May dahilan ang mga tao na mag-alala sa mga rali ngayon na nagtutulak na baguhin ang Konstitusyon at mapalitan ang gobyerno ng isang rehimen, na sa katotohanan ay isang diktadurya kung saan ang pangulo lang ang may kontrol sa poder.
Ngunit kahit na dapat seryosohin ang banta ng isang RevGov (revolutionary government) at tutulan ito, ang pagtulak dito ng gobyerno ay nangangahulugang may kaguluhan at di-pagkakasundo sa loob ng koalisyong pampulitika ni Presidente Rodrigo Duterte.
Magkakatunggaling balakin
Ang pangkat na nagtutulak sa RevGov ay katunggali ng mga nagtutulak ng pagbabago sa sistemang pampulitika sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Konstitusyon sa ilalim ng constituent assembly. At ang dalawang paksyon ay salungat naman sa isa pang gupong ang gusto’y manatili ang status quo at ipanalo na lang nila ang mga puwesto sa Senado at Mababang Kapulungan sa 2019.
Para sa ikatlong paksyon, nag-umpisa na ang kampanyang elektoral, at magugulo lang ito ng agenda ng RevGov, lalo na kung di matutuloy ang eleksyon. Nagkakaisa ang mga paksyon sa pagsuporta kay Duterte, ngunit hindi sila nagkakasundo kung paano ipagpapatuloy ang Dutertismo.
Pinag-aawayan nila kung sino ang papakinggan ni Duterte, at ang mga rali para sa RevGov ay para magpakita ng puwersa o lakas sa ordinaryong mamamayan, sa ibang mga paksyon, at kay Duterte mismo.
Karamihan sa mga sumuporta kay Duterte para sa kanilang mga pampulitika at pang-ekonomiyang interes ay naghahangad na maisulong ang authoritarian agenda nang di mawawasak ang mga konstitusyonal na proseso, tulad ng lokal at pambansang eleksyon na magiging daan nila para makakuha ng poder sa lehitimong paraan. Marami sa kanila ay di desidido sa charter change dahil di tiyak ang magiging epekto nito sa kanilang kapangyarihang pampulitika’t pang-ekonomiya.
Ang balakin ng grupong ito ay gumamit ng awtoritaryang pamamaraan para mapanatili ang status quo nang di kumakalas sa kasalukuyang kaayusang pampulitika. Balewala sa kanila kung labagin ni Duterte ang karapatang pantao ng mahihirap sa pamamagitan ng extrajudicial killing, ngunit mabababahala sila kung lilimitahan ni Duterte ang kanilang hawak sa kapangyarihan sa ekonomiya at pulitika.
Ang gang ng RevGov
Ang mga nagtutulak sa RevGov ay mga dismayadong tagasuporta ni Duterte mula sa panggitnang uri, mga adbenturista sa pulitika, mga dating rebelde sa militar, dating mga aktibista na naghahangad ng mas malaking bahagi sa poder pampulitika at ekonomiya. Sa tingin nila, na-hijack ng oligarkiya si Duterte at ang mga ito ang may monopolyo ngayon sa poder.
Hindi pagbabago sa sistema ang gusto nila; ang hangad lang nila ay makasalo ng ganansya. Bagaman ang layunin nila ay makasali sa hatian ng “spoils,” nag-aalala rin sila sa pababang popularidad ni Duterte sa masang bumoto sa kanya dahil hindi ito nakapaghatid ng kongkretong pagbabago sa buhay ng mga tao. Ngunit dahil sa kawalan ng programang panlipunan at pang-ekonomiya sa agenda ng RevGov, wala silang sagot sa aspirasyon ng mga tao kundi ang itulak ang awtoritaryanismo.
Nagkakaisa lang ang mga paksyon sa pagiging kontra sa mga Dilawan at sa suporta nila sa giyera sa mahihirap na nagpapanggap na giyera sa droga. Ngunit makikita sa mga pro-RevGov na pagtitipon na may seryosong tensyon sa loob ng koalisyon – tensyong maaaring sumabog at maging lantad.
Dilema ni Duterte
Nasaan si Duterte sa lahat ng ito? Asahan nating may sasabihin siyang maganda para sa mga tagasuporta ng RevGov. Ngunit alam din niya na kapag lumabas siya sa konstitusyonal na kaayusan ay para na rin niyang sinira ang sistemang naghalal sa kanya at pinagkukunan niya ng kapangyarihan.
Malalantad siya sa mga naghahangad na mapatalsik siya. Magkakaroon ng dahilan ang mga ito na tanggalin siya sa puwesto para ibalik ang konstitusyonal na kaayusan, maski hindi ito ang tunay hinahangad nila. Ang dapat ikabahala ni Duterte ay ang militar na di niya kontrolado, at naiinggit sa kapangyarihang taglay ng militar sa Thailand at Myanmar. Aabangan nila ang pagwasak ni Duterte sa Konstitusyon upang sunggaban din ang kapangyarihan.
Ang malamang na patutunguhan ng rebolusyonaryong gobyerno ay hindi matatag na awtoritaryanismo kundi mga kudeta na ang dulot ay destabilisasyon. Ang senaryong ito, higit sa iba, ang pumipigil sa Presidente upang payagan ang paksyon sa kanyang pamahalaan na sumusuporta sa rebolusyonayong gobyerno.
Kontra-rebolusyon, hindi rebolusyon
Batay sa mga nangyayari, makikita nating ang koalisyong sumusuporta kay Duterte ay may kanya-kanyang magkakaibang balakin, at nagkakasundo lang sila sa usapin ng giyera sa mahihirap, sa tamang proseso, at sa karapatang pantao.
Ipinakikita rin nito na walang progresibong agenda ang gobyerno ni Duterte.
Retorika lamang ang pagiging rebolusyonaryo para pagtakpan na ang tanging agenda nila ay makakuha ng mas malaking bahagi ng kapangyarihang pampulitika at pang-ekonomiya. Hindi nila iniisip ang pagbabagong ang hatid ay pagkakapantay-pantay at hustisya.
Ang sinasabing Rebolusyon ni Duterte ay mas tamang sabihing kontra-rebolusyon at hindi pagpapatuloy ng dakilang rebolusyon noong 1896 na pinamunuan ni Gat Andres Bonifacio. – Rappler.com
Basahin sa Ingles: [OPINION] Revolutionary government: Show of force...or sign of weakness?
Sa buong kasaysayan ng Kongreso, si Walden Bello ang kaisa-isang miyembro (2009-2015) ng Mababang Kapulungan na nagbitiw dahil sa prinsipyo. Siya ngayon ang pambansang pangulo ng Koalisyon Laban ng Masa.