Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[EDITORIAL] AnimatED: Dapat na bang kalimutan ang 'ASEAN Way'?

$
0
0

Wala ka bang pakialam sa ASEAN? Tingin mo ba wala itong value-added sa buhay mo?

Kung wala ang ASEAN, hindi ka makakapagbiyahe nang mura at visa-free papunta sa mga templo ng Angkor Wat sa Cambodia, Yogyakarta sa Indonesia, Chiang Mai sa Thailand, at Bagan sa Myanmar. Hindi mo mamamalas nang walang kahirap-hirap ang likas na kagandahan ng Halong Bay sa Vietnam, Luang Prabang sa Laos, o Mount Kinabalu sa Malaysia.

Hindi mo rin matitikman sa maliit na travel budget ang pagkain sa Penang, Malaysia. Hindi mo malilibot ang moderno at malinis na Singapore na parang bumibiyahe lang sa Quiapo. Hindi rin kikita ang mga kababayan nating Pinoy sa dagsa ng turista sa ating mga tabing-dagat.

Kung wala ang ASEAN, walang murang bilihin na inaangkat at ineexport sa pagitan ng magkakapit-bahay na bansa. Maaring hindi naging global brands ang Grab, San Miguel Beer, Jollibee. at Potato Corner.

Kung tutuusin, marami na ring bakod na binuwag ang samahan ng sampung bansa. 

Pero lupain pa rin ito ng 'di pagkakapantay-pantay sa kabila ng pagiging ikatlong pinakamalaking ekonomiya sa Asya at panlima sa buong mundo. Sa Timog Silangang Asya na may 600 milyong populasyon matatagpuan ang pinakamayamang mga pamilya, habang sa rehiyon din matatagpuan ang mga taong madalas hindi kumakain nang 3 beses isang araw.

Ang 2017 ay panahon ng higanteng pagbabago sa geopolitics ng mundo. Humina ang kapangyarihan ng Estados Unidos at sa ilalim ni Pangulong Donald Trump, umatras ito sa Trans-Pacific Partnership (TPP) at climate deal ng Paris. Umaatras na rin ang US sa Asya, habang ang Pilipinas sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte ay nagpahayag ng pagkalas sa “Big Brother” at pagbaling sa Tsina at Russia. 

Higit kailanman, ngayong 2017 makikita ang kabit-kabit na bituka ng ekonomiya, pulitika, at kontrobersya ng mga bansa. Iniimbestigahan ang “pakikialam” ng Russia sa eleksyon ng US sa pamamagitan ng tech companies tulad ng Facebook, Twitter, at Google. Dinala sa tugatog ng tagumpay ng mga tech multinationals si Ginoong Trump sampu ng mga kontrobersyal at otokratikong pinuno tulad ni Ginoong Duterte. Social media rin ang isa sa pangunahing sandata ng Tsina at Russia sa pagsakal sa mga umuusbong na sibil na kalayaan sa kanilang mga bayan.

Nang ito’y nabuo noong 1967, pangunahing isyu ang komunismo – ngayon tampok ang terorismo at paglaganap ng ISIS sa Asya. Isang golpe-de-gulat sa ASEAN ang pagsiklab ng ISIS sa Marawi. Ipinakita nito na walang kinikilalang pader ang paglaganap ng virus ng extremism.

Lahat nang ito’y magkukrus ng landas sa ASEAN 2017 sa Maynila. 

Nakaukit sa bato ang dalawang batas ng ASEAN: Una, walang makikialam sa internal na usapin ng isa’t-isa, at pangalawa, walang consensus kung hindi sang-ayon lahat. Tinawag itong isang “outmoded governance system” ng dating foreign affairs secretary ng Pilipinas na si Albert del Rosario. 

Anong silbi ng ASEAN? Lalo na't gumastos ang Pilipinas ng $15 bilyon bilang host country.

Hindi natin tinatanong kung maiibsan ba ang kalam ng sikmura ng mga dukha. Malinaw namang hindi. Mapapaigting ba ang panlipunang pagkapantay-pantay? Hindi rin. Karapatang pantao at kalayaang mamahayag? Huwag na tayong umasa. Pero ‘di ba dapat lamang nangunguna ito sa pagtatanggol ng kapayapaan at patrimonyo ng mga kasaping bansa, lalo na’t “promoting regional peace and stability” ang isang poste ng bukluran ng ASEAN?

Pero mistulang busal sa bibig ang unanimity rule sa simpleng pagpapahayag ng protesta ng mga bansang ASEAN sa garapal na pagtatayo ng mga istruktura ng Tsina sa South China Sea. Ilang beses ding pinatay ng isa o dalawang kaalyadong bansa ng Tsina ang mga protesta ng mga claimant countries tulad ng Pilipinas, Vietnam, at Malaysia.

'Di rin maiiwasang pag-usapan ang pamumuno ng Pilipinas sa ASEAN ngayong host country at chairman ito. Kabaliktaran ng kanyang sinundang pinuno, ayaw ipagmalaki o banggitin man lang ni Pangulong Duterte na naipanalo ng Pilipinas ang landmark ruling sa isang internasyonal na korte na nagbabasura ng 9-dash rule ng Tsina. Pinahina raw ni Duterte ang "centrality" ng ASEAN, ang prinsipyong nagsasaad na dapat stabilidad ng rehiyon ang pangunahing itinataguyod ng samahan.

Makabuluhan pa ba sa 2017 ang “ASEAN Way”? Kung ang ASEAN Way ay katumbas ng pagiging parochial, insular, de-kahon, at mentalidad na solohin-ang-problema – dapat nang tigilan ang sarswelang ito. 

Kung ito’y pagbubuklod para sa ikabubuti ng lahat, pagmamalasakit sa kapit-bahay – oo, napapanahon pa rin ang ASEAN.

Kung ang ASEAN Way ang matalino at maliksing pagtugon sa hamon ng panahon nang hindi nakaposas sa lumang kalakaran – may puwang ito sa Siglo 21. – Rappler.com


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>