Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[EDITORIAL] AnimatED: Saan pumalpak ang Facebook?

$
0
0

“We are a tech company, not a media company.” Ito ang paulit-ulit na sinasabi ni Mark Zuckerberg, CEO ng Facebook. 

Sa nakalipas na 10 taon, nabaligtad ang mundo ng pagbabalita. Hindi na natin nakukuha ang balita sa diyaryo sa umaga o sa TV sa gabi. Ngayon, ilang pindot lang sa cellphone, nasa kamay na natin ang balita sa pamamagitan ng social media. At 'di raw media company ang Facebook?

47 milyong tao sa Pilipinas ang aktibo sa Facebook.

Popularity o kasikatan ang diyos ng algorithms ng Facebook. Nakatutok ang mga data scientist nito sa pagpapababad sa user para hindi na ito umalis at lumipat sa ibang site. 

Dahil nga simula pa lang ay ayaw na ni Zuckerberg akuin ang papel ng gatekeeper ng balita, walang mekanismo ang Facebook para matahip ang bigas mula sa ipa – ang genuine laban sa fake; ang may kredibilidad laban sa patakbuhin; ang lantarang nanloloko laban sa nagsisikap magsalaysay ng totoo.

Hindi naka-optimize ang Facebook para sa katotohanan at pag-aaral. Sinusukat nito ang tagumpay sa clicks, likes, at comments, 'di bale na kung basura ang talakayan.

Ang naging casualty ay ang pag-unawa ng publiko sa pulitika at current affairs.

Umiikot lamang ang mga balita at opinyon sa mistulang kuweba ng mga magkakapareho ng kuro-kuro at kulay sa pulitika. Halimbawa, nakikita lamang ng mga suporter ni President Rodrigo Duterte and mga batikos sa kanya, dahil ito ang pinag-iinitan ng mga pinuno ng DDS. Ito lang ang nase-share at umaani ng komentaryo. Ang mga balitang tumatalakay sa magandang aspekto ng gobyerno ay nababaon at 'di tumatagos sa kanilang hinagap.

Dahil na rin sa napakalawak na reach ng Facebook at ang pagdiriin nito sa social relations, malaki ang kargo de konsensiya ng dambuhalang platform na ngayon ay lumalangoy sa pera mula sa lumolobong kita na hatid ng 2.006 bilyon na users.

Lumalim ang hidwaan ng lipunang Pilipino na unang tinamaan ng fake news at propaganda machine. Lalong bumabaw ang talakayan. Naging normal ang bastusan at babuyan. Naging pangkaraniwan ang mapagbantaan na gagahasain at papatayin. Keri lang sa maraming makabasa ng pangungutya sa itsura, kulay ng balat, at kasarian.

Ngayon, lumalabas na ang kuwento kung paano ginamit ng mga otokratikong pinuno ang social media upang magpalaganap ng propaganda at manipulahin ang mga tao para sumakay sa inimbentong realidad. 

Saan pumalpak ang Facebook? Isa-isahin natin.

1. Bukas sa manipulasyon. Inamin ng Facebook at Twitter na ginamit ang kanilang platforms upang impluwensyahan ang eleksyon sa Estados Unidos. Halimbawa, lumilitaw na galing sa Russia ang perang itinustos upang bumili ng online ads na nagli-link kay Hillary Clinton kay Satanas. Nasa 126 milyon ang tantsang naabot ng content mula sa Russian sources.

2. Nagpapakalat ng disinpormasyon. Sino ang nagpapasya kung sino ang makakikita ng mga posts ng 1.083 bilyong daily active users sa buong mundo? AI ang pangunahing nagko-compute ng kung aling post ang dapat ilagay sa feed ng mga tao batay sa popularidad.

Ang kalokohan dito, hindi ito marunong kumilatis ng peke, kasinungalinan, at walang kredibilidad. Di alam ng algorithms ang kaibahan ng fact sa fiction o kathang-isip. 

Sa madaling salita, ginawang viral ng Artificial Intelligence ang kamangmangan.

3. Pagbubulag-bulagan. Ayon sa mga opisyal ng Facebook, isa itong “neutral conduit” na walang kinakampihan. Ilang taon ding itinanggi ni Zuckerberg ang role ng Facebook sa pagkakalat ng maling impormasyon. Hindi raw sila mamamahayag. Dahil sa paniniwalang ito, naghugas-kamay ang Facebook sa fiasco nito sa US elections at pagpapalakas ng poder ng mga diktador sa buong mundo.

4. Nagpalala ng pagkahati-hati sa lipunan. Kamakailan nag-sorry si Ginoong Zuckerberg sa paglikha ng “divisions” sa social media platform. Sa ngayon, ang tangi lamang ipinangako ng kumpanya ay maging transparent sa advertisements.

Bago pa lamang ang eleksyon sa US, ibinahagi na ng Rappler ang pag-aaral nito kung paano ginamit ang 26 na pekeng accounts upang impluwensyahan ang 3 milyong accounts  sa Facebook. Bilang isang social experiment, nakita sa Pilipinas kung paano nagamit ang social media platforms upang i-polarize ang bayan.

5. Paglipana ng fake newsTinatantsang nasa 81 milyon ang pekeng profiles sa Facebook. Naluklok tuloy sa altar ng katotohanan ang kasinungalingan. Kapag may nag-viral na kasinungalingan, napakahirap, halos imposible, na itong mabura.

Ayon sa mga pag-aaral, walang epek ang pangontra ng Facebook sa fake news na tagging at “More Info” buttion. 

Inutil ang Facebook na walisin ang basura sa sarili nitong site. Kadalasan pa nga, ang nate-take down ay ang mga matapang na bumabatikos sa pamahalaan dahil sabay-sabay silang inireklamo ng propaganda machinery. 

Sabi ni Maria Ressa, executive editor ng Rappler, nang tumanggap siya ng Democracy Award para sa Rappler: “Sa mga tech companies, umaapila ako sa inyo, kailangan ng inyong aksyon – gawing transparent at accountable ang inyong mga platforms. Nagtayo kayo ng siyudad; ngayon, lagyan 'nyo naman ng traffic light at batas. Tigilan na ang kawalan ng pananagutan o impunity.”

Dagdag pa niya, "Sa bandang huli, ang kalayaang magpahayag ay ginagamit upang busalan ang malayang pamamahayag." 

Panahon na upang panagutan ng Facebook sampu ng millennial nitong pamunuan ang pag-agnas ng demokrasya sa buong planeta. Bilang isang network ng “social relationships,” tungkulin nitong magtaguyod ng magalang at matalinong lipunan.

Dapat na nitong harapin ang higanteng responsibilidad na dulot ng higante nitong kapangyarihan. – Rappler.com


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>