Kapansin-pansin ang mga pagtira ng administrasyong Duterte sa mga haligi ng ating demokrasya sa pamamagitan ng bantang impeachment sa mga pinuno ng Korte Suprema at ng Ombudsman. Nagkataon pang pareho silang babae: sina Chief Justice Maria Lourdes Sereno at Conchita Carpio-Morales.
Nitong nakaraang linggo at hanggang sa darating na Martes, tuloy ang pagdinig ng House of Representatives justice committee sa impeachment complaint laban kay Sereno. Bago ito, mismong ang Palasyo – sa pamamagitan ni Presidential Spokesman Harry Roque – ang nagsabing dapat nang magbitiw si Sereno upang di niya makaladkad paimburnal ang Korte Suprema. May basbas pa ng Pangulong Rodrigo Duterte ang kasong inihain laban kay Sereno.
Di lang ’yan. Di pa nasiyahan ang Kongreso sa sinabi ng Malacañang. Nakiduweto pa si House justice committee chairman Reynaldo Umali nang nagbanta siya noong Nobyembre na maaaring ipaaresto ng kanyang komite si Sereno kung di ito magpakita sa hearing.
Nakalimutan na ba ng ehekutibo at lehislatura ang prinsipyo ng separasyon ng kapangyarihan sa mga sangay ng gobyerno? Di ba’t nakabatay ito sa konsepto ng tinatawag na check and balance sa isang demokrasya, upang ang kalabisan ng isa ay masusing masuri ng ibang sangay ng gobyerno?
Pero tila sinasadya ang pagpapahina ng mga institusyong may kapangyarihang sumangga sa mga posibleng kalabisan ng nasa ehekutibo.
Ano nga ba ang nakasaad sa Saligang Batas tungkol sa pagtanggal ng isang opisyal sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment? Dapat daw may paglabag sa Konstitusyon, pagtataksil sa bayan, panunuhol, katiwalian at korupsyon, iba pang imoralidad at paglabag sa batas, o betrayal of public trust. Mabigat dapat ang mga pagkukulang at tahasan ang paglabag sa Konstitusyon.
Pero kakaiba ang naganap noong nakaraang linggo sa pagdinig ng House justice committee. Animo’y nagsusumbong ang isang mahistrado sa Kongreso ukol sa mga di pagkakasundo sa loob ng Korte Suprema.
Sabi ni Associate Justice Teresita Leonardo-De Castro, di raw sinagot ni Chief Justice Sereno ang sulat niya na kumukuwestiyon sa naging desisyon nitong may kinalaman sa RCAO o Regional Court Administration Office. Nagtalaga raw si Sereno ng ibang pinuno ng sariling likha nitong Judiciary Decentralized Office o JDO. Wala ito sa usapan ng en banc o kabuuan ng Korte Suprema. Dahil diyan dapat siyang dumaan sa impeachment o pagtataluwalag.
Di kami pumapanig kay Sereno, pero gaya nga ng nasulat na ng dating dean na si Tony La Viña, kailangan ng prima facie evidence na magpapakita na may malisya o intensyon sa pagkilos o pagdedesisyon ni Sereno. Kung wala iyan, nagmimistula lang itong away sa bahay o sa pamilya na dapat ayusin ng mga mahistrado.
Kung matatalino sila katulad ng pag-aakala ng iba, kaya nilang ayusin ang ganyang gusot nang di kailangang magsumbong pa sa isang kapantay na sangay ng gobyerno upang mapanatili ang dignidad ng institusyong kinabibilangan nila.
Sa panahon ngayon, higit kailan, kailangang manatiling malakas ang mga independiyenteng institusyong katulad ng Korte Suprema at Ombudsman. Bakit? Dahil nararamdaman natin ang ihip ng hangin patungo sa direksyon ng awtoritaryanismo, kung di man paghahangad ng monopolyo ng kapangyarihan ng isang pinuno na kayang sagasaan ang lahat, pati na ang batas, masunod lang ang kanyang kagustuhan.
Isa raw sa kahinaan ng mga Pilipino ay ang madaling paghahati-hati at paghihiwahiwalay. Ang pagiging utak talangka ay isa sa mga nagpapadali sa pagbuwag sa mga institusyong bahagi ng isang demokrasya.
Sa Martes, ipagpapatuloy ang pagdinig ng House justice committee sa impeachment complaint laban kay Sereno, at patuloy rin ang pagtawag ng iba’t ibang empleyado at iba pang mahistrado ng Korte Suprema. Ang kadulu-duluhan nito’y ang Senado na siyang huhusga kung may sapat na dahilan nga upang tanggalin sa puwesto si Sereno.
Bago ang lahat ng ito, mainit ang atensyon sa pagkakadawit ng anak ng Pangulo na si Paolo Duterte at ang manugang na si Manases Carpio sa mga alegasyon ng korupsyon at sa pagkakapuslit ng P6.4 bilyong halaga ng shabu. Parang naglaho na sila sa mga imbestigasyon.
Habang mahalagang manatiling matino ang mga pinuno ng Korte Suprema at ng Ombudsman, kailangang manatiling alerto ang lahat at di nababaling ang atensyon sa mga palabas na likha ng mga pulitikong may sariling interes o agenda. Ginagawa nilang aliwan lamang ang impeachment ng mga opisyal ng independiyenteng constitutional bodies. – Rappler.com