Sa aklat ng Levitiko, isa raw sa pinakamahalagang bahagi ng trabaho ng mga pari sa templo ay ang alagaan ang apoy sa Kabanal-banalang bahagi ng dambana. Gawain nila ang gatungan ito at tiyaking laging buhay at nag-aalab. Hindi nila ito dapat hahayaang mamatay kailanman. Bakit? Hindi lang dahil dito tinutupok ang mga susunuging handog sa Diyos, kundi dahil ito mismo ang nagpapahiwatig sa kanila ng pananatili ng Diyos sa kanilang piling.
Malalim ang kahulugan ng apoy sa templo para sa mga Hudyo, at para din sa ating mga Kristiyano. Di ba't unang nakatagpo ni Moises ang Panginoon sa nagliliyab na punongkahoy? Di ba't bumaba ang Espiritu Santo sa mga alagad sa anyo ng mga dilang apoy?
Kaya pala sa loob ng ating mga simbahan laging may apoy: ang nakasinding lampara sa tabi ng tabernakulo. Hindi ito dapat mamatay dahil sagisag ito ng pag-ibig ng Diyos. Ang templo ay tahanan ng apoy. Nagbibigay-init sa gitna ng ating panlalamig at ng liwanag sa ating kadiliman.
Ang hula ni Hesus tungkol sa templo ay hinula na rin ni propetang Jeremias noon! Tinuligsa niya ang katiwalian ng mga sumasamba sa templo, na para bang suhol sa Diyos ang tingin sa kanilang mga alay at handog.
"Kayo baga'y mangagnanakaw, magsisipatay, mangangalunya, at magsisisumpa ng kabulaanan, at mangagsusunog ng kamanyang kay Baal, at magsisisunod sa ibang mga dios na hindi ninyo nakikilala?
At pagkatapos, kayo'y magsisiparito at magsisitayo sa harap ko sa bahay na ito, na tumatawag sa aking pangalan, at nagsasabing "Kami ay ligtas!" habang inyong ginagawa ang lahat ng kasuklam-suklam na mga bagay na ito?
Ang bahay bang ito na tinawag sa aking pangalan ay naging isang yungib ng mga tulisan sa inyong pakiwari? Narito ako, ako nga ang nakakita, wika ng Panginoon."
– Jeremias 7:9-11
Ganito rin ang diwa ng ginawa ni Hesus nang makita niyang naging mistulang palengke ang bahay ng Diyos! Para kay San Juan, sa ganitong paraan natutupad ang nasusulat sa Salmo 69: 10: "Ang alab ng puso para sa iyong tahanan sa dibdib ko'y buhay!"
Kapag ang relihiyon sa atin ay naging ritwal na lang; kapag ito'y parang obligasyon na lang na wala nang epekto sa buhay, pag-iisip, at pag-uugali ng tao, para itong templong wala nang apoy. Kapag ang malasakit para sa kapwa ay wala na, kapag ang alab ng puso para sa tahanan ng Diyos ay patay na, kailangan na itong mawasak upang maitayong muli! Ang tahanang tinutukoy ni Hesus ay ang kanyang katawan, at tayong mga alagad niya ay kanyang kabahagi.
May nagbiro sa akin kamakailan. Sabi niya, "Napakatindi naman ng abo ninyo sa San Roque noong Ash Wednesday, nakakasugat." Kahit alam kong nagbibiro siya, binigyan ko ng siryosong sagot, isang paliwanag na siyentipiko tungkol sa abong nasobrahan ng luto at ang chemical reaction nito nang mahaluan tubig habang mainit pa. Ngumiti lang siya at pinutol ang paliwanag ko.
Biglang nagsiryoso ang mukha at sinabi, "Baka talagang gusto ng Diyos na makasunog at mag-iwan ng sugat ang abo ninyo, para iparamdam ang malasakit sa puso Niya para sa mga kaanak ng mga pinapatay na adik sa inyo." Natahimik ako at napaisip. Sa loob ko parang narinig ko: "Huwag mong hayaang mamatay ang alab ng puso para sa tama at totoo, para sa habag at malasakit." – Rappler.com