Ang problema sa kasalukuyang proyektong baguhin ang Konstitusyon para magkaroon ng sistemang federalismo ay di naman seryoso ang mga pasimuno nito na makamit ang kanilang layunin.
Ang layunin naman talaga ng Pangulo ay gamitin ang federalismo para mapasakanya ang lahat ng kapangyarihan at maging malakas na pangulo. Samantala, sinusuportahan siya ng mga kongresistang ang tanging layunin ay makapanatili sa poder nang hindi natatapos ang termino.
Samantala, ang mga lokal na pulitiko na walang kakayahang mahalal o malagay sa pambansang puwesto ay maaaring maging "punong ministro" sa maliliit na teritoryo tulad ng federal regions. At siyempre, para naman sa mga malalaking negosyante, pabor sa kanilang mawala ang mga probisyong makabayan sa Konstitusyong 1987.
Ang bisyon ni Panty Alvarez
May kanya-kanya at samu’t saring dahilan din o paliwanag ang mga eksperto umano sa pulitika o mga consultant na akademiko, at ang mga nangangarap ng federalismo kung bakit gusto nilang mahati ang bansa sa 5, 10, 15, or 50 rehiyong federal. Iba-iba ang dahilan nila kung bakit pabor sila sa “magic number” na itinutulak nila.
Isa sa pinakamahirap na gawain ang bumuo ng isang mabuti o mahusay na Konstitusyon kahit pa may sapat na bilang ng taong mabuti ang hangarin. Sa kasamaang palad, maraming mga nasisiraan ng bait ang lumalabas habang nasa proseso ng paggawa ng Konstitusyon.
Hindi na kailangang lumayo pa para makita ang masasamang maidudulot ng pagbabago ng Konstitusyon kung ang mga bumubuo nito ay mga space cadet at mga pulitikong sariling interes lang ang itinataguyod. Ang tingin nila sa lipunan ay isang blangkong papel na puwede nilang sulatan ng kahit ano'ng gusto nila.
Halimbawa, may isang panukala mula sa committee on constitutional amendments sa Kamara na hatiin ang bansa sa 5 estado, at ang bawat isang estado ay pamumunuan ng punong ministro at may sari-sariling konstitusyon, pangalan ng estado, punong lungsod, bandila, pambansang awit, at tatak.
Kung si Speaker Panty Alvarez ang masusunod, hahatiin ang Pilipinas sa 14 na estado, at ang punong lungsod ay sa Negros, marahil para tiyakin na makakatikim ang mga dignitary mula sa ibang bansa ng naglahong glorya ng pyudalismo sa halip na maharap sa magulong realidad ng Metro Manila.
Makakaasa pa tayo sa mas nakababaliw na mga panukala mula sa Constituent Assembly o “Con-Ass” na bubuuin ng pinagsamang Kamara at Senado. Kung hindi nga magkaisa sa pagbubuo ng isang autonomous state para sa Bangsamoro sa loob ng maraming taon, ano pa kaya ang mararating sa pagbubuo ng isang bansa sa ilalim ng estrukturang federalismo para sa 100 milyong mamamayang mas kumplikado at nangangailangan ng sopistikasyon?
Tulak mula sa ibaba
Hindi natin sinasabing hindi na dapat baguhin o amyendahan ang ating Konstitusyon, dahil may mga probisyon naman talaga ang Konstitusyong 1987 na kailangan ng amyenda, at may mahahalagang probisyon na dapat idagdag.
Halimbawa, kailangan ng dagdag o mas malakas na probisyon para sa:
- Mas pantay na pagbabahagi ng yaman ng bansa sa ikabubuti ng marami
- Institusyonalisadong garantiya sa batayang sahod at iba pang anyo ng panlipunang seguridad na angkop sa ika-21 siglo
- Paglikha ng isang pasulong o progresibong estado
- Pagtataguyod ng pagkakapantay-pantay ng kababaihan at kalalakihan at mga magkakaibang kultura
- Mobilisasyon ng bansa para sa paglunas sa climate change
- Pagtatatag ng decentralization o deconcentration ng kapangyarihang pampulitika at pang-ekonomya
Kung federalismo ba ang makakapagdala ng mga ito o hindi ay ibang usapin pa.
Ang ganitong mga uri ng pagbabago ay kinakailangang manggaling mula sa ibaba at itulak ng mas nakararaming ordinaryong mamamayan, hindi ng mga propesyonal na politiko.
Katunayan, dapat maliit lang ang partisipasyon ng mga politiko at elite sa prosesong ito; ang mas mayaman o mas may kapangyarihan sa politika, mas maliit ang papel, samantalang ang mas maliit ang suweldo at wala sa poder, mas malaki ang papel o karapatang bumoto sa proseso ng pag-aamyenda ng saligang batas. Kung ganito ang gagawin, ang mabubuo ay mga kapulungang pangrehiyon, na siya namang bubuo sa pambansang kongreso.
Ang ibig sabihin nito, ang pagbabago sa konstitusyon ay isang rebolusyonaryong proseso, at wala sa kamay ng elite at mga propesyonal na politiko kundi nasa kamay ng mamamayan.
Maaaring tingnan ito bilang idealista, ngunit ang mas mahalaga ay ganito ang tahakin ng proseso kahit pa hindi perpekto ang maging resulta. Sa totoo, kahit anong proseso ay katanggap-tanggap kaysa sa Con-Ass na gustong ipilit ni Duterte at ng kanyang mga kaalyado na walang mabuting maidudulot. – Rappler.com
Si Walden Bello ay kasalukuyang international adjunct professor sa sosyolohiya sa State University of New York at Binghamton. Siya ay author o co-author ng 20 libro. Naging kinatawan siya sa Mababang Kapulungan noong 2009-2015. Siya ang kaisa-isang nagbitiw dahil sa prinsipyo sa buong kasaysayan ng Kongreso ng Pilipinas dahil sa pagkakaiba ng posisyon sa dating pangulong Benigno Aquino III sa isyu ng Disbursement Acceleration Program, Mamasapano, at ang Enhanced Defense Cooperation Agreement ng Pilpinas at Estados Unidos.