Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Katotohanan ba ang habol ng ‘Doctors for Truth’ sa Dengvaxia scandal?

$
0
0

 Sa kahit anong eskandalo, may mga pabida, mga gumagatas sa pagdurusa ng iba, at may mga oportunista. Hindi naiiba ang eskandalo sa Dengvaxia, na ginagatasan ni Senador Dick Gordon para itulak ang kanyang karerang pampulitika, at lantaran namang ginagawang oportunidad ni Persida Acosta ng Public Attorney’s Office para makakuha ng magandang puwesto sa administrasyong Duterte, at nakikita ng mga tagasunod ni Duterte na oportunidad para makaiskor laban sa dating gobyerno ni Aquino.

Mga esktra lang, hindi bida

Sina Gordon, Acosta, at ang mga oportunista ay mga ekstra lamang sa drama tungkol sa Dengvaxia. Hindi sila prinsipal na tagapagganap. Naghahanap tayo ng pagkondena sa statement na inilabas ng tinaguriang “Doctors for Truth” – na pinirmahan ng ilang mga propesyunal sa larangan ng medisina – laban sa Sanofi Pasteur at mga dati at kasalukuyang opisyal ng Kagawaran ng Kalusugan o DOH dahil sa tinatawag ni dating Health Secretary Enrique Ona na “bangungot sa kalusugan ng bansa.”

Ngunit wala tayong matatagpuang ganito sa nasabing statement, kahit pa nga nagkasala ang Sanofi Pasteur, si Janette Garin, at mga opisyal ng DOH at Food and Drug Administration dahil sa pagiging iresponsable at sa paglalagay sa malaking panganib sa mahigit 800,000 batang Pilipino.

Pagdepensa sa mga pangunahing tauhan

Ang makikita sa position paper ng “Doctors for Truth” ay pagdepensa sa mga prinsipal na may kinalaman sa eskandalo ng Dengvaxia, sa pamamagitan nang pagsasabing “walang perpektong bakuna.” Nakalimutan – o kinalimutan? – ng mga doktor na ito na kaya nga nagkakaroon muna ng matinding clinical trial ang mga gamot bago ilabas sa merkado ay para matiyak na gagana at epektibo ang gamot, maiiwasan ang malaking panganib na maaaring dala nito, at mababawasan kung di man mawala ang mga side effect nito.

Di nakapasa ang Dengvaxia sa mahigpit na pamantayan ayon sa “statistical probabalities.” Nakatala pa ito sa isang masusing pagsasaliksik na ang resulta ay lumabas sa isa sa mga pangunahing medical journals, ang New England Journal of Medicine (Volume 373, No. 13; September 24, 2015). Halos kalahati ng sumulat ng research ay may kaugnayan pa mismo sa Sanofi Pasteur.

Lumabas ang report bago pa pumirma ang gobyerno ng Pilipinas ng kontrata sa Sanofi at bago ilunsad ang programa sa pagbabakuna. Ayon sa ulat, nakita sa mga clinical trial na mas mataas ang panganib para sa mga batang di pa nagkaroon ng dengue na nasa isang partikular na gulang nang bakunahan kaysa mga batang dati nang nagkaroon ng dengue.

Dahil sa seryosong implikasyon ng report na nakabahala sa mga editor ng journal, naglabas pa sila ng kasabay na editoryal na may titulong “A Candidate Vaccine Walks a Tightrope.” Ayon sa editoryal, na malaki ang naging epekto sa larangan ng pagsasaliksik, “ang kapansin-pansin ay ang suhestiyon na ang CYD-TDV (Dengvaxia) ay maiuugnay sa mataas na panganib ng hospitalisasyon ng mga batang may dengue, edad siyam at pababa (ngunit mas higit ang panganib sa mga may gulang na 2 hanggang 5 taon) kung magkaroon sila ng dengue sa ikatlong taon matapos mabakunahan. (Sa akin ang paglalagay ng diin.)

Ang kongklusyon ng editoryal: “Kulang pa sa katiyakan ng immune correlates ang bakuna upang maiwasan o mapangalagaan sa panganib ang tatanggap nito. Ang aral na makukuha, at ang intindi namin batay sa kasaysayan ng epidemiology ng dengue, ay hindi katanggap-tanggap ang mahina o papawalang imunidad lang na dulot ng bakuna. Kailangang matindi o ubod ng lakas ang bisa ng bakuna laban sa impeksyon para sa mga nagkaroon na ng sakit at hindi pa…. Patuloy ang paglalakbay sa mabakong daan para sa paghahanap ng bakunang lalaban sa dengue.” (Sa akin ang paglalagay ng diin.)

Sa kabila ng ganitong mga babala mula sa isang mahusay na research team, kasama ang mga tagapagsaliksik mismo ng Sanofi Pasteur, minadali ng kumpanya ang produkto sa merkado para maunahan ang kumpetisyon. Itinulak naman ng DOH ang paggamit ng bakuna sa mahigit 800,000 mga bata noong 2016. Wala man lang imbestigasyon kung ang mga batang ito ay nagkaroon na dati ng dengue o hindi. Hindi kailangang maging eksperto sa medisina upang maintindihan na di katanggap-tanggap sa punto de bista ng pampublikong kalusugan ang ginawang pagmamadali.

Maipupusta ko na hindi nabasa ng mga doktor na pumirma sa statement ang report sa New England Journal of Medicine, dahil walang doktor na may respeto sa sarili na nakabasa ng report ang pipirma sa statement bilang depensa sa kadahilanang “walang perpektong bakuna.”

Ang prinsipyo ng pag-iingat

Idagdag pa sa pagiging iresponsable ng mga pumirma sa statement ang paghiling na huwag alisin ng DOH sa merkado ang bakuna para umano mapangalagaan yaong mga hindi pa napapatunayang nanganganib sa matinding dengue dahil sa bakuna. Taliwas sa naunang sinabi ng Sanofi na mabisa at ligtas ang bakuna para sa mga batang may gulang na 9 hanggang 16, bumawi ang Sanofi at inalis ang exemption sa edad sa kanilang statement noon Nob. 29, 2017.

Sa pag-alis sa bakuna sa merkado, sumusunod lang ang DOH sa matagal nang prinsipyo ng pag-iingat para makatiyak. Hindi sapat na sabihing ligtas na sa matinding dengue ang mga nabakunahan at di sila kabilang sa nanganganib dahil lang wala pang lumilitaw na kaso.

Batay sa mga ulat na mahaharap sa matinding panganib ang mga nabakunahang di pa nagkakadengue, di dapat ipagpatuloy ang pagbabakuna kahit sa iba pang tao, nagkadengue man o hindi pa, dahil mas matagal ang paglabas ng epekto sa iba pang kategorya ng mga pasyente. 

Hindi naman ito nangangahulugan ng permanenteng ban; bago alisin ang ban, kailangan muna ng masusing trials sa mahabang panahon para matiyak na ligtas ang lahat ng kategorya o uri ng tao na tatanggap ng bakuna.

Pagtraydor sa tiwala ng publiko

Nagpahayag ng pagkalungkot ang mga pumirma sa statement ng “Doctors for Truth” dahil umano sa pagtuligsa sa mga eksperto sa mga public hearing. Natanong na ba nila ang mga sarili kung bakit may ganitong pagtuligsa? Nawalan ng tiwala ang mga tao sa mga eksperto sa isyu ng Dengvaxia dahil mismong mga eksperto ang bumigo sa mga tao – sila na mga naturingang eksperto sa Sanofi na nagmadaling ilabas sa merkado ang delikadong bakuna; ang mga eksperto sa DOH na nagsagawa ng malawakang programa sa bakuna sa kabila ng babalang lumabas tungkol sa masamang epekto ng bakuna.

Oo, dapat punahin ang mga pabida na tulad nina Gordon at oportunistang katula ni Acosta. Pero hindi kailangan ng mga magulang sina Gordon, Acosta, o maging si Mocha para sabihan silang mawalan ng tiwala sa mga eksperto na naglagay ng kanilang mga anak sa panganib sa halip na pangalagaan at pahabain ang buhay ng mga ito. Dapat maintindihan kung matatagalan bago muli bumalik ang tiwala ng libo-libong nanay sa DOH at sa programa nito. 

Depensa sa industriya

Ano talaga kung gayon ang layunin ng statement? Iniisip ng mga pumirma ang magiging epekto ng eskandalo sa Dengvaxia sa iba pang programa sa pagbabakuna, na ayaw nilang madamay sa panic.

Ngunit dahil sa kawalan ng kahit kaunting pagpuna sa mga prinsipal na may kinalaman sa eskandalo at ang wala-sa-lugar na pagbaling ng atensyon sa mga oportunista, hindi maiiwasang maitanong kung ang layunin ba talaga ng statement ay protektahan ang mga kasamahan sa larangan na malamang ay kasama rin sa paglalagay sa panganib sa pampublikong kalusugan. At dahil wala man lang banggit sa responsibilidad ng Sanofi, maitatanong din natin kung ang statement ba ng “Doctors for Truth” ay pagdepensa sa industriya ng gamot. 

Isang lehitimong isyu ito dahil alam naman kahit saan sa daigdig ang mahigpit na ugnayan ng mga doktor at ng industriya ng gamot. Alam natin ang tungkol sa benepisyo at donasyon na nakukuha ng mga ospital at doktor sa kartel ng mga gamot na kung tagurian ay “Big Pharma.”

Nagsisilbing mga miyembro ng lokal at internasyonal na board ng mga higanteng korporasyon ng gamot ang mga doktor, at ang mga nasa pampublikong kalusugan ay nagiging mga pribadong doktor o kaya’y naninilbihan sa mga korporasyon. Malaking kita ang dala ng paninilbihang ito na maaaring manganib kung hindi dedepensahan ng mga doktor ang mga produkto ng malalaking korporasyon. 

Kung walang dapat itago

Sa kasamaang palad, hindi inilagay ng mga pumirma sa “Doctors For Truth” ang kanilang propesyunal na koneksiyon; di tuloy maiwasang isipin na ginawa nila ito para di matunton ang kanilang kaugnayan sa Sanofi at kartel sa industriya ng gamot, at ang koneksyon nitong lokal, at sa merkado.

Kung wala namang itinatago, makakabuting ilantad ng mga pumirma kung saang ospital o kumpanya sila may kaugnayan, kung meron man sa Sanofi at iba pang miyembro ng global na kartel sa gamot, at ang mga kakampi nilang lokal.

(Basahin ang bersiyon sa Ingles dito.)
(Sagot ni Dr Minguita Padilla, isa sa Doctors for Truth)

Rappler.com 

Si Walden Bello ay kasalukuyang international adjunct professor sa sosyolohiya sa State University of New York at Binghamton. Siya ay author o co-author ng 20 libro. Siya ang kaisa-isang nagbitiw dahil sa prinsipyo sa buong kasaysayan ng Kongreso ng Pilipinas dahil sa pagkakaiba ng posisyon sa dating Pangulong Benigno Aquino III sa isyu ng Disbursement Acceleration Program, Mamasapano, at ang Enhanced Defense Cooperation Agreement ng Pilpinas at Estos Unidos.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>