Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Tarpo ng tropa mong trapo

$
0
0

 

 Comelec lang naman yata ang naniniwalang 90 araw ang panahon ng kampanya para maging senador, 45 araw para sa lokal na posisyon, at 10 araw pababa para sa opisyal ng barangay. Ang buong sambayanang nakakakita at nakakabasa ng nakaiiritang tarpaulin sa paligid nila, hindi. 

Matagal nang nagsimula ang kampanya. Mula pa noong naiproklama ang nanalo (at nandaya, dahil sa eleksiyon sa bansa natin, walang natatalo nang lubos, panalo o nadaya lang) sa eleksiyon noong 2016, simula na ng kampanya ng sandamakmak na politiko patungo sa 2019 o, kung matutuloy, halalang pambarangay ngayong taon.

Hindi ko na matandaan kung kailan nagsimulang maglipana ang mga tarpaulin sa bansa. Dati, masaya na sa streamer ang mga politiko. Iyong streamer na gawa sa katsa, walang mukha at puro mensahe lang, kung mensahe ngang matatawag. Ngayon kasama na sa campaign war chest ng kahit pang-SK kagawad ng barangay ang magpaimprenta ng tarpaulin.

Maaaring dito natin matugis ang dahilan kung bakit tayo patuloy na babahain ng tarpaulin lalo’t napipinto ang makulay (laging makulay!) na halalang pambarangay. 

Sa ating bansa kasi, madalas iugnay ng mga politiko ang kanilang sarili sa tao. Kinakasangkapan ng mga politikong ito ang media – mapa-telebisyon, radyo, patalastas, hanggang sa kaliit-liitang poster o tarpaulin – upang maging madali ang kanilang lapit sa publiko. Bakit kailangang mapadali? Dahil ang karaniwang politiko, ayon kay Benedict Anderson sa kaniyang sanaysay na “Cacique Democracy in the Philippines: Origins and Dreams,” ay nagmumula sa mataas na saray ng lipunan. At ang karaniwang mambobotong Filipino ay, well, nasa kabilang dulo, sa mababang antas. 

Kung paano magagawang makalapit ng politiko sa mga tao ay pinadadali naman sa pamamagitan ng media.

May namamagitan sa ugnayang politika at tao. Tinatawag itong mediated politics na, ayon kina W. Lance Bennett at Robert M. Entman, ang mga nagpatanyag sa konseptong mediated politics, nagsisilbing clearing house ng dapat ikonsumo ng tao. Sa pambansang politika, hindi na lamang ang kakayahan ng nagnanais mamuno ang binibigyan ng lubhang atensiyon. Pati postura, pati imahen. Brand na ang maging politiko.

Alam ng mga nagnanais mamuno na kailangan din nilang buuin at pangalagaan ang kanilang imahen/brand upang kalugdan ng tao. Kung paano makikilala at matatandaan ang imahen/brand ito ay siya namang mahalagang ginagampanan – conscious man o hindi – ng media. 

Mura ang tarpaulin kung ihahambing sa pagbili ng air time sa radyo o telebisyon. Hindi na rin nito kailangan ng adminstrator kung sa social media o internet naman iiral. At dahil hindi pa naman kasing-complex ng kampanya ng halalang pangsenador ang eleksyon sa barangay, magkakasya na lamang muna sina aspiring kagawad at kapitan sa polusyon na kung tawagin natin ay tarpaulin. 

Tarpaulin na kayang magtaglay ng maangas na mukha at gasgas na salita at pangako, mga standard na imahen.

Lumalagpas ang imahen na ito sa hindi lamang popular na midya kundi sumasabay na rin sa paglawak ng spatial dimension gaya ng teknolohiya at ekonomiya. Papamura nang papamura ang pagdidisenyo at pag-iimprenta ng tarpaulin habang papagaling nang papagaling ang teknolohiyang kayang pagandahin ang pagmumukha at isara ang pores sa noo at pisngi ng kandidato

Samantala, kahit sinong tambay ay puwedeng utusang magkabit ng tarpaulin sa bawat kanto at bawat exposed na kawad ng kuryente. Malinaw naman kasi sa atin na hindi na lamang plataporma at kakayahan ng isang nagnanais maglingkod ang mahalaga upang manalo. “Winnable” din ang may maayos na kara na kaya ngang ilagay, kahit pa pineke, sa tarpaulin.

Tarpaulin lang kasi ang makakakuha sa pagmumukha – na malaki ang tsansang hinagod nga at niretoke ng design software tulad ng Photoshop – at sa kunwari ay mensahe ng mga politiko. 

Hindi pinatatawad ng politiko ang kahit anong okasyon. Babatiin ka lagi ng tarpaulin paglabas mo pa lang ng bahay. Ultimong lamayan sa patay, sinasabitan na ngayon ng tarpaulin taglay ang karakas at kunwaring pakikiramay ni politiko. 

Karamihan, kung hindi man lahat, ganito ang ayos: babati ng “Maligayang Pasko” o “Happy Fiesta,” pero halos hindi na ito mababasa sa kaliitan; sa halip, prominente ang mukha at pangalan, posisyon kung may posisyon na sa pamahalaan, at iyong posisyong tatakbuhan kung kakandidato pa lang. Para makalusot sa Comelec – dahil napakadali namang lusutan talaga ng Comelec – ilalagay sa tarpaulin ni politiko ang mga sumusunod: “Bokal sa puso ang paglilingkod” kung tatakbong board member ng lalawigan. O kaya ididikit ang pangalan sa salitang “mayor” o “vice mayor” o “konsehal” na parang mayor o vice mayor o konsehal na kahit malayo pa sa putok ng kanyon ang halalan. 

Mayroong ang gimik ay isusulat ang “Register and exercise your right to vote,” malaki ang sulat sa salitang “vote” na halos kalapit na ang pangalan. Na parang “Vote <insert pangalan ng kandidato>”. Lusot nga naman kasi nananawagan lang daw magparehistro kahit hindi na mabasa sa malayuan ang iba pang nakasulat. Gimik nga naman. Epal. Talagang epal.

Napakarami ng mga tarpaulin na ito. Walang lugar na mamumukod kung paramihan ng tarpaulin ang labanan. Dahil hindi na maiiwasan ang pagdami ng tarpaulin, ganito na lang ang isaisip ’nyo sa susunod na pagtingin ninyo sa mga mukha at angas ng mga pabibong kandidatong ito: tandaan ang mukha nila. Pagdating ng oras ng kampanyahan, ikompara ang mukha ng politiko sa tarpaulin at mukha sa personal. Kapag mas pangit sa personal kesa tarpaulin, huwag nang iboto. Bakit? Sa hitsura pa lang, manloloko na. Paano pa kapag nanungkulan?

Sa usapin ng pagliligtas ng kalikasan, hindi ko alam kung may pag-aaral na kung ilang toneladang tarpaulin ang nagagawa sa bansa kasama ang tarpaulin ng mga billboard sa haywey at mga karakas nga ng mga politiko. Pero nakatitiyak akong tonetonelada ito. Hindi ko alam kung paano ang proper waste disposal ng tarpaulin. Pero nakatitiyak akong hindi ito biodegradable tulad ng papel. Sana man lang, may magpakabayaning ahensiya, lokal man o pambansa, sa pagre-recycle ng tarpaulin. Puwede itong pangunahan ng lokal na pamahalaan sa Metro Manila, tutal, sila naman ang pinakamaraming magprodyus ng nagpapangitang tarpaulin. 

Sa tibay ng tarpaulin (at sa tibay ng mukha ng mga politiko), baka magamit ang materyal ng tarpaulin para gawing bag, gaya ng mga bag sa mga mall. Puwedeng ipamigay sa mga palengke ang mare-recycle na bag. Nagkatrabaho pa ang ilang kababayan natin dahil sa pagtabas at pananahi ng mga tarpaulin.

Kaso, may ibang politikong talagang walang puso. Ang gagawin sa tarpaulin habang nakadispley, hihiwa-hiwain para lagusan ang hangin at hindi nakawin at gawing bubong ng traysikel o lona. Tsk tsk. Dahil hiwa-hiwa na nga ang tarpaulin, wala na. Wala nang malinaw na pakinabang matapos malaos ang mukha. Patay na naman si Mother Earth. – Rappler.com 

 

Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, and research sa Unibersidad ng Santo Tomas, writing fellow din si Joselito D. Delos Reyes, PhD, sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies, at research fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Board member siya ng Philippine Center of International PEN. Siya ang kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Literatura ng UST.

 

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>