Dalawa lang daw ang tiyak sa buhay, kamatayan at buwis. Tanggap na natin ito basta hindi buwis ang ikamamatay natin.
Nandito na ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion law o TRAIN ng administrasyong Duterte.
Gawing simple at mas makatarungan ang buwis – 'yan ang layon ng tax law na nago-overhaul sa 20 anyos na masalimuot na batas.
Malalaman natin sa kalaunan kung nagtagumpay ba ito pero ang kagyat na tanong ay ito: ano ang epekto nito sa buhay natin?
Mukha namang pasisimplehin nito ang pagfa-file ng income tax returns at 'di na buwan-buwan kundi quarterly na filing na para sa ilang forms.
Maraming mapapangiti pagsilip sa mga paycheck. Lalaki ang take-home pay ng mga empleyado dahil itinaas sa P250,000 annual earners ang sakop ng zero income tax.
May mga ekonomistang naniniwala na ito'y makatwiran at sa kalaunan ay magdudulot ng kaibsan sa taumbayan dahil may pantustos na ang pamahalaan sa serbisyo't imprastraktura. Tumataginting na P1.89 trilyon ang gustong gastusin ng administrasyon sa road works pa lamang, at abot sa P8.44 trilyon ang nakalaan sa "Build, build, build".
Magmamahal ang yosi, softdrinks at matatamis na inumin, make-up, at kotse.
Napapanahon ang buwis sa kotse dahil hindi na kaya ng mga lansangan ang paglobo ng car sales. Pero ang mga maginoong lehislador, nakapagsingit pa nga ng tax cuts para sa bibili ng luxury vehicles.
Sa kabila ng tax-exemption candy na nakabalot sa bagong tax law, maaaring bumulaga sa atin bilang mga consumer ang inflation.
Ang mas mataas na VAT (value-added tax) at fuel taxes ay may ripple effect sa lahat halos ng consumer products, pangunahin na ang kuryente, transportasyon at pagkain. May mga ulat na nga ng pagtaas ng presyo ng karne.
Sabi ng gubyerno, short-term lang ito at sa kalaunan ay anti-inflationary daw. Pero ano ang kahulugan ng short term, at kailan aasahan ang biyaya nito? Tirik na kaya ang mata ng mahihirap 'pag nagbukang-liwayway?
Sa kabuuan, tatamaan ang mahihirap at ang informal sector – yung mga hindi swelduhan – dahil sa inaasahang inflation. Paano na ang mga walang trabaho, mga vendor, jeepney at tricycle driver, at iba pa? Para silang masasagasaan ng tren.
Tatamaan din ang mga OFW na nagpapadala ng remittance dahil tumaas din ang documentary stamps tax. Dumoble ang buwis sa bawa't P200 na padala ni Inay mula Singapore at ni Itay mula Saudi.
Maglalaho ang mga ngiti sa ating mga labi kapag nilimas ng price increases ang nadagdag sa paycheck. Baka nga sa suma total ay umurong pang parang mumurahing tela ang savings natin.
Mukhang batid ng gubyerno na ang mga dukha ang pinakatatamaan, kaya't magbibigay ng P200/buwan unconditional cash transfers sa pinakamahihirap na tutukuyin ng DSWD. Nasa 10 milyon din ang mahirap sa bansa. Kaya ba ng DSWD ang higanteng assignment na ito? Magiging sistematiko at malinis sa kurapsyon ba ang ipamumudmod nito?
At higit sa lahat sasapat ba ang dalawang daan para itawid ang isang naghihikahos na pamilya?
Lahat ng pagbubuwis ay balancing act. Merong aspeto ng buhay nating tatamaan, merong magiginhawahan. Sabi ng mga ekonomistang pabor dito, sa net effect, mainam daw ang bagong tax law. Mas marami ang makikinabang sa mahabang panahon.
Pero paano na ang mahihirap na maiksi ang pisi upang matagalan ang panahon ng inflation? Sila na naman ba ang sacrificial lamb, tulad sa gyera laban sa droga? Sila na naman ba ang dehado? – Rappler.com