Bakit takot sa media ang administrasyong Duterte?
Sa maraming pagkakataon, umiiral ang phobia nilang ito, na kitang-kita sa paggamit ng gobyerno ng kamay na bakal laban sa Fourth Estate.
Sa Mababang Kapulungan, magiging bawal na ang kritikal na istorya tungkol sa mga mambabatas kung maaaprubahan ang bagong patakaran para sa media. (BASAHIN: PH lawmakers seek to ban reporters who 'besmirch' them)
Sa mga press conference ng Departent of Labor at ng Department of Foreign Affairs, ipinagbawal na magtanong ang mga banyagang mamamahayag kahit na accredited sila ng International Press Center. (READ: PH bars int'l journalists from press conference in Singapore)
Sa Boracay, tinangka ng komite roon na ilimita sa 9 am-5 pm ang coverage ng media.
Sa Palarong Pambansa sa Vigan, hindi binigyan ng Department of Education ng accreditation IDs ang mga journalist galing sa Rappler. Hindi rin sila pinapasok sa opening at closing ceremonies, pati na sa press conference. Bawal ding tumapak ang mga mamamahayag ng Rappler sa media center. Ito’y sa kabila ng pagpulot ng Palaro newsletter ng DepEd sa inspirational stories na inilathala ng Rappler. (BASAHIN: DepEd restricted Rappler's access to Palarong Pambansa 2018)
Dating partner ng Rappler ang DepEd sa Palaro at sa National Secondary Schools Press Conference, pero pinutol ng kagawaran ang pakikipagtulungang iyon kahit na aminado itong naging pabor sa departamento ang mga aktibidades sa ilalim niyon.
Sa Malacañang, umiiral pa rin ang ban kay Rappler reporter Pia Ranada at maging sa CEO nito na si Maria Ressa. (BASAHIN: Rappler's Pia Ranada barred from entering Malacañang Palace)
Kasali na rin ang mga mamamahayag ng Rappler sa probinsiya sa ban na ito ng Palasyo – basta nandoon si Pangulong Rodrigo Duterte, haharangin ang kahit na sinong may kaugnayan sa Rappler. (BASAHIN: Rappler provincial reporters barred from covering Duterte's events)
Ayon sa media watchdog na Reporters Without Borders, bumagsak nang 6 na puwesto ang Pilipinas sa 2018 World Press Freedom Index. “The dynamism of the media has also been checked by the emergence of a leader who wants to show he is all powerful," ayon sa RSF.
Kinikitil daw ng liderato ng Pilipinas ang “dynamism” ng media. Ang lideratong tinutukoy ay si Pangulong Duterte, at nais daw niyang ipamukha sa lahat na siya’y “ganap na makapangyarihan." (BASAHIN: Philippines down 6 spots in 2018 World Press Freedom Index)
Gugunitain sa buong mundo ang World Press Freedom Day ngayong Mayo 3. Ang tema ay "Keeping Power in Check: Media, Justice and The Rule of Law" (Pagpapanagot sa Makapangyarihan: Media, Hustisya at Pangigibabaw ng Batas). (BASAHIN: #25SecondsForPressFreedom: Journalists explain why press freedom matters)
Ayon kay Christiane Amanpour ng CNN: “If we’re not free to report the truth, what fills the vacuum? Lies, fake news. And when we don’t have the truth, we have dictatorships." (Kung hindi tayo malayang makakapag-ulat ng katotohanan, ano ang pupuno sa kawalan? Kasinungalingan at fake news. At kung wala tayong katotohanan, mayroon tayong mga diktadura.)
Bakit takot ang mga diktador sa mga mamamahayag? Sinagot ito ni Amanpour: “The difference between democracies and dictatorships is truth and lies. That is what press freedom is all about.” (Kung paanong magkaiba ang katotohanan at kasinungalingan, ganoon ding magkasalungat ang demokrasya at diktadura.)
Ayon naman kay Femi Oke ng Al Jazeera: “Without safe journalism, there is no information. Without information, there is no freedom.” (Kung hindi ligtas ang pamamahayag, walang impormasyon. Kung walang impormasyon, walang kalayaan.)
Bakit ikamamatay ng kalayaan ang pagkitil sa pamamahayag? Dahil ang kalayaan mong ihayag ang iyong pananaw ay kakawing ng kalayaan naming maghayag ng katotohanan.
Ipagtanggol ang malayang pamamahayag. #DefendPressFreedom – Rappler.com