Flashback. "Hindi ako mangangako ng paraiso, pero sisikapin kong itigil ang korupsiyon." 'Yan ang sumpa si President Duterte noong kumakandidato pa siya. "Sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan, magwawakas ang katiwalian sa gobyerno." (PANOORIN: Duterte: Say 'No' to corruption)
Fast-forward. Andiyan si Cesar Montano, and nagbitiw na pinuno ng Tourism Promotions Board na pumirma sa isang P80-milyon sponsorship deal. 90% na ang bayad sa advertising firm samantalang matagal pa bago makumpleto ang proyekto.
Andiyan din si Wanda Teo, ang nagbitiw na kalihim ng Department of Tourism. Kinuwestiyon ng Commission on Audit ang P60 milyong ad placements ng DOT sa TV show ng kaniyang mga kapatid na Ben at Erwin Tulfo. Ayon sa magkapatid na Tulfo, ibabalik nila ang P60 milyon.
'I will skin them alive'
Labing-anim pang opisyal ang sinibak ng Pangulo. Laging may pahaging si Duterte tungkol sa exit nila. 'Di raw puwede ang kalokohan nila. (BASAHIN: Duterte’s fight vs corruption: 16 sacked execs face no charges)
Peter La Viña, dating hepe ng National Irrigation Administration chief. Nanghihingi umano ng 40% na komisyon sa NIA regional projects.
Ismael Sueno, dating interior secretary. Nagpatong umano sa presyo ng trak galing Austria at tumanggap umano ng suhol mula sa gambling lords.
Jose Vicente Salazar, dating Energy Regulatory Commission chairman. Sinibak dahil umano sa "simple and grave misconduct" na "may elemento ng korupsiyon."
Gertrudo de Leon, dating budget undersecretary. Nag-alok umano ng mas mataas na budget allocation sa mga ahensiya ng gobyerno basta meron siyang "cut."
Dating mga opisyal ng Social Security System na sina Jose Gabrial "Pompee" La Viña at Amado Valdez. Inabuso umano ang pampublikong kaban.
Dating labor undersecretary Dominador Say, na nagbitiw para unahan ang pagsibak kanya. Mainit ang mata ni Digong sa kanya dahil umano sa korupsiyon kaugnay ng labor recruiters.
Dating Dangerous Drugs Board Chairman Dionisio Santiago. Dating mga opisyal ng Presidential Commission for the Urban Poor na sina Terry Ridon, Melissa Aradanas, Manuel Serra Jr, Noel Indonto, at Joan Lagunda. Dating chairman ng Development Academy of the Philippines na si Elba Cruz. Dating administrador ng Maritime Industry Authority na si Marcial Amaro III. Dating chairman ng Commission on Higher Education na si Patricia Licuanan. Lahat sila'y sinibak dahil umano sa maluho o labis na biyahe sa ibang bansa.
Andiyan din ang kaso ng dating hepe ng Bureau of Customs na si Nicanor Faeldon, na humaharap sa kasong graft sa Ombudsman pero na-reappointed pa rin bilang deputy administrator ng Office of Civil Defense.
Ayos na ba dahil magsasauli ng pera ang mga Tulfo? Okay na ba dahil ilang oras ding nag-usap ang Pangulo at si Wanda? Bakit siya binigyan ng graceful exit? Kalimutan na ba dahil may delikadesa namang mag-resign si Montano?
Bakit dalawa sa 16 na sinibak dahil sa umano'y korupsiyon ang na-reappoint pa? Bakit na-reappoint pa si Faeldon gayong may pending na kaso siya?
Anong nangyari sa "babalatan ko sila nang buhay" na banta ng Pangulo?
Deodorant
Dahil hindi inihabla ang mga umano'y tiwaling opisyal na ito, na-deororize ang kanilang nangangalingasaw na reputasyon. Kung totoo ang mga paratang ng mismong Pangulo sa kanila, malaya na naman silang mang-swindle, magbenta ng kaluluwa ng mga OFW, at magnakaw sa kaban ng bayan sa ibang paraan.
Sa antas ng reporma, may hakbang na ba na para tapalan ang mga kahinaan ng sistema, tulad ng pagkitil sa maluluhong junket?
Paano na ang mga katulad ni Licuanan, na nagsasabing napulitika siya ng mga commissioner? Paano na si Santiago, na natanggal sa puwesto matapos pintasan ang higanteng drug rehab facility na pinondohon ng isang bilyonaryong Tsino? Wala silang pagkakataong linisin ang pangalan nila sa harap ng isang husgado. Wala silang napala sa paglilingkod sa bayan at kay Duterte kundi paninirang-puri at pangungutya.
Paano na ang golden boy na si Solicitor General Jose Calida na nagpatalsik kay dating Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa pamamagitan ng inimbentong quo warranto na kabaluktutan ng Konstitusyon? Nahaharap siya sa bintang na pakikipagnegosyo sa mismong ahensyang kinabibilangan niya, ang Department of Justice (DOJ), habang malaki pa ang pag-aari niya sa kumpanya ng kanyang pamilya. (BASAHIN: Calida firm bags P150M in deals from gov't, including DOJ)
Mapapatalsik ba siya? O tuloy ang ligaya ni Calida?
Nabanggit na rin lang ang DOJ, paano na ang isa pang dating golden boy at henchman ni Duterte na si Vitaliano Aguirre II, na sa minimum ay maaaring guilty ng kapabayaan nang palusutin ang desisyon ng mga prosecutor na ilaglag ang habla laban sa mga drug lord? Mukhang maliit na bagay lang ang negligence at puwedeng i-forgive and forget. Mukhang naitaas na niya ang kanyang kilikili upang ma-deodorize. (BASAHIN: Duterte accepts resignation of Aguirre)
Mga ginoo at binibini, ito ang zero corruption, Duterte-style. Kamay na bakal ang tumitiris sa mga durugista habang sedang guwantes ang humahaplos sa mga korap na tulad nina Teo at Montano. Irere-appoint ang mga paborito at pinagkakautangan ng loob. Kapag nabulungan na korap si ganito at korap si ganyan, papatalsikin nang walang imbestigasyon.
Walang proseso. Walang accountability. Walang rule of law. Ang pinakamasakit: tuloy ang katiwalian. At ang nabokya ay ang hustisya. Ang na-zero ay ang inang bayan. – Rappler.com