Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[EDITORIAL] #AnimatED: Kahibangan ang pagsasara ng Boracay

$
0
0

Kaya mo bang mabuhay nang 6 na buwan na walang trabaho?

“Hindi.” Iisa ang sagot ng mga bangkero, masahista, tindero, at diving instructor sa Boracay na isang kahig, isang tuka sa hanap-buhay. 'Yan din ang sagot ng mga empleyado sa hotel at restawran na may pamilyang binubuhay at may mga anak na mag-aaral sa pasukan. Ito rin ang sagot ng maliliit na negosyanteng malulubog sa kumunoy ng utang dahil sa pagsasara ng Boracay.

Ano ang datos? Nitong 2017, lumikha ang Boracay ng 17,737 trabaho, pinakamalaki sa Western Visayas. Dalawang milyong turista ang dumagsa sa isla.

Tinatayang 20% ng turismo ng bansa ay nanggagaling sa Boracay. Hindi pa kwentado d’yan ang indirect traffic na dulot nito – ang mga nag-check-in muna sa Maynila bago lumipad papuntang Boracay, at nagdesisyon na ring mamasyal sa ibang bahagi ng Pilipinas.  

Abril 2018. 700,000 foreign bookings ang kanselado. 36,000 ang mawawalan ng pinagkakakitaan. 17,000 dito ang mga empleyadong direktang tatamaan. Maraming masisisante. Tumataginting na P56 bilyon ang kitang mawawala sa ekonomiya, ayon sa Boracay Chamber of Commerce.

'Cesspool'

Tinawag ni Pangulong Rodrigo Duterte na “cesspool” ang mala-paraisong Boracay, na nag-number 1 sa “Best Islands in the World” sa respetadong Conde Nast, kabilang sa “Best beaches around the world” ng CNN, at lagi nang inirerekomenda ng Lonely Planet.  

Mataas sa normal daw ang antas ng coliform sa tubig. Ang ugat ay 'di mahirap imbestigahan: nagmistulang poso negro ng mga establisimyento ang karagatan ng Boracay. 21 taon na ang problema ng paglalapastangan sa kalikasan dito mula pa ng panahon ni dating tourism secretary Mina Gabor sa ilalim ni dating pangulong Fidel Ramos.

Kaya’t gulpe de gulat ang sagot ng Pangulo, na 'di kailanman natakot sa kontrobersiya at lalong 'di umaatras sa mapapait na solusyon.

Ang mga arkitekto ng pagsasara

Pasok ang mga chuwariwap, ang chorus line, na mataas pa sa bodabil ang hagis ng binti sa ere. Ayon kay Wanda Teo ng Kagawaran ng Turismo, “limited” lang daw ang epekto ng pagsasara. Sabi naman ng National Economic and Development Authority o NEDA, minimal ang impact nito sa pambansang antas ng ekonomiya. Isama na ang Department of the Interior and Local Government na kasama sa nagbigay ng 6 na buwang timetable para sa “massive clean-up”. Hindi nga naayos ang airport sa loob ng dalawang dekada, Boracay pa? Lego blocks ba ang Boracay na mare-reassemble nang kalahating taon?  

Pero ang hindi natin malunok ay ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na isa sa tatlong ahensyang nagrekomenda ng closure. Sila sa DENR ang kakapit-bisig ng lokal na pamahalaan sa halos-zero enforcement ng environmental regulations. Buong tapang silang nagpapainterbyu at nagkakabuhol-buhol ang dila sa pag-iwas sa kapabayaaan at pagka-inutil.

Ang tanong ng mga negosyanteng nagbabayad ng tax at masusing sumusunod sa patakaran, bakit pati kami magdurusa? Tanong ng 36,000 na manggagawa na nagulantang sa lock-down: paano na kaming mahihirap? 

Nakamamatay na gamot?

Bakit ibinasura ng Malacañang ang panukalang “rehabilitation in phases”? Bakit hindi nakinig ang Pangulo sa mga ekonomistang diumano'y nakakabulong sa tenga niya? Tulad ng kalihim ng trade and industry na si Mon Lopez na nagpanukala ng yugto-yugtong paglilinis at si Ben Diokno ng budget department na nagsabing masyadong maaga ang closure.

Sa yugtong ito, 'di maiiwasang tanungin: alam ba ng gobyerno ang ginagawa nito? Sa bandang huli, pinaparusahan nito ang lahat para sa kasalanan ng ilan.

Ano ba ang good governance? ‘Di ba ito yung “least suffering in pursuit of the greater good”? Pinaka-konting perwisyo sa ikabubuti ng nakararami? Tulad ng Tokhang, wala na bang ibang solusyon kundi ang marahas at barubal? Pagsasara ba talaga ang sagot sa masalimuot na problemang maaaring yumanig hindi lang sa negosyo at pag-aari, kundi pati sa mga buhay at pangarap? HIndi ba talaga marunong ang administrasyong Duterte ng elegante at malumanay na solusyon?

Alam ba ni Wanda Teo na hindi lamang siya "yes woman" ng Pangulo at sa halip ay may tungkulin siyang huwag pabagsakin ang turismo sa probinsyang pangunahing nagtataguyod nito? 

Gambler's paradise?

Kaduda-duda ang timing ng pagsasara na sasabay sa pagtatayo ng higanteng eksklusibong casino. Isang casino na hindi titigil sa konstruksyon sa panahon ng closure at siyang tanging malinaw na panalo sa pagsasara. Magmimistula bang paraiso ng mayamang sugarol ang Boracay pagkatapos ng 6 na buwan? Mawawala na ba ang maliliit at budget-friendly na mga lugar? Mabubura na ba ang karakter nito na ikinatuwa ng dayuhan at kapwa-Pilipino?

Mula nang umugong ang balita, matagal ding nabitin ang mga taga-Boracay at ngayon lang nagkaroon ng malinaw na petsa ng pagsasara – hindi dalawang buwan mula ngayon kundi dalawang linggo. 

Bakit hindi ito gawin sa panahon na off-season, upang ang mga nakapag-book ay hindi na kailangang makansela? Bakit walang pakundangan sa mga parokyanong namimili ng destinasyon 6 na buwan o isang taon bago ang bakasyon? Paano na ang pangalan ng turismong Pilipino sa abroad na dati'y maaasahan at hindi sala sa init, sala sa lamig? Titingnan pa ba ang Pilipinas na premyadong destinasyon pagkatapos nito? 

Magkalinawan tayo, mainam at wasto lang na irehabilitate ang Boracay. At kung mabigyang lunas man ang polusyon sa karagatan ng Boracay – at 'yun ay malaking katanungan – magluluwal ba ito ng ibang krisis? Ilang taon o dekada ang setback sa turismo natin?

Ad hoc, knee-jerk

Ngayon pa lang, malinaw na ad hoc at knee-jerk lahat, at walang malinaw na plano sa Project Boracay Make-over.

May bilyones mang nakalaan para sa dole-outs, wala namang track record ang gobyerno sa mahusay na pagsalo sa mga tinamaan ng mga polisiya nito – tulad ng mga bakwit sa Marawi at ang mga pobre ng social welfare department na binibigyan ng P200 kada buwan bilang panangga sa tax reform o TRAIN law. 

Ilang negosyante ang malulugi at 'di na muling makakapagbukas? Ilang empleyado ang wala nang babalikang trabaho? 

Ayon sa labor and employment department, 5,000 trabaho lamang ang kaya nilang mahanap para sa mga magiging tambay. Paano na ang 31,000? Mangingibang-isla? Lalayo sa pamilya at mag-aabroad? O mamamalimos? Sa dinami-dami ng pighating dulot ng Boracay shutdown, ito ang pinakamalupit.

Habang tumatagal ang Presidenteng iniluklok ng masa, lalong lumilinaw na "casualty of war" sa kanya ang mahihirap. Tuwina na lang, ang dukha ang biktima ng Tokhang, ang biktima ng inflation, at ngayon, ng pagsasara ng Paraiso. – Rappler.com


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>