plano para sa isang national broadband network, na tinatayang magkakahalagang $1.5 bilyon hanggang $4 bilyon (P77 bilyon hanggang P200 bilyon). Tiyak na kakailanganin ng gobyerno ang partisipasyon ng pribadong sektor sa napakalaking proyektong ito.

Sa 2020 raw, di bababa sa 10 Mbps ang internet connection natin, at magiging mas mura ito kaysa kasalukuyang P1,299 kada buwan. Samantala, konting tiis at tihaya pa, at sorry muna, Jack Ma. – Rappler.com


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>