“He becomes the one real, true, and legitimate leader when he holds the one real, true, and legitimate source of information chenes chenes.”
Puwede ko namang pagbintangan na ang sikat na sikat na si Anonymous ang nagsabi ng pangungusap sa itaas. Pero, ang totoo, binuo ko lang ’yang quotation ngayon para sa espasyong ito. Parang maangas lang kasing basahin at pakinggan. Lalo na iyong “chenes chenes” part. Napaka-intelektuwal.
Sa totoo lang, mula pa noong panahon ni Lolo Alvin Toffler, maraming bersiyon na ng quotation na iyan ang sinabi na ng kung sino-sinong mapagpanggap na political and communication sages na nagkalat ngayon sa information trash bin that is social media.
Parang maganda lang simulan sa bogus quotation ang article. But, in essence, palagay ko, it holds true sa pamamahala at pamumuno sa kahit anong kolektiba: management of information is paramount.
Sa mas malakihang pagtanaw, kailangan naman kasing pamahalaan at pangasiwaan (to govern and to manage) ang lumalabas at sumisingaw na impormasyon buhat kung kanino. Kompanya man, pamahalaan, o indibidwal ang pinagmumulan ng impormasyon.
Ang pinakamalalaki at pinakamalalawak na ahensiya ng pamahalaan ay mayroong public information official o spokesperson. Every local government unit – from municipality to provincial government, as mandated by the Local Government Code – has a room or cubicle that is dedicated to the one person that lords over information and communication, sometimes even beyond the chief executive’s knowledge. Dahil sadyang mayroon pa rin kasi talagang chief executive na walang alam sa napasukan niyang trabaho.
Ang mga kompanya at negosyong may malawakang pakikitungo sa tao ay nagtatalaga rin ng malaking pera at pagod at oras para lamang sa kanilang corporate communications. Na, siyempre, mababawi rin naman nila ang lahat ng nagasta kapag kumita na ang korporasyon.
Kamakailan, isang regent ng nangungunang state university sa bansa ang naging sentro ng usapin hinggil sa komunikasyon. Nagalit kasi si regent sa pangungulit ng mga kumuha ng examination. Totoo naman kasing na-delay ang paglalabas ng resulta ng entrance examination. Pero, hayun, nagwala ang abogadong regent.
Ano ba naman ’yung sabihing huwag mainip sa paghihintay sa paglabas ng resulta ng pagsusulit, o bigyang-diin ang prayoridad sa papasukang kolehiyo kung hindi makapaghihintay na pumasa (o bumagsak, dahil ito ang mas malaking posibilidad)? Ano ba naman ’yung sabihin nang mahinahon na maghintay?
Besides, binayaran ang entrance exam. Hindi libre. Pero hindi. Mas masarap yatang piliin sa panahong ito na mam-bully at mang-insulto ng mga tao na malayo sa sirkulo ng kapangyarihan.
Madaling pangasiwaan noon ang impormasyon. Noong kontrolado ng opisyal o ahensiya kung paano lulunsad sa platform ang impormasyon: radyo, print, telebisyon, at, manaka-naka, internet. Ngayon, napakadaling sumingaw at magpasingaw. Isang naka-public na status, isang umaatikabong screenshot, hayun, viral. At hindi mo na kailangan ng “Taurine+DHA, brain vitamins for your child” para malaman itong communication principle lalo’t galing sa pinagpawisang buwis ng taumbayan ang suweldo mo. O kung pribadong sektor, sa tagatangkilik ka umaasa para sa produkto at serbisyo mo.
Speaking of “Taurine+DHA, brain vitamins for your child,” naging mainit na isyu rin sa social media natin kamakailan ang pagpapamukha ng isang kompanya ng bitaminang pampatalino (na no approved therapeutic claim, mind you) sa pamamagitan ng tanong na “Bakit maraming bobo?”
Maraming nag-init ang tuktok sa post na nagsasabing sa 10 bansa sa Timog-Silangang Asya, tayo ang nasa ibaba, ang may pinakamababang IQ, ayon sa isang research site na research.info.en/average-iq-by-country chenes chenes (napakaintelektuwal talaga ng dating ng chenes chenes).
Hindi mo naman kailangang maging rocket surgeon at brain scientist para isiping, well, ito ang ipinahihiwatig ng patalastas: kung ayaw mong maging bobo at para mataasan sa IQ ang ibang bansa sa Timog-Silangang Asya, eh di bumili ka ng bitamina sa utak. Doon nanggagaling – sa insecurity ng kahinaan ng kukote – ang patalastas. Kung ako nga naman ang magulang, na hindi sigurado sa kakayahan ng anak ko at may mahinang kukote to boot, bibili ako ng produkto. Huh. Brain vitamins yata ito. Singbisa ng mantekilyang pampatangkad.
Itong mga nagdaang pangyayaring ito sa virtual at mapagpanggap na mundo – na kung wala kang social media presence ay hindi mo malalaman – ang dahilan ng espasyong ito. Sana hindi mo alam ang tinutukoy ko. Pero dahil nababasa mo ngayon itong artikulo, na may malaking tsansang lumunsad sa social media news feed mo, malamang nabalitaan mo ang tinutukoy ko.
Hindi na madaling pangasiwaan ang impormasyon. Madali nang makawala, pero mahirap nang mabawi ang impormasyong hindi pinag-isipan kung paano lalabas sa madla. Kaya naman ang magaling na information gatekeeper ay mabisang tagasugpo rin ng information crisis (na kadalasan sila rin, ang kaniyang ahensiya at kompanya, ang may likha).
Ang isang magaling na makinarya ng komunikasyon ay isang magandang daan para maunawaan ang “real, true, and legitimate” na sentimyento at nararamdaman ng tao. Hindi iyong package deal na “Bakit maraming bobo?” statement. O iyong tinamaan-ng-magaling na tumawag na ingrato at iba pang unpublishable na terminong tanging sa pusali lamang dapat ginagamit. Excuse me, mali, mali. Sa pusali at sa Palasyo pala ginagamit.
Pero narito na rin lang tayo sa paksa ng bulagsak na paraan ng pakikipag-ugnayan, tuloy-tuloyin na natin. Naniniwala akong sa kaunting information timing, tweaking, phrasing, and framing, makakaapekto na ito sa pananaw ng mamamayan. Lalo ngayon.
Hindi man magandang isipin, pero, di ba, nasusukat sa perception ng tao ang tagumpay o pagkabigo ng pamamahala? Ang tagumpay o pagkabigo sa pagtangkilik ng produkto o serbisyo? Sa survey nga, mutyang-mutya ang paniniwala sa perception.
At dito, sa pananaw na ito, nagtatagpo ang ibinabandera ng nagtitinda ng brain vitamins at ang pakikitungo ng opisyal ng pamahalaang naturingang regent ng nangungunang unibersidad sa bansa.
Perception lamang muna ang lahat. Kung maglalabas ng impormasyon, puwedeng ilabas o pasingawin ito para magkaroon ng magandang perception. O puwede ring magmura o mang-insulto o kutyain na kesyo ang lahi natin ang may pinakamababang IQ sa rehiyon. Perception lang natin ito.
Perception lang ang lahat ng ito dahil hindi naman sinaliksik ng kompanya ang bawat isa sa kung ilampung milyong bata at kabataan sa bansa natin o sa buong Timog-Silangang Asya. Mula sa sampling, na sana ay balidong numero sa estadistika, nakabuo ang research.info.en/average-iq-by-country chenes chenes ng kongklusyon. Lowest IQ sa 10 bansa.
Kadalasan, nananaig ang perception kaysa pinanghahawakan nating katotohanan. Basta ang mahalaga, parang mayroong real, true, and legitimate source of information chenes chenes. Ano man ito. Sino man ito. – Rappler.com
Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, and research sa Unibersidad ng Santo Tomas, writing fellow din si Joselito D. De Los Reyes, PhD sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies at research fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Board Member siya ng Philippine Center of International PEN. Siya ang kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Literatura ng UST.