(Salin ni Anj Heruela ng SalinCatCat ng “Funds and power: 5 things we entrust the barangay officials we elect,” mula sa orihinal na Ingles ni Miriam Grace A. Go na unang nalathala noong October 27, 2013, at nilagyan ng bagong datos nitong Mayo 10, 2018.)
Sa aming barangay sa isang lungsod sa timog ng Metro Manila, may dalawang tumatakbo laban sa punong barangay sa Lunes, Mayo 14.
Nahalal noong 2013 ang nakaupong kapitan dahil inendoso ng matagal nang nakaupong punong barangay na matatapos na ang termino. Ang matatandaan lang halos sa panunungkulan ng chairman na iyon ay ang pag-iisyu ng barangay resident’s certificatesa sinumang may kailagan nito.
Iyong gusto niyang magmana ng kanyang puwesto, na siyang nanalo, ay mamang walang trabaho na dayo lang sa barangay. Makikita mo siyang nakikipag-inuman sa kalalakihang tambay sa kalye nila.
Noong panahong iyon, sinabi ng naunang kapitan na napagalitan niya ang naturang “kapartido” dahil hindi niya ginamit sa pangangampanya ang P6,000 na ibinigay ng kapitan sa kanya. Ginamit umano ito ng kandidato na pambayad sa eskuwelahan ng apo at para makabayad ng Meralco bill.
Pero ano’ng magagawa natin kung mga ganitong klase ng kapitbahay ang tumatakbo sa halalan?
Ang mga nakababata, nakapag-aral, at matitinong residente ng aming barangay may kanikanilang karera sa Maynila, o kung hindi man ay nagparehistro na kung saanman nakatayo ang kanilang mga condo sa siyudad. Maaari ring hindi nila maatim na manligaw ng boto mula sa mga kabarangay nilang sa pananaw nila ay masa mababa ang naabot kaysa sa kanila.
Baka iniisip kasi nating barangay elections “lang” naman ito. Gaano ba kasama kung ang iboboto natin ay mga taong walang karampatang kakayahan at hindi masyadong tapat?
Masamang-masama. Makikita natin sa Book III Title I ng Local Government Code kung gaano kasama.
Parang korte ang barangay kapag binugbog ka ng asawa mo o kung lumalagpas na sa bakuran mo ang bakod ng kapitbahay. Ito ang magsasabi kung dapat bang iakyat sa pulis o piskal ang reklamo mo.
Kailangan nilang bumuo ng development plan at budget, na inaasahan nating parang dokumento ng NEDA o basta mukhang opisyal na papel at may saysay naman.
May pakialam sila dapat para patigilin sa pagbi-videoke hanggang disoras ng gabi ang nakakabulahaw na kapitbahay. Hindi sila dapat basta-bastang nawawala kapag binabaha na ang kalsada, lalo na sa panahon ngayong may climate change na.
Maliban sa pagbibigay sa kanila ng kapangyarihan sa mga pang-araw-araw na alalahanin natin, para rin natin silang hinainan ng piging kapag tayo’y mga botanteng hindi maabala’t wala pakialam.
- Pagpapasya sa IRA
Dalawampung porsyento o 20% ng internal revenue allotment ang inilalaan para sa mga barangay kada taon. Galing iyon sa mga buwis na kinolekta ng BIR – ibig sabihin, ito ‘yung buwis na ibinabawas sa suweldo mo, o ‘yung libo-libong piso (o milyon, para sa iilan) na binabayaran ng inyong negosyo kada ikatlong buwan.
Ang IRA ay hinahati lamang para sa orihinal na 41,882 barangay na naroon na nang maipasa ang Local Government Code noong Oktubre 1991. May 42,044 barangay na ngayon. (Kung ang inyong barangay ay isa sa 162 na nabuo matapos ang pagpapasa ng Code noong 1991, ang inyong barangay ay kumukuha ng IRA mula sa mas mataas na local government unit o sa pamahalaang bayan or siyudad.)
Sa 2018, may P103.22 bilyon na internal revenue allotment ang ipahahawak natin sa lahat ng mga ihahalal nating opisyal sa Lunes, Mayo 14.
- Bahagi sa iba pang pondong nakalaan para sa local government units
Taon-taon sa General Appropriations Act, ang budget ng national government, ay may isang item na tinatawag na ALGU o allocations for local government units. Bukod pa ito sa IRA na awtomatiko nilang nakukuha. Ngayong 2018, may P58.4 bilyon ang ALGU.
Ang ALGU ay ang parte ng mga pamahalaang lokal mula sa mga buwis na nakolekta ng pambansang pamahalaan sa ilalim ng iba-ibang batas, gaya ng:
- Excise tax sa tabako o sigarilyo
- Nalikom sa paggamit ng natural wealth – katulad ng minahan at pinanggagalingan ng enerhiya – sa lugar na sakop ng LGU.
- Gross income taxes na ibinabayad ng mga negosyo sa economic zones na sakop nila
- Value-added taxes
- Special privilege taxes
Karamihan sa mga buwis na ito ay ibinabahagi lamang sa mga LGU na kinaroroonan ng nagbayad na establesimyento, operasyon, o produkto. Kung nakatira ka sa isang barangay na may geothermal plant, o economic zone, o tobacco harvest, tiyak na higit pa sa P1 milyon IRA ang pondong mapapaikot ng mga opisyal ninyo sa loob ng isang taon.
- Kapangyarihang maningil para sa mga inaakala nating “normal” na gawain
Alam ‘nyo bang puwedeng maningil ang barangay ng halagang base sa mga resibo ng mga tindahan na kanyang sakop? Kung meron kang kapitbahay na nagpapaarkila ng private pool, puwedeng-puwedeng kumolekta ang barangay ng bahagi nito sa kinita.
Kung gugustuhin nila, puwede silang maningil sa mga kabataang gustong gumamit ng basketball court ng barangay. Puwede nilang pagbayarin ang mga magsasaka kapag ginagamit ng mga ito ang bahagi ng kalsada para ibilad ang kanilang mga ani.
Di ba kayo nagtataka kung bakit inendoso ng barangay sa konseho ng siyudad ang pagpapatayo ng isang eskuwelahan sa isang residential na bahagi ng inyong barangay, kahit na maraming isyu tungkol sa panganib sa mga residente at sa trapikong idudulot nito?
Mahaba pa ang listahan ng mga posibleng pagkakitaan ng mga barangay na inihanda ing Department of Budget and Management.
Noong 2016, higit sa 10,000 reklamo tungkol sa korupsiyon ang inihain sa tanggapan ng Ombudsman. Walang dudang ang ilan sa mga iyon ay may kasangkot na barangay officials.
- Health insurance, scholarships, at awtomatikong civil service eligibility
Nakakakuha sila ng libreng Philhealth coverage habang binabayaran natin ang sa atin. Hindi na nila kailangang magbayad ng pang-matrikula samantalang kinakailangan pa nating mag-loan ng pang-tuition. Hindi na nila kailangang mag-civil service exam gayong mayroong paulit-ulit nang bumagsak dito. (READ: Perks of barangay officials)
Alam naman natin na mga benepisyo nila ito sa paglilingkod. Hindi natin puwedeng ipagkait sa kanila ang mga ito (maliban na lang kung babaguhin ang mga batas). Kaya nga kailangan nating siguraduhing ang mga ihahalal natin ay karapat-dapat na tumanggap ng ganitong mga benepisyo.
- Pagkakataong maging konsehal o provincial board member at gumawa ng batas
Pagkatapos ng bawat barangay election, nagtitipon-tipon ang mga nanalong punong barangay para naman ihalal ang mga magiging opisyal ng Association of Barangay Captains (ABC) o Liga ng mga Barangay sa kanilang lungsod o munisipalidad.
Hindi ito basta-bastang social clublang. Sinisikap ng iba-ibang kampong politkal – ang mayor, kongresista, gobernador – na maimpluwensiyahan ang resulta ng halalan dito. Sinasagot ang kanilang “accommodations” ng mga delegado, parang kapag panahon ng kampanya.
Bakit kaya? Dahil ang mahahalal na pangulo ng ABC ay itatalagang ex-officio municipal o city councilor. Tataas ang kaniyang suweldo at mararagdagan ang kaniyang mga benepisyo. Higit pa roon, makakaboto siya sa pagpasa ng mga ordinansa at resolusyon ng inyong siyudad o lalawigan na makakaapekto sa ating pang-araw-araw na buhay.
Mabanggit ko lang na ang mga resolusyon o ordinansang ito ay laging may kinalaman sa pera – perang kokolektahin sa ating mga residente (gaya ng bayad sa pagkolekta ng basura mula sa mga loteng malinis naman kaso nga lang ay bakante); o pera mula sa posibleng suhol (gaya ng pagre-reclassify ng lupang pansakahan para maging industriyal at nang matayuan ng mall ng isang retail giant).
Itong mga pangulo ng ABC ng mga munisipalidad at siyudad magbobotahan naman para magkaroon ng ABC president ng lalawigan. Ang mananalo ay uupo naman sa provincial board. Dagdag-kapangyarihan ay benepisyo na naman…. Alam ‘nyo na kung ano ang kasunod. – Rappler.com