Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[EDITORIAL] #AnimatED: Unti-unti, sinasakal na si Juan ng bagong buwis

$
0
0

Nasa 30% ka ba ng pinakamahirap sa Pilipinas? Ikaw ang pangunahing tatamaan ng hagupit ng mataas na presyo ng krudo at pagkain.

Ang inflation ay ang bilis ng pagmahal ng presyo ng batayang produkto. Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority o PSA, mas apektado ang “bottom 30% households” o ’yung pinakamahihirap.

Sa pangkabuuan nasa 4.5%% ang inflation rate nitong Pebrero. Ito na ang pinakamalalang antas sa loob ng 3 taon.  

Miscalculation?

Inaasahan ng mga opisyal na magkakaroon ng inflation, pero hindi ganito kabilis.

Nang naupo si Rodrigo Duterte bilang pangulo, nasa 2% lamang ang inflation rate – ngayon, 19 buwan pa lamang ang nakalilipas, halos sagad na ito sa target ng gobyerno na 4%.

Maraming middle class na natuwa sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train) Law, lalo na ang mga empleyadong sumailalim sa bagong income tax rates. Pero nilusaw rin ng inflation ang ibinaba ng income tax dahil nagmahal ang kuryente, krudo, at grocery. At simula pa lang ’yan.

Habang may bahagyang pag-amin ang Bangko Sentral ng Pilipinas at ang National Economic Development Authority sa sipa ng Train, kumakambyo ang Department of Finance (DOF) at wala raw itong epekto sa inflation, maliban sa matatamis na inumin.

Ayon sa dean ng UP Diliman School of Statistics na si Dennis Mapa, kinompute lamang ng DOF ang direktang epekto ng Train sa mga bilihin at hindi ang iba pang madadamay sa epekto nito.

Masahol pa sa college freshman mag-isip ang mga opisyal ng DOF kung hindi nila nakitang ipapasa ng mga negosyante sa mga mamimili ang anumang pagtataas ng materyales sa produksyon.

Isang taong kalbaryo

Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia, “minimal and temporary” lang ang epekto ng Train sa inflation.

Pero ayon sa ekonomistang si JC Punongbayan, maaaring manatili ang mataas na presyo sa buong 2018.

Isinaalang-alang niya ang iba pang kadahilanan, tulad ng pagsadsad ng piso, ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, at ang problema sa loob ng National Food Authority na nagbubunga sa kakulangan sa murang bigas.

Idagdag pa rito ang profiteering – inuunahan ng mga negosyante ang pagtaas ng presyo ng mga produkto. Aminado ang Department of Energy na walang mekanismo upang mahuli ang pang-aabuso ng gas retailers.

Kakayanin ba ng mga naghihikahos ang isang taon ng patuloy na pagtaas ng mga presyo ng bilihin?

Hagupit sa wage earners, informal sector

Layon ng Train na gawing “mas simple, mas mababa, at mas patas” ang pagbubuwis sa bansa.

Pero paano na ang minimum wage earners na dati nang libre sa sa pagbabayad ng buwis? Paano na ang mga walang trabaho at kabilang sa informal sector– ’yung mga hindi suwelduhan? Lumolobo ang presyo ng bilihin nila, pero hindi naman sila kasama sa nakinabang sa bumabang buwis.

Ang safety net dapat ng mahihirap ay ang perang ipamumudmod sa ilalim ng unconditional cash transfers.

Pero. puna ni Mapa, di sapat ang P200 kada buwan sa bawat mahirap na pamilya sa ilalim ng umiiral na inflation. Ang P200 ay nakabatay sa 3.3% na inflation rate at hindi 4.0%.

Inamin din ng DBM na para sa 2.6 milyon na mahihirap na pamilya – o 26% ng kabuoang benepisyaryo – sa Agosto pa nila matatanggap ang kanilang cash transfers. Paano ang pamumuhay nila ngayong sumisipa na ang mas mataas na presyo ng bilihin?

Dobleng sampal

Sa kabila ng paggiit ng gobyerno na hindi kontra-mahirap ang Train, natatastas na ang pagtatakip ng pamahalaan.

Malinaw sa estadistika na mas matindi ang sampal sa mga dukha na wala namang tax cuts at di na sumasapat ang kinikita dahil nagmahal ang bilihin.

Ngayon, kailangan pa silang dumulog sa Department of Social Welfare and Development para sa kakarampot na P200 kada buwan.

Sampung milyong mahirap na pamilya ang inaasahang benepisyaryo ng ayuda sa Train, pero ilan kaya sa kanila ang hindi maaambunan nito dahil sa korupsiyon at palpak na burukrasya? Higit kailanman, sumpa ang maging mahirap. Dahil tila nakaprograma ang sistema na lalo kang mabaon sa hirap. – Rappler.com


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>