Hindi tayo sentimental. Sa loob ng 32 taon, pumusyaw ang diwa ng EDSA habang nagpatong-patong ang mga dekada.
Marami sa mga namuno sa EDSA’y uugod-ugod na habang ang iba'y pumanaw na. Marami sa kabataang nakilahok sa EDSA’y nag-move on na sa kanilang mga buhay at propesyon. Parang balat ng butiking hinubad nila ang ideyalismo.
Halos multo na lamang ang diwa ng EDSA na bumubulong sa atin. May hatid siyang 5 tagubilin.
1. Ang EDSA ay hindi lamang tungkol sa mga Aquino
Madaling i-reduce ang EDSA kina Ninoy Aquino at ang maybahay niya at dating presidenteng si Cory Aquino. Isama mo na ang kandidatong sumakay at nanalo nang pumanaw ang kanyang ina noong 2009, si Noynoy.
Mitsa o catalyst ng EDSA ang pagpaslang kay Ninoy. Pero ang powder keg na sumabog ay isang komplikadong recipe: gahamang diktador, nagkapangil na oposisyon, tumitinding krisis pang-ekonomiya at pagkaligalig ng mamamayan.
2. Hindi ito “bloodless coup”
Libo-libong magigiting na martyr – marami sa kanila’y mga aksidenteng bayani lamang – ang namatay bago pumutok ang bulkan ng galit ng taumbayan. ‘Yan ang EDSA.
Sa madaling salita, hindi ito umusbong magdamag. Hindi ito instant noodles. Prequel ang dalawang dekada sa ilalim ng rehimeng Marcos na hitik ng paglabag sa karapatang pantao, arbitraryong pag-aaresto, pambubusal sa media at extrajudicial executions ng mga aktibista at pinaghihinalaang komunista.
3. Huwag paloko sa mga rebisyonista
Nakamamatay ang kamangmangan. Tulad ng post na ito ni Mocha Uson na pinipintasan ang umano’y “drama” ng mga madre. (Salamat, Ed Lingao.)
Madalas na linya ng anak ng diktador na si Bongbong Marcos na paraiso ang bagong Lipunan ni Ferdinand Marcos. Ito ang sagot ng foundation para sa mga biktima ng Martial Law, ang Bantayog ng mga Bayani, kay Bongbong: "Ferdinand Marcos wrecked Congress, the courts, and the bureaucracy. He prostituted the military. He shackled the country with debts. Your parents stole billions of the people’s money and from their political opponents. He had a nuclear plant built that never operated but which the country has to pay for in loans. He had thousands jailed, abducted, tortured, or killed."
4. Huwag maliitin ang human rights, ililigtas nito ang buhay mo
“I don’t care about human rights.” Ito ang madalas bigkasin ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang human rights ay hindi komplikadong konsepto, at lalong hindi mo puwedeng isnabin. Mahal mo ba ang karapatan mong mag-post sa social media? Magsuot ng mini-skirt o magpagupit ng pinakausong hairstyle? Halimbawa yan ng basic right to self expression.
Kasama sa payong ng mga karapatang ito ang karapatan ng media na magpahayag. Hindi perpekto ang media sa Pilipinas ngunit mahalaga ang naging papel nito sa pagsisiwalat ng kabuktutan ng rehimong Marcos.
Suportahan ang malayang pamamahayag. Huwag mong palampasin ang pambabastos sa mga journalist sa sarili mong espasyo sa social media.
Huwag kang pumayag na mawala ang malayang talastasan ng mga kuro-kuro. Hindi pagtataksil sa bayan ang bumatikos sa gobyerno.
Ayon sa tinaguriang Nelson Mandela ng Tsina na si Liu Xiaobo, “Freedom of expression is the foundation of human rights, the source of humanity, and the mother of truth.” (Pundasyon ng karapatang pantao ang kalayaang magpahayag, na siyang pinagmumulan ng humanidad at siyang ina ng katotohanan.)
Ang pagrespeto sa karapatang pantao ang magliligtas sa buhay mo. Kung wala ito, puwede kang masampahan ng inimbetong mga kaso, maaari kang makulong at matortyur.
5. Bigo ba ang EDSA? Hindi pa tapos ang kabanatang 'yan
Ninoy Aquino: “What can one man do if the Filipino people love their slavery, if the Filipino people have lost their voice and would not say no to a tyrant, what can one man do. I have no army, I have no following, I have no money, and I only have my indomitable spirit.”
Jose W. Diokno: “We are one nation with one future, a future that will be as bright or as dark as we remain united or divided.”
Jose Almonte: The 1986 People Power revolution was not merely a people’s collective exertion against a tyrannical regime. More importantly, it was a people’s war to recover their dignity and freedom.
Mahabang panahon halos nawalan ng relevance ang selebrasyon ng EDSA sa buhay natin.
Sa harap ng impunity o kawalan ng pananagutan sa mahigit 7,000 biktima ng extrajudicial killings, sa harap ng atake sa mga institusyong nagtatanggol ng karapatan at nag-uusig sa mga tiwali, sa harap ng paniniil at harassment ng media – higit kailanman, makabuluhan ang pagbabalik-tanaw sa EDSA.
Mapalad tayo sa mayamang pamana ng mga tagapagtanggol ng kalayaan, mula kay Rizal, Andres Bonifacio, hanggang sa mga madre at estudyante ng people power.
Huwag payagang maagnas ang moral fiber natin bilang isang bansa.
Mahalagang isapuso ang sinabi ni Milan Kundera tungkol sa pakikibaka sa mapang-abusong kapangyarihan: The struggle of man against power is the struggle of memory against forgetting.
(Ang paghulagpos ng tao laban sa kapangyarihan ay ang paghulagpos natin laban sa paglimot.) – Rappler.com