BASAHIN: Unang bahagi: Ang maybahay kong Thai, ang Big C, at ako
Dumaan kami sa mga panahon ng bigong pag-asam, kapag nakikita sa kanyang CT Scan o Pet Scan na humihina na ang kanser at maaaring nasa remission siya. Ito ang mga panahon kung kailan pumapayag ang kanyang mga doktor na magbakasyon siya mula sa chemotherapy session; ito ang panahon na nagtitipon sa bahay ang kanyang mga kaklase noong high school na tinawag niyang “Fatboys” para kumain at uminom. Naging pagkakataon din ito para tanggapin nila ako bilang isa sa kanila kahit na di ako gaanong nakakapagsalita ng Thai. Nalaman ng isang aktibistang tulad ko na napakalaki palang tulong ang nagagawa ng Google Translate hindi lang para sa komunikasyon kundi sa paglikha ng isang komunidad.
Kapag maayos ang resulta ng CT Scan ay nakakapagbiyahe kami, at ang dulot nito ay pag-asa; kasabay ng pag-asa ay ang pagbabalik ng lakas. Doon kami nagpupunta sa mga bayang hindi pa niya nabibisita, tulad ng Brazil, Netherlands, Norway, Sweden, at Italy. Nag-apply ako sa mga fellowship at bilang guro kaya’t nakapanirahan kami sa New York, Wisconsin, at Japan nang ilang buwan. Binabalikan ko ngayon ang mga naganap at naiisip ko na hindi niya pinagkatiwalaan ang mga positibong pagbasa tungkol sa lagay ng kanyang kanser kaya’t pinanghawakan niya ang lahat ng pagkakataong mabuhay sakaling hindi nga totoo ang mga pagbasa sa tests.
Masasayang panahon ang paglalagi niya sa mga paboritong tindahan ng damit sa US, tulad ng TJ Maxx, noong nasa Madison, Wisconsin, kami, o ang pagpila namin para sa pinakamasarap na tonkatsu sa isang maliit na resto sa may subway station sa Tokyo. Mahilig siyang magluto kaya’t nag-iimbita kami ng mga bisita noong nasa Maynila para matikman ang kanyang lutong tom yum kung – sopas na may hipon – at tom kha gai, isang uri ng ulam na manok.
Mahal niya ang Pilipinas, at gusto niyan matuto ng Tagalog, ngunit tulad ko pagdating sa Thai, nadidismaya siya sa pagiging kumplikado ng Tagalog. “Nakakaloko ang dami ng paraan ng pagbubuo ng mga salita,” sabi niya. “Sa Thai, isa lang ang tense namin.” Ang sagot ko naman sa kanya, “Oo nga, pero nakakaloko din ang paggamit 'nyo ng tono sa wika. Ang ibig sabihin ng isang salita ay depende sa tono ng pagkakabigkas nito, tulad ng salitang klai na maaaring ang ibig sabihin ay ‘malapit’ o ‘malayo,’ o ang salitang suay na puwedeng maging ‘maganda’o ‘pangit.’”
Digmaang kemikal
Ngunit laging may paraan ang realidad para agawin ang aming masasayang panahon. Pagkatapos ng ilang buwan, makikita naman sa susunod na CT Scan na muling dumami ang kanyang cancer cells. Naging malinaw na ang nangyayari: aatras ang kanser dahil sa bagong chemo formula kaya’t nababawasan ito pagdating ng pagbasa sa tests, at muling babalik para matalo ang kaaway na gamot, at ang pagbabalik at muling pag-atake nito’y parang isang paghihiganti. May digmaang kemikal na nagaganap sa loob ng katawan ng aking asawa, at siya ang natatalo sa giyera. Ngunit nagpatuloy ang aming ilusyon – mas sa kanya kaysa sa akin – na matatalo ang kanser kapag lalong pinatapang ang chemo formula.
Simula sa kanyang pagpanaw, minumulto ako ng katanungang kung ang chemo ba ay nakapagpabilis ng kanyang pagkamatay o nakapagpahaba ng kanyang buhay. Hindi ko na marahil malalaman ang kasagutan.
Tuluyang nabasag ang pangarap na mapapahaba ng chemo ang buhay niya nitong kalagitnaan ng Enero, nang magsimula nang umatake ang kanser sa kanyang utak, na ang dulot ay sobrang sakit kaya’t kinailangan siyang dalhin sa emergency room, kung saan sinaksakan siya ng morphine. Nagkaroon ulit siya ng radiation therapy nang 10 araw, na nakapagpabalik sa kanya ng lakas ng katawan at kalooban. Dahil dito naging sentro pa siya ng kasayahan sa cancer ward ng Chulalongkorn University Hospital. Biniro ko pa siya na kung magkakaroon ng eleksiyon sa ward na ito, mananalo siyang kinatawan ng mga pasyente.
Ang huling opensiba ng ‘Big C’
Naiuwi pa namin siya noong kalagitnaan ng Enero, ngunit muling ibinalik di pa nakakalipas ang dalawang linggo dahil sa pag-atake muli ng kanser sa kanyang utak. Sumailalim siyang muli sa radiation therapy, na nagdala ng panandaliang mabuting kalagayan. Ngunit nang sundan ito ng isa pang CT Scan, ibinalita ng mga doktor na nasa opensiba na ang kanser sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan at ipahihinto na nila ang chemo dahil wala na itong magagawa.
Matapang niyang tinanggap ang balita. Magkatabi kaming nakahiga noon, kinuha niya ang kamay ko isang gabi, at sinabing sa kabila ng hirap na dinanas sa loob ng apat at kalahating taon, pinakamasayang panahon ito ng buhay niya, mas makabuluhan kaysa sa kanyang tagumpay sa propesyon. “Chan raak khun mak mak,” ibinulong niya sa Thai. “I love you very much.” Pagkatapos ay itinanong niya, “Ano ang mangyayari sa iyo. Ikaw ang inaalala ko. Sabi ko kay Jit ipangako niya na aalagaan ka niya,” kuwento niya tungkol sa pinag-usapan nilang magpinsan.
Noong Marso 22, ipinagdiwang ni Ko ang ika-55 kaarawan niya sa isang ritwal na pinamunuan ng isang Buddhist monk. Ayon sa paniniwalang Buddhist, makakatulong ang ritwal na iyon para, sa susunod niyang reinkarnasyon, ay palayain siya sa paghihirap na tulad ng dinanas niya. Nang sumunod na araw, sinundo na siya ng isang ambulansya para dalhin sa isang hospice na pinatatakbo ng Katolikong madre sa bahaging downtown ng Bangkok. Lilipas ang apat na araw bago siya papanaw.
Mga palaisipan
Noong limang araw ng seremonya para sa mga pumanaw sa paniniwalang Buddhist ay naunawaan ko nang lubos ang epekto ng aking asawa sa ibang tao. May ilang daan din ang dumating bilang pagbibigay-galang sa isang taong humaplos sa buhay nila – isang humanitarian worker, isang aktibista, na ang naging layunin ay pag-isahin ang magkakaaaway na partido, isang taong matapat sa mga kasama sa trabaho at sa mga kaibigan, at deboto sa mga kamag-anak.
Bago natapos ang mga ritwal, naghanap ako ng mga kasagutan sa kanyang mga kasamahan at kaibigang naroroon. Dalawang misteryo ito na kapag nanghihingi ng sagot sa aking asawa ay tinatapatan lang niya ng halik o ngiti.
Ang unang misteryo ay kung bakit biglaang tinapos ni Ko ang kanyang buhay publiko limang taon na ang nakakaraan. Nasagot ito nang sinabi ng ilan sa pinakamalalapit niyang kaibigan: isa sa mga dahilan ay may kinalaman sa trabaho. Pagkatapos ng 10 taong pagiging executive director ng Siam Cement Foundation, gusto ng kompanya na ilipat si Ko sa ibang puwesto, at kahit naiintindihan ni Ko ang dahilan nito, pakiramdam niya’y marami pa siyang magagawa bilang pinuno ng ahensiya upang isaayos ang serbisyong humanitarian sa Thailand, kaya siya nagbitiw.
Ang sabi naman ng isa pang kaibigan niya, maaaring may kinalaman ito sa naging alitan sa pagitan ng “Yellowshirts” at “Redshirts” na naghati sa politika sa Thailand noong panahon ni Thaksin. Nakaranas siya nang pagka-disilusyon dahil dito, lalo pat’may mga kaibigan ding naghiwalay dahil sa pagkakahati sa dalawang grupo.
Ang ikatlong piraso ng puzzle ay galing sa isa pang kaibigan, na nagkuwentong sinabi sa kanya ni Ko na nagawa na niya lahat ng maaaring gawin sa karera niya kaya’t ang gusto naman niyang maranasan ay buhay-may-asawa.
Ngunit di pa rin nito nasagot ang palaisipan tungkol sa pagsasara niya ng pinto sa isang napakalapit na kaibigan, dating Punong Ministro Anan, na itinuring niyang parang ikalawang ama. Ang sabi ng dating punong ministro sa akin: “Sinikap kong muling umugnay sa kanya, ngunit nagsara na siya ng pinto. Hindi ko ito maintindihan.”
Maaaring hindi na lubos na masasagot ang misteryo tungkol sa pagbitiw ng aking asawa sa buhay na politikal at panlipunan. Kahit na rin ang sagot sa ikalawang misteryo – kung bakit pinili niya ako bilang partner kahit mas maraming nakahihigit. Kahit gusto ko pang malaman ang sagot dito, wala na ring saysay. Nagsimula kami bilang mabuting magkaibigan, ngunit nang lumisan si Ko, ang pagkakaibigang ito ay isa nang malalim na pag-iibigan na dumaan sa isang pakikipaglaban sa kanser.
Bago umalis si Punong Ministro Anan sa seremonyang kanyang pinangunahan, nagpasalamat siya sa akin sa ginawa kong pag-aalaga kay Ko. Hindi agad ako nakasagot dahil sa paninikip sa dibdib. “Gagawin ko ulit iyon kung mabibigyan muli ng pagkakataon,” ang nasabi ko.
Walang pagsuko
Isang araw pagkatapos ng cremation, isinaboy ko sa Thailand Gulf, sa ilalim ng malamlam na sikat ng araw, ang mga labi ng taong nagdulot ng kahulugan sa buhay ko sa nakalipas na limang taon. Nanalo ang Big C, ngunit dahil sa matapang na pakikipaglaban dito, hindi mararamdaman ni Ko na nawalan siya ng dangal sa kinahinatnan ng laban. Hindi siya sumuko.
Naalala ko ang naganap limang taon na ang nakakalipas, noong Mayo 2013, nang pumalaot kami sakay ng bangka, marahil sa eksaktong lugar din sa dagat para isaboy ang mga labi ng kanyang ina. Mayroon ba siyang pakiramdam na limang taon matapos nito ay sasamahan niya ang kanyang ina sa pusod ng dagat? Hindi niya napigil ang pagtulo ng luha noon, tulad nang di ko pagkapigil sa akin ngayon, habang pinasasalamatan ko siya sa pagbibigay sa akin ng pinakamagagandang taon ng buhay ko. – Rappler.com
Ang Rappler commentator na si Walden Bello ay asawa nang namayapang Suranuch “Ko” Thongsila