Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[EDITORIAL] #AnimatED: Palakpakan ang Baliw Awards

$
0
0

Kung si Assistant Secretary for Presidential Communications Mocha Uson ang tatanungin, lumipat na sa Naga ang bulkang Mayon, ang mga tropang Honduras ay Pinoy, at lahat ng mamamahayag sa mainstream ay "presstitute".

Nasaan ang competence, compassion?

Sa kabila ng pagkakalat ng kasinungalingan habang nasa pwesto, ginawaran siya ng Thomasian Alumni Award for Government Service.

“Hindi isinaalang-alang ang “morality, uprightness” sa pagbibigay ng award kay Uson, ito ang paliwanag ng nagbitiw na pangulo ng University of Santo Tomas Alumni Association Inc na si Henry Tenedero. Ang pamantayan daw nila ay “competence, commitment at compassion.”

Parang hindi ’ata pasado ang ex-sexy entertainer at blogger na si Esther Margaux Uson sa dalawa sa tatlong C. Commitment lang ang pinamalas ng ale – commitment bilang pinakamakamandag na supporter ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sabit na sabit si Uson sa competence. Siya ang pangunahing tagapagtulak ng fake news sa bansa, at lahat nang 'yan bilang isang opisyal ng gobyerno na ang mandato'y magsulong ng epektibong komunikasyon sa ikabubuti ng bansa. Sa madaling salita, incompetent si Mocha!

At lalong sablay siya sa compassion – kung pagbabatayan ang mga tirada niya laban sa mga kritiko ng Pangulo tulad ni Bise Presidente Leni Robredo, Senador Antonio Trillanes at Senadora Leila de Lima. "Leni, you are stupid," sabi ni Uson kay Robredo. 

At bakit hindi isasama ang morality at uprightness sa pamantayan? 'Di ba't bantay ng moralidad at pagiging matuwid ang UST? Hindi ba dapat tingnan din kung paano namuhay-Thomasian ang bawa't nominado?

Ibabahagi namin ang words of (non) wisdom ni Ms Uson mula sa isa niyang Facebook Live post, na tila nagbabadya ng malamig na relasyon n'ya ngayon sa netizens: "At ang lamig lamig po dito ngayon.(cough) Ang lamig po. Grabe ang lamig. Ahh hindi naman po masyado malamig pero malamig sakto lang po. Parang ano, parang Baguio na mas malamig po."

Chill, mga kababayan. 'Wag na natin pag-usapan ang talas at dunong ni Mocha. Gusto ni Uson na mag-move-on na tayo, para maibaon na sa limot ito. Huwag mag-alala, marami pa 'yan! :)

Salamin, salamin

Ang pag-usapan natin ay ang nagyeyelo nating sentido bilang isang lipunan. Dahil sa bandang huli, salamin natin ang mga pinunong iniluluklok natin sa poder.

Bakit tayo umabot sa puntong ginagantimpalaan natin ang katangahan, kagarapalan, at kakupalan? Bakit tayo umabot sa puntong sumisikat ang mga Uson, RJ Nieto at Sass Sasot? Idagdag na ang wannabe at isa pa ring government official na si Lorraine Badoy na walang alam kundi manlait ng itsura ng katunggali?

At huwag kalilimutan ang spokesman ng Pangulo na si Harry Roque. Ayon sa dating kongresista na tinangkang sipain ng sariling partylist niya, matuwa daw tayo sa fake news dahil kung wala ito, di natin malalaman kung ano ang totoo! Ano daw? 'Yan ang "creative interpretation". Sa Filipino, lantarang pang-uulol.

Parangal na walang dangal?

Nakapangingilabot ang mga ehemplo ng tatawagin naming "Baliw Awards" sa panahon ni Pangulong Duterte.

Bakit binalahura ang mahabang kasaysayan ng kagalingan ng mga Thomasian sa isang award na 'di pinag-isipan?

Bakit binigyan si Ronald dela Rosa ng Gusi Peace Price International? Siya na tagpagpatupad ng Tokhang na kumitil ng higit 7,000 buhay?

At bakit binigyan ng Bagong Alyansang Makabayan si Pangulong Duterte noong Agosto 2016 – kung kailan kaulayaw pa ng Kaliwa ang administrasyon – ng 1st Gawad Supremo Award? Siya na arkitekto ng PH drug war na pangunahing bumibiktima sa mga dukha, inihanay kay Gat Andres Bonifacio na tagapagtanggol ng inaaping masa!

Baligtad na mundo

Ano na po ba ang nangyari sa atin, Bayan? Bakit itim na ang puti at puti ang itim? Bakit pinapalakpakan natin ang mali at pinupukol ang tama? Bakit natin sila inilalagay sa pedestal?

Bakit ingay ng perya ang nangingibabaw? Bakit kababawan ang nananaig sa pagbibigay ng award at sa pagpili ng mamumuno sa bansa? Bakit puro echo na lamang ang naririnig sa mga bulwagan ng pampublikong talastasan at matagal nang nagsiuwian ang lohika, pagsisiyasat, at pagsusuri?

Ito na ba ang ating mga values bilang Pilipino? Ito na ba ang buod ng ating pagkatao – ang maging hindi makatao, hindi rasyonal, hindi makatotohanan?

Tulad ng gulong ng buhay, minsan nasa ibabaw, minsan nasa ilalim. Umaasa kaming ayaw lang makipagsigawan ng mga nasa tuwid na pag-iisip. Ayaw lang pumatol ng mga disente, magalang, at mahinahon.

Umaasa pa rin kaming hindi pa ganap ang takipsilim. Naririnig na namin ang pag-iinot ng nagtutulugtulugan. Nararamdaman na natin ang pag-uumapaw ng galit at damdamin.

Panahon nang kumibo at sindihan ang mga kandila sa dilim. – Rappler.com 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>