Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Nagsisi, nanalangin, nag-selfie

$
0
0

 

(Sa tradisyon ng pananampalatayang Katoliko, panahon ngayon ng pagninilay. Maraming ritwal ang gagawin kaakibat ng pagninilay na ito hinggil sa buhay at pagpapakasakit ni Kristo. Pero hindi rin maiiwasang sa pagsasagawa ng mga ritwal na ito, agad itong maisisiwalat o maitatanghal sa social media. Dahil narito na tayo sa panahon ng “nagsisi, nanalangin, nag-selfie.”) 

Totoo, nagsimba ako noong bata gamit ang telebisyon. Tandang-tanda ko pa, hinikayat ako ng nanay ko, na na-stroke na noon, na hipuin ang TV namin upang damhin ang presensiya ng Panginoon. Dahil iyon ang utos ng tele-evangelist. Sumunod ako dahil takot akong hindi madama ang presensiya ng Panginoon. Tapos, sabi ng tele-evangelist: “Gagaling! Gagaling! Bura-buraaah!”

Sumunod ako kahit pa nagtataka na kaya palang madama ang Panginoon gamit ang telebisyon. Nang tumanda ako, isang araw ng Linggo habang nakikinig sa misa, napagnilayan ko na lang – naks, big word, pagninilay! – kung saan mabisang lumulunsad at lumalaganap ang pananampalataya: sa teknolohiya.

Sa akademya, tinatawag ang extension theory of technology, na sinimulan ng communication theorists na sina Ernst Kapp at Marshall McLuhan, bilang isang lente ng pagpapaliwanag sa pangangailangan ng tao sa teknolohiya bilang ekstensyon ng kaniyang kakayahan. 

Pinag-ibayo naman ni Clive Lawson ng Cambridge University ang extension theory of technology. Sa artikulo ng propesor ng ekonomiya, na pinamagatang “Technology and the Extension of Human Capabilities,” isinangkot niya ang aniya ay “technological artefacts [that] are conceived of as some kind of extension of the human organism by way of replicating, amplifying, or supplementing bodily or mental faculties or capabilities.”  

Ganito kasi ang nangyari: nakaupo ako noon sa loob ng malaking simbahan sa bayan ng Lucban sa lalawigan ng Quezon kung saan ako ikinasal. Napatingala ako, nakita ang bagong install na speakers ng public address system mula sa isang kilala, mahusay, at mamahaling brand ng audio company. 

Kaya pala malinaw kong naririnig ang salmo at himno, ang mga awit, ang homilya ng pari. Walang garalgal na tunog. Walang makabasag-eardrum na feedback. Parang nariyan lang sa tabi ko ang nagsasalita kahit pa nasa bandang likuran na ako ng mahabang simbahan.

Dito nagsimula ang pagninilay ko: kung malinaw at malakas ngayon dahil sa high-end audio system, paano kaya naghohomilya ang pari sa matandang simbahang ito noong panahon ng Kastila? Noong panahong wala pa sa guni-guni ng mga audio engineers, (heck, wala pa palang audio engineers noon!) ang magandang tunog na dulot ng teknolohiya? 

Paano maririnig ng buong mananampalataya sa loob ng simbahan ang malamyos na tinig ng pari kung walang tulong ng high-end audio system? Kailangang sumigaw mula sa pulpito? 

Siyempre hindi dapat sa tunog o sa sound system magsisimula ang pagtalakay ko sa pananampalataya at teknolohiya. Teknolohiya rin ang pag-igpaw ng pagsulat sa Bibliya mula sa sulat-kamay hanggang sa inobasyon ni Johannes Gutenberg sa pag-imprenta hanggang sa mas malawakang pisikal at birtwal na reproduksiyon nito sa kasalukuyan. Ngayon, kahit walang pisikal na Bibliya, basta may internet, puwede mo nang i-Google o i-download ang buong aklat.    

Sa teknolohiya lumulunsad at lumalawak ang pananampalataya: speaker system imbes na isisigaw ang pangangaral, magagara at mas maaasahang ilaw imbes na kandila, televised na pangangaral imbes na naka-confine lamang sa estruktura, at marami pang iba. 

Sa institusyong ito ng simbahan, ang pagpapalawak ng kasapian at panawagan ng kaligtasan ay maginhawa nang nakatuntong sa teknolohiya. Maging ang Santo Papa ay may sariling Twitter account! Kaya ang iba sa atin ay nagpapahayag ng kanilang pananampalataya sa tulong din ng teknolohiya. 

Dahil armado na tayo ng teknolohiya, kombinasyon ng smartphone at social media para itanghal ang ating sarili, o sa pagkakataong ito, ang sidhi ng pananampalataya. Kung paanong sa mga platform ng teknolohiyang ito naitatanghal natin ang ating sarili, sa parehong platform ding ito tayo nag-iipon at nag-iimbak ng alaala. 

May birtwal na memorya na tayong may kakayahang sinupin ang ating alaala: hard disk ng computer, memory card ng smartphone, o ang “On this day” application ng Facebook na nagpapaalala sa atin ng ini-upload na status ng mga nagdaang taon. 

Umiigpaw na palayo sa ating utak ang alaala. Ekstensyon na ng alaala natin ang teknolohiya. At habang nagiging kombinyente ang pag-iimbak ng memorya, mas lalong nagiging marami ang dapat nating tandaan at itanghal, sa tulong pa rin ng teknolohiya. 

Maraming magbi-video o kukuha ng larawan. Ii-status ang karanasan. At dahil narito na rin lang tayo sa panahong ito, ngayong Semana Santa, ihahayag ang pananampalataya at ritwal gamit ang teknolohiya. Kaya inaasahan ko nang maraming maglalagay ng #BisitaIglesia sa kanikanilang status. Kasunod ang lagi nang residente ng social media na #blessed o #saved o #amen o iba pang hashtag kaugnay ng okasyon.

Maraming digital na larawang may kinalaman sa Mahal na Araw ang ihahayag at iiimbak sa mga darating na oras at araw. At palagay ko, wala namang masama rito. Ano ba naman kung isabay ang pagliliwaliw sa pamamanata? Matutuwa pa nga ang Department of Tourism sa dami ng lokal na turistang tatangkilik sa mga pasyalan natin habang pinatitibay ang pananampalataya.

Pero mungkahi ko, ngayong Mahal na Araw, magandang balikan ang mas malalim na dahilan ng pagninilay. 

Oo nga’t nakapagpapalusog sa ating pananampalataya ang pagtitika at pamamanata kahit pa nakabunyag ito sa madla, magandang balikan ang sinasabi ng Bibliya (teka, ise-search ko sa Google ang eksaktong kapitulo at talata, salamat, teknolohiya), heto: Mateo 6:5. 

Tungkol saan ang talatang ito? Well, wala namang kinalaman sa teknolohiya, pero may kinalaman sa kung paano ka, tayo, dapat manalangin. Paki-Google o pagnilayan na lang din ang talagang ibig sabihin.

***

Sa Abril 7, Sabado ng hapon, dadalo ako sa Batch 1993 silver anniversary reunion ng Colegio de San Pascual Baylon (CSPB) na gaganapin sa mismong campus nito sa Obando, Bulacan. Sa CSPB ko ginugol ang unang dalawang taon ng aking pag-aaral sa high school bago malipat at magtapos sa kalapit na Valenzuela Municipal High School (Polo National High School ngayon).  

Bagamat hindi ako nagtapos sa CSPB, napakaraming karanasan ang natipon ko habang nag-aaral sa paaralang nasa bayan kung saan lumaki ang aking ina. Naging malalalim na kaibigan ko ang mga naging ka-batch ko sa CSPB na sina Jett, Marinella, at Arby. Katunayan, sila ang nag-anyaya sa aking dumalo. Dahil honorary alumni raw ako.

Kaya sa kung sino man sa inyo ang nagtapos sa CSPB noong 1993 (opo, ganyan na katanda ang inyong lingkod) na hindi pa alam na may reunion sa Abril 7, makipag-ugnayan sa Facebook page na ito. – Rappler.com 

Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, and research sa Unibersidad ng Santo Tomas, writing fellow din si Joselito D. Delos Reyes, PhD, sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies, at research fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Board member siya ng Philippine Center of International PEN. Siya ang kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Literatura ng UST. 

 

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>