Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Unang bahagi: Ang maybahay kong Thai, ang Big C, at ako

$
0
0


 Tuwing nakakaranas siya ng matinding sakit noon, nasasambit niyang kung ganito ang magiging buhay niya, wala nang saysay pang mabuhay. Ngunit dalawang linggo bago siya tuluyang umalis panghabambuhay, habang naglalakad siya sa ramp, nanghihina ang mga binti, at nakayakap ang kanang kamay sa balikat ng kanyang caregiver, tiningnan niya ako nang may pagsusumamo. Gustung-gusto kong mabuhay, ang sabi ng mga mata niya. Iyon ang unang pagkakataong umiyak ako sa loob ng apat at kalahating taong inalagaan ko siya sa mahabang pakikidigma laban sa Big C. Mas pinili naming tawagin ng ganito ang kanyang kalagayan sa takot na magdala lalo ng masama kapag tinawag naming ito sa totoong pangalan.

Ilang araw pagkatapos ng pangyayaring ito, habang nakaratay siya sa kama, tinanong niya ako kung opsiyon pa rin ang stem cell treatment. “Alam ko, hindi ako tuluyang pagagalingin nito, pero maaaring bigyan pa ako ng panahon,” sabi niya. Hindi agad ako nakasagot. Kinailangan kong mag-ipon ng lakas para sabihin sa kanya na, ayon sa kaibigan naming doktor, epektibo lang ito sa paggamot sa multiple myeloma or leukemia, at hindi sa kanser sa colon.

Ang hindi ko sinabi sa kanya, ayon sa aming kaibigan, titingnan pa niya ang posibilidad ng immunotherapy, isang experimental treatment pa lang at kailangan ng mga subject. Ayokong magkaroon siya ng maling pag-asa lalo na’t nasa estadong terminal siya. Ngunit matindi ko pa ring inasam na sana’y sumailalim siya sa nasabing treatment; nag-angat ng pakiramdam ko ang kaunting posibilidad na ito – naging realidad ito sa aking imahinasyon.

Nami-miss niya ang sashimi

Nang araw na sinabi ng kaibigan namin ang posibilidad ng immunotherapy, naghanap ako ng pinakamasarap na tonkatsu, isang paraan nang pagluluto ng baboy sa Japan na nagustuhan niya nang tumira kami sa Tokyo nang isang buwan noong isang taon. Dinala ko sa kanya ang sa tingin ko ay pinakamasarap na tonkatsu sa Bangkok, at nang matikman niya ito, ang sabi niya, “Hindi na masama ang lasa, pero puwede mo ba akong madalhan ng sashimi bukas ng gabi?”

Umaga kinabukasan, tinawagan ako ng kaibigan namin para ipaalam ang isang nakakapanghinang balita: na sa Disyembre pa magkakaroon ng lisensiya bilang experimental treatment ang immunotherapy. Bumagsak uli ang pag-asa ko, pero sinabi ko sa sarili na dadalhan ko pa rin siya ng sashimi para sa hapunan. Nang makarating ako sa hospice, nalaman ko na simula madaling araw ay comatose na siya. Hindi na siya magigising pa, sabi sa akin ng chief nurse. Makalipas nga ang di kukulangin sa 30 oras, 4:34 pm, Marso 27, 2018, binawian na ng buhay ang aking asawa, si Suranuch “Ko” Thongsila, habang ako at ang kanyang mga kamag-anak, ang ilan sa kaibigan namin ay manhid na nakatitig sa pag-flatline ng electrocardiogram.

Ang proposal

Limang taon na ang nakakalipas, Marso 2013 noon, bago ako umuwi sa Pilipinas mula sa United States, nang makatanggap ako ng mensahe sa kanya. Kung tama ang aking pagkakatanda, ang sabi niya ay: “Malapit nang mamatay ang nanay ko. Kailangan kita.”  Wala akong ibang maaaring sagot kundi, “Pupunta agad ako diyan.”

Isang mabuting kaibigan si Ko. Hindi naputol ang aming komunikasyon sa loob ng 13 taon pagkatapos niyang isalin ang libro kong A Siamese Tragedy sa wikang Thai. May mga pagkakataon na kumakain kami sa labas kapag nasa Bangkok ako noong nasa staff pa ako ng Focus on the Global South, isang research institute na tinulungan kong maitatag noong 1995. Ang mga ganitong reunion ay pagkakataon lang para magkabalitaan sa aming buhay, at ang pagkakaroon ng romantikong relasyon ay malayo sa isip namin.

Noong 2013, nasa larangan na ng gawaing humanitarian sa Thailand si Ko. Bilang executive director ng Siam Cement Foundation, na nakatutok sa corporate responsibility ng isa sa pinakamalaking korporasyon sa Thailand, malaking papel ang ginagampanan ni Ko sa muling pagbangon ng Timog Thailand matapos salantain ng tsunami na pumatay sa may 5,000 katao noong 2004 at sa mga inisyatiba ng gobyerno at civil society para mapigilan ang malawakang pagbaha sa Bangkok noong 2012.

Dahil sa kanyang trabaho, nakalikha siya ng isang malawak na pakikipag-ugnayan sa mga pulitiko, sa mga nasa akademya, at mga aktibista mula sa civil society. Naging malapit siya kay Punong Ministro Anan Panyarachun, na tila naging imahe ng isang ama para sa kanya; naging pamilyar din siya sa mga tao mula sa iba’t ibang bahagi ng pampulitikang spectrum ng Thailand, tulad nina dating Punong Ministro Abhisit Vejjajiva at Chuan Leek Pai ng Democrat Party at Chaturon Chaisang, isang mambabatas na naging lider ng gobyernong “Redshirt” sa pamumuno ni Ying Luck Shinawatra.  

Dahil maganda at nakakabighani, at matagumpay sa kanyang karera, di nakakapagtaka na marami siyang manliligaw. Minsan ay nagkukuwento siya tungkol dito at kung bakit tumatanggi siya sa mga alok na kasal. Iba’t iba ang dahilan niya, ngunit ang pangunahin ay ang kanyang pagiging "career woman." Pabiro niyang sinasabi na siya’y nagmamadaling maging matagumpay sa karera niya kaya’t walang panahon sa pag-aasawa.

Noong natanggap ko ang text message niya, Marso 2013, naramdaman kong hindi karaniwang mensahe iyon para sa isang kaibigan na gusto niyang makita. At totoo nga, nang makarating ako sa Bangkok, sinabi niya ang bilin ng ina na panatag itong pupunta sa kabilang buhay kung alam nitong may mangangalaga kay Ko kapag wala na siya. Kahit hindi naging madali ang relasyon ni Ko sa ina, sineryoso niya at pinag-isipan nang husto ang kahilingan nito. Wala siyang ibang naisip na maaaring makaganap bilang panghabambuhay niyang partner kundi ako.

Nabigla ako, ngunit alam ko rin na hindi ko matatanggihan ang isang extra-ordinaryo at magandang babae  – hindi malayo sa katotohanan kung sasabihin kong marahil ay may natatago ring paghahangad. Interesado akong malaman kung bakit ako ang pinili niya. Natitiyak kong hindi ang pagiging miyembro ko ng Kongreso ang dahilan. Mas maraming kaakit-akit at sikat na personalidad sa pulitika at lipunan ng Thailand na gugustihing maging partner siya.

Isang palaisipan ito sa akin, pero sa lamay ng nanay niya sa Bangkok, Mayo 2013, pinakahuli sa isip kong mag-ala Sherlock Holmes pa. Ito rin ang panahon ng paglantad naming pormal bilang magkarelasyon. “Bakit hindi namin alam ang tungkol sa inyo?” ang naging karaniwang tanong ng malalapit sa kanya. Tawa ang kanyang sagot sa mga ito, sabay sabing, “Hindi ko rin alam eh.” Sa bahagi ko, nakakailang ang pagtrato ng kanyang mga kaibigang lalaki na tila ba iniisip na inagawan sila ng pambansang yaman ng isang Filipinong galing sa kung saan.

Ang pagkamatay ng kanyang ina ang naging simula rin ng pag-alis ni Ko sa panlipunan at pampulitikang buhay sa Thailand. Hindi ko agad ito maiintindihan, at magiging malaking palaisipan din sa akin tulad nang kung bakit pinili niya ako bilang partner.

Pagkaudlot ng masayang buhay

Naging masaya si Ko sa pagsisimula ng bagong buhay sa Pilipinas at madali siyang nakasabay sa papel bilang asawa ng isang kongresista, na malayo sa kanyang papel noon bilang pinuno ng isang malaking organisasyon at bilang aktibista sa Thailand. Kapag kasama ang mga kaibigan namin, madalas ko siyang biruin na maaari niyang pagsisihan ang pagpili sa isang partner na 17 taon ang tanda sa kanya – siya ang magiging taga-alaga ko sa aking pagtanda. Ang sagot naman niya, pinasimple na ng adult diaper ang gawaing ito.

Napakasayang limang buwan noon bago siya na-diagnose na may 4th stage colon cancer sa pagbisita sa kanyang gynecologist sa Bangkok noong Agosto 2013. Ang una niyang ginawa ay kausapin ako at sabihing, “Hindi ito kasama sa ating usapan. Wala kang obligasyong manatili sa relasyon. Malaya kang umalis.” Maaaring ang naisagot ko ay kalokohan iyang sinasabi mo, hindi ako madaling paalisin. At sinimulan namin ang pakikipaglaban sa Big C.

Sa una niyang operasyon, tinanggal ang malaking bahagi ng kanyang colon at atay. Sinundan ito ng anim na cycle ng chemotherapy, na naging dahilan ng panghihina niya at pagmamanhid ng iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan. Sa ikalawang operasyon niya, binawasan muli ang kanyang atay, sangkapat na lang nito ang naiwan, na muling sinundan ng anim uling cycle ng chemotherapy, na mas lalong nakapagpahina sa kanya. Magkakaroon pa ng dalawang operasyon at sasalitan ng chemo at radiation therapy. Binugbog ng mga operasyon at chemo at iba pang paggagamot ang kanyang katawan. Umikot ang pang-araw-araw naming buhay sa pagbisita sa umaga tuwing dalawang linggo sa  Chulalongkorn University Hospital. Ginugugol namin ang mga araw sa konsultasyon sa iba’t ibang espesyalista, inpatient at outpatient na chemotherapy, at ang mas malala, may mga panahong maoospital siya ng ilang araw o ilang linggo.

Ginawa niya lahat ng magagawa, kasama na ang pagsailalim sa mga alternatibong therapy, tulad ng diet na binubuo lang ng gulay; nadismaya din siya sa hindi pagkakasundo ng mga doktor na may kanluraning edukasyon at mga alternatibong therapists. “Tinanong ko ang doktor kung dapat ko bang iwasan ang karne o keso tulad nang sabi ng nutritionists, ngunit ang sabi niya huwag akong makinig sa mga taong iyon. Kainin ko raw ang lahat ng gusto kong kainin,” sabi niya minsan habang umiiling ang ulo dahil sa alitan ng doktor at mga nutritionist. Ang preskripsiyon ng doktor ay operasyon at chemo; ang paniniwala naman ng nutritionist ng mga pasyenteng may kanser, you-are-what-you-eat.

Unti-unting naiba ang mga prioridad ko. Mahirap na panahon ito sa akin sa buhay pampulitika ko; katatapos ko lang magbitiw sa Konggreso dahil sa pagkakaiba ng aming pananaw ni Pangulong Aquino sa ilang polisiya, at naghahanda rin akong tumakbo para sa Senado sa 2016 elections. Matigas si Ko sa paniniwalang hindi dapat sumagka sa aking agenda sa politika ang kanyang kalagayan. Ipinilit niya na dapat akong umuwi sa Pilipinas kahit na sumasailalim siya sa chemotherapy sa Bangkok. Ngunit bago pa ang 2016, pinili ko nang maging pangunahing layunin ko ang ipaglaban ang kanyang buhay. Kaya’t mas naging madalas pa rin ako sa Bangkok kaysa sa Maynila. 

Basahin ang ikalawang bahagi: Katapusan: Ang maybahay kong Thai, ang Big C, at ako

Basahin ang bersiyon sa Ingles: Part 1: My Thai wife, the Big C, and me

Rappler.com 

Ang Rappler commentator na si Walden Bello ay asawa ng namayapang Suranuch “Ko” Thongsila.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>