May isang linya si Gary Oldman, bilang Winston Churchill, sa pelikulang The Darkest Hour: "Lost causes are the only ones worth fighting for." Sa pinaikling interpretasyon sa Filipino, "mas masarap ipaglaban ang mga talo/talunan." Ang Rappler ay isang "talunan." Ngunit totoo na nga bang talunan ang Rappler?
Malakas na puwersa laban sa Rappler
Kung gagamitin ang linya ni Oldman-bilang-Churchill, angkop ito sa sitwasyon ng Rappler dahil, tulad ng ginawa ng army ni Hitler noong 1940 laban sa kaaway, pinagtutulungan ng army o puwersa ni Duterte ngayon ang Rappler, pagkatapos nilang patahimikin ang iba pang oposisyon bago pa ang kampanya laban sa Rappler. Ang sinasabi ng puwersa ni Duterte ay isyu ito ng pagiging konstitusyonal, na nilabag ng Rappler ang Konstitusyon. Pero kahit mismong mga kaalyado ng administrasyon ay paiwas ang mga sinasabi tungkol sa isyung ito – alam kasi nilang bahagi pa rin ito ng manipulasyon ng administrasyon para mapatahimik ang isang independyenteng media. Mismong si Duterte ang naglunsad ng kampanyang ito sa kanyang State of the Nation noong Hulyo 2017.
Sa ibang panahon, ang kuwestyon ng pag-aari sa media ay isang mahalagang isyu na dapat mapag-usapan, ngunit hindi sa panahong ito na ang isyu talaga ay ang ambisyon ng administrasyon na magtatag ng diktadurya; na ang layunin talaga ay tanggalin ang sinuman o anumang hahadlang sa ambisyon ng gobyerno. Bahagi pa rin ito ng mga naging aksyon ng administrasyon, tulad ng pagpapalibing kay Marcos, pagpapakulong kay Senador Leila de Lima, tangkang pagpapatalsik kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno, at desisyon ng SEC laban sa Rappler. Lahat ng ito ay bahagi ng opensiba na gawing permanenteng kalagayan ang pagpapahigpit ng sistemang pampulitika, kaya dapat itong tutulan.
Opensibang pasista
Totoong hindi maganda ang kondisyon para sa pakikibaka. Sa isa kong naisulat na artikulo, sinabi ko na isang uri ng pasismo – pasismong nasa opensiba – ang isinagawa ng administrasyon ni Duterte sa pamamagitan ng tokhang o giyera sa droga sa umpisa pa lang ng kanyang pamamahala. Matindi agad ang represyon para sa layuning awtoritaryan sa halip na gawin niya ito nang hakbang-hakbang tungo sa pagtatapos ng kanyang termino. Sa nangyari, pagkukumpleto na lang ng opensiba ang pagtanggal sa separasyon ng kapangyarihan sa mga sangay ng gobyerno at pagwasak ng mga karapatang pulitikal, dahil nanahimik na ang oposisyon.
Kabaligtaran ng orihinal na plano ng administrasyon, nanahimik at sumunod na lang ang oposisyon hindi dahil natakot ito; mas resulta ito ng pagiging mahina at watak-watak ng oposisyon. Karamihan din ay nasa gilid lang. Kaya’t namamayagpag ang rehimeng ito tungo sa awtoritaryanismo dahil may sapat at lantarang suporta ng mayayaman at panggitnang uri.
May dating ang pasismo
Para maging matagumpay ang pagtutol o pakikibaka, dapat na nakaugat ito sa pagkilala sa mga realidad. Dapat maintindihan kung bakit nakakakuha ng suporta sa kalakhan ng mamamayan ang tunguhing awtoritaryan ng administrasyon ni Duterte.
Karamihan ng mga rehimeng pasista noong nakaraan ay nagkaroon din ng suportang popular. Ginawa ng mga itong bentahe ang takot at pagkadismaya ng mga tao at ang kabiguan ng mga sistemang demokratiko na ihatid ang pangakong pangalagaan ang mamamayan sa kahirapan at laban sa mga makapangyarihan at mayayaman, laban sa korapsyon. Mismong sa ilalim din ng mga demokratikong sistema ay natatapakan ang mga karapatan ng mamamayan dahil sa mga makasariling interes.
Dahil dito, maraming Filipino ang tinatanggap na lang na may korapsyon sa media, ang "envelopmental journalism," kaya't di nila nakikitang karapat-dapat na ipaglaban ang isang malaya at independyenteng media. Sa ganitong anggulo, tila Rappler, na isang tagapagtaguyod ng malaya, kritikal, at malinis na media, ang nagbabayad ngayon ng mga nakaraang kasalanan, pati na ng kasalanan ng mga mamamahayag na ngayon ay bayaran na rin ng administrasyong Duterte. Ang mga bayarang ito rin ngayon ang nangunguna sa kampanya laban sa kalayaaan sa pamamahayag.
Ang hamon
Kinakagat ng mga tao ang mensaheng ito ng Malacañang: ang isang bukas at demokratikong sistema, kung saan ang mga tao ay makakatamasa ng mga kalayaan at karapatan, ay di karapat-dapat ipaglaban dahil bigo ang sistemang ito sa pagtataguyod ng interes at kapakinabangan ng mamamayan. Isang makapangyarihang mensahe ito para sa mga mamamayan na matagal nang bigo at dismayado. Kailangang matapatan ito ng isa ring makapangyarihang mensahe na bagaman bigo ang sistemang "elite democracy," hindi rin solusyon ang awtoritaryanismo, at mas malala pa nga ang magiging resulta nito. Ang mensahe ay di lang dapat nakatuon sa mga problemang magiging dala ng awtoritaryanismo kundi maglaman din ng mga alternatibong programa. Ano ang dapat alternatibo sa elite democracy, kung saan ang isang tunay na malayang press, tulad ng Rappler, ay maaaring maging bahagi? Kagyat ang labanan ng mga ideya at walang panahong dapat sayangin dahil nahaharap tayo sa isa sa mga pinakamakapangyarihang banta.
Kung titingnan, maaaring parang talunan na nga ang isyu ng Rappler. Ngunit magiging talunan lang ito kung paniniwalaan ang propaganda ng administrasyon. Sa katunayan, ang pag-atakeng ito ng administrasyon sa malayang pamamahayag ay magiging positibo kung magbibigay-daan ito sa nagkakaisang depensa para sa Rappler at ito ay magiging tuntungan pa ng opensiba para tutulan o pigilan ang pagdausdos ng bansa sa kadiliman sa ilalim ng isang awtoritaryang paghahari. Nasa atin ang pagkilos.
(Basahin ang bersiyon sa Ingles dito.)
– Rappler.com
Si Walden Bello ay madalas magsulat para sa Rappler. Dati siyang kinatawan sa Mababang Kapulungan ngunit nagbiitiw dahil as prinsipyo dahil sa pagkakaiba ng posisyon sa dating administrasyon Aquino sa iba-ibang isyu, kasama ang DAP, Mamasapano, at yung EDCA. Ang pagbibitiw niya ay ang kaisa-isang pagbibitiw dahil sa prinsipyo sa buong kasaysayan ng Kongreso.