“Para nating ipinasulat sa mga zombie ang Konstitusyon.” ‘Yan ang hinaing ng isang party-list congressman sa pagpapaubaya ng charter change sa Kongreso.
Totoong maraming butas ang 30-anyos na Saligang Batas. Andyan ang mga probisyong ‘di na angkop sa panahon o di kaya’y sadyang malabo ang pagkakasulat.
Matayog din ang adhikain ni Pangulong Rodrigo Duterte. Sa pamamagitan ng Charter Change, nais niyang ilipat sa federalism ang sistema ng gobyerno. Layon niyang wakasan ang imperyalismo ng Maynila at madesentralisa ang kapangyarihan pabalik sa mga mga probinsya at lokal na pamahalaan.
Magkakatalo nang malaki sa kung sino ang magpapanganak sa Saligang Batas – mga eksperto ba sa batas sa isang Constititional Convention (Con-Con), o mga lehislador sa isang Constitutional Assembly (Con-Ass)?
Ngayong nakita ng Pangulo na aabot ang gastos sa isang Con-Con sa P7 bilyon, kumambyo s’ya at nagpasyang mag-Con-Ass na lang.
Ano ang sentral na usapin? Tiwala. Sa kasong ito, ang kasalatan ng tiwala sa mga kongresista na bubuo sa Con-Ass na mag-aakda sa pinakasagradong batas ng bansa.
Magtitiwala ka ba sa Mababang Kapulungan na ginagawang libangan ang mang-impeach at ipatawag ang mga sumasalungat sa Presidente, tulad ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno? Silang mga kongresista na nagpasa ng isang taong extension ng martial law sa Mindanao at malinaw na rubber-stamp ng Palasyo?
Makaaasa ba tayo ng malalim, matalino at maprinsipyong paghubog sa isang bagong Konstitusyon sa kamay ng mga kongresistang nagtampisaw sa misogyny o panlalait sa isang babae nang imbestigahan nito si Senadora Leila de Lima?
Magtitiwala ka ba sa kapulungan na mapag-imbot at garapal na pinagkaitan ng budget ang oposisyon?
Magtitiwala ka ba sa kapulungan na pinangungunahan ng House Speaker na tila lasing sa kapangyarihan at nais ipa-disbar ang mga mahistradong sumalungat sa kanya?
Magtitiwala ka ba sa Kongreso na pawang galing sa mga political dynasty at hindi nahihiyang isingit ang kanilang vested interest sa paggawa ng batas?
Katwiran ni House Majority Leader Rudy Fariñas nasa taumbayan ang huling pagpapasya sa pamamagitan ng isang plebesito. Pero paano na kung 73% sa mga boboto ang hindi nakakaunawa o hindi nakabasa ni minsan ng Konstitusyon? Sa tindi ng pag-iidolo nila kay Tatay Digong, hindi ba’t malamang ay bulag nilang sasang-ayunan ang panukalang Konstitusyon?
Samantala, naging malaking isyu ngayon kung magkasama o hiwalay na boboto ang mga kongresista at senador dahil na rin sa kalabuan ng Charter na nais nilang baguhin. “Upon a vote of 3/4 of all its members” ang nakasaad, nguni’t ‘di malinaw kung paano boboto. Nag-aalburoto ang lahat ng mga senador, oposisyon man o maka-administrasyon, dahil lulusawin ng 300 na kongresista ang 23 nilang boto. Tsk, tsk.
Pero marami pang resbak ang Cha-Cha na hindi natin napagtatanto. Andyan ang No-El o "No Elections" at ayon kay Senador Panfilo Lacson, tila gigil na ang ilang mga congressman sa senaryong ito.
Nangunguna rito si House Speaker Pantaleon Alvarez na gustong madaliin ang paggawa ng draft ng charter. Ang timetable nya: magpulong sa Enero at magplebesito ng Mayo! ‘Yan ang shotgun wedding. Mapipikot ang sambayanang Pilipino sa pagpapakasal sa sistema ng pederalismo gamit ang Cha-Cha express.
Mahalagang isyu man ang relevance ng Senado, may mas mahalagang usapin na dapat nating harapin: may tiwala ba tayo sa Kongreso?
Magtitiwala ka bang isulat ng mga maginoong ito ang kinabukasan ng bayan at ng susunod na henerasyon?
Mukhang hindi 'ata kami tiwala. – Rappler.com