Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

The working boy Tito, Department of Tulfos, gown ni Meghan, at iba pang butil ng kaalaman

$
0
0

 Unless nakatira ka sa kuwebang walang cable, wi-fi signal, at mabagal na unli-data, alam kong alam mo nang Senate president na si Tito Sotto. Parang kailan lang noong napanood mo ang Working Boys at Super Wan-tu-tri sa sinehan, noong TVJ pa sila, tapos ngayon, sa hierarchy ng pinuno ng pamahalaan, number 3 na ang prominenteng komedyanteng dabarkads. 

Sa pagkakataong ito, natutuhan ko ang mas malalim na kahulugan ng idiom na “he who laughs last, laughs best.” (WATCH: Rappler Talk: The goals and challenges of the Senate under Tito Sotto)

Halimbawang nasa isang nuclear bomb-proof shelter ka nga dahil nabalitaan mong dumako rito sa atin ang mga modernong H-6K bomber ng China na puwedeng magkarga ng nuclear warheads, alam kong hindi mo rin naiwasang mabalitaan kamakailan ang maaksiyong kinahantungan ng career sa pulitika ng action star na si Cesar Montano

Pinondohan at binayaran kaagad kasi ni Buboy ang big-time na karinderyang milyon-milyon ang halaga; na kaugnay nito, ang maaksiyong wakas ng career ng mga Tulfo sa gobyerno dahil din sa milyong-milyong pondong nasa kaban ng DOT o Department of Tulfos, este, Tourism. 

Alam mo na ito, na-frustrate ka, ikaw na naniwala noong epektibo ang magsumbong sa mga Tulfo. Hindi pala masyado.

Pero hintayin natin. Dahil sa bansang mahilig sa spiral trajectory ng buhay ng maaksiyong artista (aapihin, maghihiganti, aapihin uli, maghihinganti uli, magtatagumpay), makakaasa kang maaksiyong makababangon sa kinasadlakang buhay ang mga personalidad na lubos ang pananampalataya sa maaksiyong pangulo ng bansa. Parang pelikulang may gasgas na plot ang pulitika.  

Ilan lang iyan sa hindi mo maiiwasan, na sana mayroon kang natutuhan. At hindi lang iyan ang tinutukoy ko. Sa kabilang dako ng mundo, may nangyari ring parang pelikula.

Kilala naman ninyo kung sino ’yung ikinasal, di ba? Paki-Google ang “royal wedding” kung hindi pa rin gets. 

Matapos ang lahat ng viral at hashtag nitong mga nagdaang araw, silipin at kalikutin ang kaliit-liitang detalye sa kasal at ancillary moments and stories, ito ang ilang natutuhan kong baka hindi mo pa rin alam.

Ang shushal na kompanyang Givenchy ang tumahi sa traje de boda ni Meghan Markle, ang ngayo’y dukesa ng Sussex. Idinisenyo ni Clare Waight Keller ang traje de bodang boatneck white silk gown (nag-Google lang ako, wala talaga akong alam sa design ng mga gown, hi hi). Pero alam na ninyo ito siguro.

So itinuloy-tuloy ko na ang pagtunganga sa harap ng smartphone habang may free data pa ako. 

Pinuntahan ko ang website ng fashion company na itinatag ng Pranses na si Count Hubert James Marcel Taffin de Givenchy. Nakabase sa Paris ang global company, and knowing Paris kapag fashion, hindi ito London, Tokyo, Sanfo, o lalo Divisoria. Top-of-the-line fashion city ang Paris. Hindi natin makukuha nang pahulugan pang-direct marketing ang mga damit at accessories dito. Converted to peso, P90,000 ang halaga ng isang jacket na pula. Pang-downpayment na sa low-cost housing. Medyo mahal. Pero royalty naman talaga ang ikinasal. 

Pero alam kong alam na ninyo rin ito, na hindi ito Disney-engineered fairy kuwento replete with nagsasalitang kandelabra at karwaheng kalabasa. 

Heto, baka hindi pa ninyo alam. May bisitang nagpa-bidding sa natanggap na goodie bag sa eBay. Own a piece of royal history ang peg. Ang laman ng goodie bag na souvenir sa kasal: chocolate coin, ref magnet, mapa ng Windsor Castle, isang boteng inuming tubig (!), guest badge, discount voucher (sa kung saang sosyal na tindahan marahil), at isang latang biskuwit. Hindi nakapagtatakang may imitasyon na rin ng goodie bag na ibebenta kung kaninong uto-utong gustong umangkin ng royalty history. Well, dahil iyan sa banal na ngalan ng kapitalismo at cultural appropriation.

Kung gusto ninyong mag-bid, hanapin ninyo sa eBay ang royal wedding goodie bag. Huwag naman kayong umasang ipapa-bid ang traje de boda ng bride.  

Speaking of traje de boda, wedding gown ang mabilis na salin niyan sa Ingles. Damit pangkasal sa Tagalog. Pero tanggap na rin ang “traje/trahe de boda” sa Filipino. Iyong salitang “boda” ay hindi naman literal na kasal ang ibig sabihin. Sa Latin na salitang “vota” galing ang “boda.” Vow ang “vota.” Pangako. Sumpaan.  

Ang traje/trahe ay salitang Español para sa “trail” o “drag.” Iyong mahabang damit na hinahatak ng may suot, iyong trahe de boda nga. Damit na isinusuot sa sumpaan, ang kasal. Dahil ang sumpaan, basbas, at pirmahan naman talaga ang mga highlight ng kasal. Hindi ang damit, hindi ang handa, hindi ang mga bisitang artista. Ni hindi ang halik o singsing at cake. 

(Minsan, may ibang kahulugan ang trahe sa kasal. Trahe, trahedya ang kasal. Gosh, ang corny ng joke ko.) 

Well, bukod sa mga iyan, natutuhan ko ring mag-appreciate ng mga nakapatong sa ulo ng guest. Mapasombrero o headdress. Malinaw na nakasulat sa imbitasyon ng royal wedding, in an elaborate script font, ang “Dress: Uniform, Morning Coat or Lounge Suit Day Dress with Hat.” 

Staple ang sombrero sa kultura ng mga British lalo na sa mga royal event, at lalong-lalo na sa royal wedding. Sikat din ang sombrero kapag may karera ng kabayo.  

Sa royal wedding na ito nalaman kong ang pinakapopular at sosyal na designer ng sombrero, o milliner, ay sina Philip Treacy, Rachel Trevor Morgan, Stephen Jones, Jane Taylor.

Ang hat ay pupuwede ring tawaging fascinator kapag walang brim, o iyong parang nakalabas na alulod ng yero.  

Sa isang panayam ng lifestyle magazine na Slate sa nangungunang milliner na si Janie Lawson, sinabi niyang ang “fascinator is usually created by using an 11-centimeter diameter round base and then adding feathers and fabric flowers and beading and veiling.” 

Kaya kung nakapanood kayo ng dumalo sa kasalan na parang may rice terraces o cell site sa sombrero, fascinator ’yun. Kasi fascinating? 

Hayan, kung saan ninyo gagamitin ang kaalaman na ’yan, hindi ko na alam. Dahil ang totoo, puwede naman tayong mag-ipon ng talino kahit hindi natin alam kung kailan natin gagamitin. Dahil ang solusyon sa mga kinakaharap nating suliranin sa buhay para mag-survive ay hindi parang quiz o exam, na dapat pasado ang marka.

At saka, malay mo, maging senador ka balang araw. Kailangan mo ng talino at kaalaman. Kailangang-kailangan. – Rappler.com 

Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, and research sa Unibersidad ng Santo Tomas, writing fellow din si Joselito D. De Los Reyes, PhD, sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies at research fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Board Member siya ng Philippine Center of International PEN. Siya ang kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Literatura ng UST.

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles