Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[EDITORIAL] #AnimatED: Bagong bayani sa hamon ng bagong panahon

$
0
0

Ano ang kabayanihan? At sino ba ang mga bayani? 

May pakahulugan sa Ingles na mainam nating tandaan: ang mga bayani ay pangkaraniwang taong nangahas gumawa ng ’di pangkaraniwang bagay.

Nariyan ang mga bayani sa oras ng panganib, ang mga sundalo at pulis na lumaban sa Marawi at ang 44 Special Action Force na nagbuwis ng buhay sa operasyon sa Mamasapano.

Tinatawag din nating bayani ang mga atletang dumaan sa matinding pagsasanay at nag-uwi ng karangalan sa bansa tulad ng mga lumahok sa SEA Games.

Andiyan din ang “unsung heroes,” ang overseas Filipino workers. Tinatatawag silang “bagong bayani” dahil ang remittances nila ang pangunahing nagpapalutang sa ekonomiya. Padala ng OFW ang bumuo ng 9.8% ng GDP ng bansa noon 2016.

At huwag nating kalilimutan ang ating mga guro, isa sa pinakamababa ang suweldo sa mga lingkod-bayan. Hinubog nila ang ating talino pati ating values – yung itinuturing nating makabuluhan sa buhay.

Andiyan ang mga kawani ng gobyerno na nananatiling matiyaga at ’di nababahiran sa kabila ng kaliwa’t kanang korapsyon. Sa kabila ng mababang sahod at usad-pagong na promosyon, isinasapuso nila ang pagsisilbi sa bayan. 

Saludo kami sa mga lumalaban sa lahat ng anyo, pasimple man or garapal, ng violence against women (VAW).

Pinararangalan namin ang mga kumakalinga sa mga binusabos at inapi, tulad ng mga biktima ng incest, human trafficking, at ng mga inabusong OFW.

Pero may ibang uri ng kabayanihan at paglilingkod sa bayan na sumulpot sa bagong hamon ng panahon.

Ngayong katotohanan ang madalas na tinatamaan at nalalaglag, maituturing na bayani ang mga truth tellers – silang hindi tumitiklop, silang hindi natitinag sa paninindigan para sa tama at katotohanan. 

Ipinaglalaban nila ang dati’y dinadakila ng lipunang Pilipino nguni’t ngayon ay tila bagsak-presyo: pagpapahalaga sa karapatang pantao, kalayaang magsalita, at malayang pamamahayag.

Nariyan ang summa cum laude mula sa Marawi na naninindigan para sa kapayapaan. 

Ang iskolar ng bayan na nanindigan laban sa extra-judicial killings o EJK. 

Ang mga high school student ng St Scholasitica's College na bumatikos sa paglilibing kay Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Ang alumni ng paaralan na sumuporta sa mga kabataan nitong nagpoprotesta at handang labanan sa korte ang cyber-bullies.

Bayani ang lahat ng lumalaban sa tinagurian ng international community na “patriotic trolling.” 

Huwag kayong malito sa gamit ng terminong “patriotic” dahil ito ang klase ng trolling na nakaangkla sa baluktot na kahulugan ng pagkamakabayan. Sabi ng mga kampon nito, katanggap-tanggap ang marahas na lengguwahe, masagwang asal, at pagpapakalat ng pagkamuhi dahil ito’y para sa presidente ng bayan.

Sa Huwebes, araw ni Andres Bonifacio – ang bayani ng masa, ang bayani ng mga manggagawa – magbigay-pugay rin tayo sa matatapang na tumatangan sa sulo ng katotohan.  

Silang nais na basagin ang katahimikan na dulot ng pananakot at paniniil sa online space, sila rin ay tunay na naglilingkod sa bayan.

Silang nais bawiin ang internet mula sa mga tumambang sa makatwiran at mahinahong debate, sila ang pinakabagong bayani.

At katulad nila, sa Bonifacio Day, italaga natin ang mga sarili na maging bayani sa kahit maliit nating sulok sa internet. Panatilihin natin itong may liwanag at malaya.  Rappler.com

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>