(Dahil pinagsalita ako noon tungkol sa “kahalagahan ng social media literacy sa laban against fake news” sa UP Diliman College of Mass Communication)
Bueno, dahil sa ease-of-use kaya tayo napasadlak sa naglipanang korupsiyon ng newsfeed at iba pang virtual sharing platforms na tangay-tangay natin sa iba pang aspekto ng ating buhay.
Sisimulan ko sa malapit na nakaraan: telebisyon. Tutal, dito nagsimula ang sinasabi ni cool dude Jean Baudrillard tungkol sa virality ng mensahe – na papasukin ng telebisyon ang kasulok-sulokan ng tahanan, na nangyayari na nga. May telebisyon ang karamihan sa atin sa kusina, sala, kuwarto.
Tatayo ako dati, lalapit sa telebisyon, pipihitin ang pihitan para ilipat ang tsanel ng telebisyon naming Nivico ang tatak na lilima ang tsanel, tatlo pa ang sa gobyerno: 4, 9, 13.
Nang masira ang black-and-white TV, bumili kami ng colored at de-remote control. Ang dali nang maglipat ng tsanel at magpalit ng volume. Ease-of-use.
Dati, kailangan kong makauwi sa bahay para kalikutin ko ang makinilyang simbigat ng tangke. Tapos naging desktop computer na may maingay na printer. Ngayon, dala ko na ang uugod-ugod kong laptop kahit saang lugar na mayroon akong puwedeng pagpatungan. Ease-of-use.
Dati, pumupunta ako nang personal sa opisina ng gusto kong pagtrabahuhan para magpasa ng resumé o curriculum vitae. Itatanong ko sa HR kung kailan ang interbiyu. Siyempre, sasabihin nila, “We will call you later.”
Tapos naging email na lang ang pagpapasa ng aplikasyon. O kaya, ipadadala ko sa hinalong kalamay na portal ng mga naghahanap ng trabaho, at doon, parang paninda sa palengkeng bubusisiin, electronically, ng mga pihikang kompanya ang mga dokumentong ipinasa ko.
Kaso pupunta pa ako sa computer shop para makapagpasa ng aplikasyon sa trabaho dahil wala pa akong matinong internet connectivity sa bahay (wala pa rin naman ngayon sa kabila ng limpak-limpak na ibinabayad ko magkaroon lang ng koneksiyon sa virtual na mundo, 24/7). Pero sige, ease-of-use na rin.
Ngayon, nasa smartphone ko na ang lahat ng kailangan ko na, dati, noong Nokia 5110i Finland with blue backlight pa lang ang gamit ko, text at tawag lang ang magagawa. Isama pa ang paglalaro ng Snake na walang ulo. Ang dali nang mangalikot ng impormasyon. Ease-of-use.
Nang ilunsad at lumaganap ang Facebook, hindi ko na kailangang makipagkumustahan nang personal sa mga kaibigan. Pupusuan ko na lang ang status nila. Ibig sabihin nun, mahal ko sila. Sad face kapag sad. Smiley kapag nagpapanggap akong masaya sa nabalitaang status nila sa buhay. Ease-of-use.
Nagbubukas tayo ng multiple tabs. Sabay-sabay halos na tinutunghayan ang nasa tabs na ito. As if naman mabilis ang Internet natin. Duh. Tapos, ginawa ng mga programmer ni Mark Zuckerberg – na sigurado akong ang iniisip ay ang prinsipyo ng ease-of-use – na mabilis nating matutunghayan ang lahat by way of scroll-up-and-down newsfeed. Mabilis. Touch screen pa, na lalong nagpapabilis sa scrolling. Tapos naka-smarter-than-user phone na tayong lahat. Tigdadalawa ang iba. Ang daming app na nagpapadali ng buhay.
Sinabayan ng unlitext at unli-call, free-data, unli-data, libreng Netflix, at downloadable scandal ang lahat ng ito. May word processor na sa telepono ko, makakapagsulat na ako nang walang laptop (gaya ng ginagawa ko ngayon, as in ngayon sa kubeta ng aparment ko – talk about multitasking, jejeje).
Lahat ng ito, dahil sa banal na ngalan ng prinsipyong padaliin ang paggamit sa mga binayaran at inutang na bagay-bagay. Ease-of use. At lahat pa rin ito, bukod sa pera, may kapalit na nagpapanggap na pangangailangan ang ating atensyon.
***
Binabasa ko ngayon ang One Summer: America, 1927 ni Bill Bryson (Doubleday, 2013). Sabi rito, noong 1927 nagsimulang umusbong ang tabloid journalism. Ang ibang pahayagan sa Estados Unidos, pinauso ang sensationalism.
Binasa ng mga “mamahayag” ang utak ng mga biktima at suspek sa kaso ng karumal-dumal na pagpatay, na staple sa tabloid noon (well, hanggang ngayon naman). Para tuloy naging suspense thriller ang trato sa mga balita.
Mayroon daw na talagang walang hibo ng katotohanan, kumbaga, kuwento na talaga. Malay ba ng mambabasa kung tama o totoo ang detalye. Lahat ng ito, sa ngalan ng malawakang sirkulasyon, pera, kita, kapangyarihan. So hindi na bago ang jafeyk na balita. Ang bago lang ay ang platform, social media, at internet, na tigmak ng ease-of-use.
Pansinin: sa lahat ng madaliang kilos natin upang matunghayan ang nangyayari, lumalabo na ang pundasyon kung saan dapat manggaling ang pananaligang katotohanan. Basta nilunod ng likes, comments, o share – virality – ang “mensahe,” mukhang nagiging totoo. At least sa isip ng nag-share at tumanggap ng mensahe na tamad nang magsuri. Bakit pa nga naman nila susuriin ang link o “about us” o by-line kung bogus o hindi ang artikulo? Ang mahalaga, nasuportahan at na-reinforce ng pekeng impormasyon ang kanilang paniniwala.
Nilulunod ng malawakang gamit ng teknolohiya ang katotohanan; nabibigyan ng slant, ng anggulo, binibihisan ng detalye. Wala nang hubad na katotohanan, bes. Nagbagong anyo na, depende sa kung saan ito lumulunsad o pinalulunsad ng mga nagpapakawala ng mali o niretokeng impormasyon.
Ano’ng gagawin? Iwasan o tuluyan na bang ipagbawal ang platform? Ang teknolohiya? Siyempre hindi. Well, hindi ko kayang ipayo dahil ako man ay lulong sa Facebook. (Halleer, baka nga sa newfeed ng Facebook ninyo ito unang nabasa, di ba?) Ang nais ko lang namang ipaalala, nawawala na ang pagninilay at pagsusuri, ang pagtitimbang-timbang. Dahil sa ano? Platform at teknolohiya? Hindi siguro. Siguro, at malakas ang kutob kong ito nga, dahil sa ease-of-use.
Dahil habang hibang tayo sa ease-of-use ng kung anumang aparatong hawak natin, lumalayo naman ang karamihan sa ease-of-use ng kanilang utak at ng kanilang damdamin. At sige na nga, to a certain extent, sa ease-of-use ng puso higit sa kakayahan nitong magpadaloy ng dugo, kapalit ang ease-of-use ng abenida ng impormasyong nagmamadali: social media.
Teka, wala na pala akong tissue paper. – Rappler.com
Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, and research sa Unibersidad ng Santo Tomas, writing fellow din si Joselito D. Delos Reyes, PhD, sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies, at research fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Board member siya ng Philippine Center of International PEN. Siya ang kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Literatura ng UST.