“Bakit mo gusto may makahati sa lugar na eksklusibong sa iyo?" Ito ang tugon ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio sa mga balita noong 2016 na magkakaroon ng joint exploration sa Reed Bank.
Ipinaliwanag ni Justice Carpio na sa ilalim ng Konstitusyon, bawal ang “joint development” sa loob ng exclusive economic zone o EEZ ng bansa.
Muling sumulpot ang issue ng joint exploration matapos magpulong ang mga opisyal ng Pilipinas at Tsina nitong Pebrero 13 para sa ikalawang bilateral consultation tungkol sa South China Sea o West Philippine Sea.
Eto rin ang nais naming itanong sa nakaupong kalihim ng Foreign Affairs. Bakit niya itinutulak ang joint exploration sa West Philippine Sea (South China Sea) sa kabila ng hamon sa kahalintulad na kaso sa Korte Suprema?
Nakabibingi ang katahimikan ng Pilipinas sa issue ng malawakang konstruksyon ng mga Intsik sa Panganiban o Mischief Reef. Walang kaduda-dudang bahagi ng EEZ ang reef batay na rin sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa Netherlands.
Kamakailan din ay ipinagtanggol ni Cayetano ang pagbibigay ng permiso sa Tsina na mag-operate ng research vessel sa Benham Rise o Philippine Rise. Ang Benham Rise ay ang 13-milyong ektaryang underwater plateau na kinumpirma ng United Nations na bahagi ng continental shelf ng Pilipinas. Nasa ibang karagatan ito malayo sa South China Sea pero pati ito’y dinadayo ng mga Intsik.
Ayon kay Justice Carpio “kabobohan” ang pagbibigay ng access sa mga Intsik sa Philippine o Benham Rise.
Ayon sa mahistrado, kung hindi naman nirerespeto ng Beijing ang EEZ ng Pilipinas na nakasaad sa Hague, bakit natin ito bibigyan ng access sa nag-uumapaw na yaman ng impormasyon sa Benham Rise?
Lahat nito ay nauugat sa tatak ng diplomasya na pinaiiral sa ilalim ng administrasyong Duterte na inimplementa ng mga kalihim ng Department of Foreign Affairs – ang nagsinungaling sa kanyang citizenship na si Perfecto Yasay at ang master ng flip-flop na si Cayetano.
Paulit-ulit na sinasabi ni Cayetano na isang independent foreign policy ang kanyang ipinatutupad. Marahil nga, independyente sa Estados Unidos, pero nagpapaloko na tayo 'pag nilunok natin ang pahayag niyang “ito’y malayang polisiya sa panlabas na relasyon.”
Ano ang malaya sa pananahimik sa konstruksyon ng istrukturang militar sa West Philippine Sea?
Hindi ba’t tila maamong tupa ang bigyan ng permiso ang mga Intsik na pag-aralan ang Benham Rise sa kabila ng banggaan sa West Philippine Sea?
Hindi ba't pangangayupapa sa dragong Tsina ang ipagtanggol ang pagbibigay ng pangalan sa mga features ng Benham Rise ng mga Tsino? Paulit-ulit na sinasabi ng mga opisyal ng Pilipinas na makikinabang tayo sa research na ito. Hindi kami magtatataka kung ito'y mumong nalaglag sa hapag-kainan ng Beijing.
Ayon kay Gregory Poling ng Washington-based think tank CSIS, hindi immune sa pressure ang Tsina at hindi dapat maduwag ang Pilipinas na i-sanction ito. Dagdag pa ni Poling, “We've seen time and again that on specific instances where the Philippines or other claimants have presented the Chinese with a real choice – to use force or back off – they backed off.”
Matikas at palaban si Cayetano sa pagtatanggol sa kanyang amo sa larangang lokal, pero laging nakatiklop sa Tsina sa pandaigdigang entablado. Mas makikinabang daw ang Pilipinas sa pakikipagkaibigan sa mga Intsik kaysa sa pakikipag-away.
Tuluyan na bang tatalikuran ang soberanya at kasarinlan dahil sa pragmatismo? Hindi ba ito pagtataksil sa bayan?
Tinawag ito ni Rappler Editor-at-large Marites Vitug na “Stockholm syndrome.” Habang tinatakot ng bully, lalong bumibigay.
Pagsasanla ng kasarinlan ang bagong diplomasyang Pinoy. – Rappler.com