Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] All you NEDA is love

$
0
0

Gaya ng gasgas na gasgas nang paglalarawan, nagbabaga ang pagsulpot ng balitang ayon diumano sa isang opisyal ng National Economic and Development Authority (NEDA), sa isang press briefing na isinagawa ng ahensya kamakailan, sapat na raw ang halagang P10,000 para disenteng mabuhay ang isang pamilyang may 5 miyembro.  

Natural, inulan ang NEDA ng batikos – mostly in the form of absurd computation of daily living allowance and enormously funny memes teeming with searing sarcasm (ang unofficial na narrative technique ng social media) at good ol’ fashion mura. (READ: FACT CHECK: NEDA didn't say family of 5 can live decently on P10,000 a month

Nag-trending din ang isyu syempre. May naglabas pa nga ng "NEDA-Challenge" a la reality show na Big Brother at Amazing Race, iyong naghahamong mag-budget ng P10,000 ang mismong mga opisyal ng NEDA at mga pulitikong nagswi-swimming sa kapal ng suweldo at allowances na mula sa buwis ng taumbayan.  

Tapos, may nakatutok na camera – o kahit FB Live lang – para masaksihan natin kung gaano ka-realistic ang P10,000 “disenteng” pambuhay sa typical Juan de la Cruz household. At gaya ng kahit anong reality show, unrealistic na iiyak, mahihirapan, susuko para makabalik na sa kinasanayang disenteng buhay na malayong-malayo sa P10,000 kada buwang budget. Thereby mas magiging reasonable na ang economic managers, tataas na ang suweldo ng mga pinakaabang obrero, bababa ang presyo ng bilihin dahil sa realization na mahirap mabuhay sa halagang P10,000. 

Asa pa kayong papatulan. Hindi na kayo nadala. 

Hanggang ngayong isinusulat ko ito, dalawang araw matapos ang kontrobersyal na press briefing ni NEDA Deputy Director General for Policy and Planning, Rosemarie Edillon – na, mind you, may doctorate sa economics sa isang unibersidad somewhere Down Under – buhay na buhay at nanggagalaiti pa rin ang newsfeed at AM radio ko hinggil sa isyung ito.  

Kinailangan pang mag-isyu ng statement ng mismong director general ng NEDA, si Secretary Ernesto Pernia, na malayo ang ginamit na halaga ng kaniyang ayudante. Ayon kay Sec Pernia sa isang panayam, naglalaro sa P40,000 ang halaga ng monthly income para matawag na disente ang pamumuhay ng isang tipikal na pamilyang Pinoy.

Samantala, kailangan ding ipahayag muli ng NEDA ang resulta ng kanilang ginawang pag-aaral sa ilalim ng “Ambisyon Natin 2040,” na nagsasaad na kailangan ng isang pangkaraniwang pamilya ang umaatikabong halagang P120,000 buwanang suweldo para matawag na simple at marangal ang pamumuhay. (READ: How much does a family in the PH need to live decently?)

Hindi nakapagtataka ang mga naglabasang paglilinaw. Nasaling kasi ng NEDA ang isang usaping literal na malapit na malapit sa bituka ng mga Pinoy: pagkain, pabahay, pamasahe, halaga ng kuryente, mga batayang pangangailangan ng bansang itong naglulunoy sa kahirapan at pagpapahirap. 

Forget build, build build. Kalimutan na rin ang feuding Mocha at Kris. Kebs sa depensa ni Gatchalian, Panelo, at Roque sa kissing prexy. Sige, ano ba naman kung 3-0 na ang GSW kontra LBJ et al? Kapag usapin na ng pang-araw-araw na budget at pagkain, na kesyo kaya na sa P10,000, buhat sa bunganga at isip (or the lack thereof) ng siguradong hindi P10,000 ang monthly budget, nakakapag-init talaga ng bumbunan.

Sa ating kultura, kung hindi lehitimong pakikisimpatiya at pakikiramay ang sasabihin sa kalunos-lunos na kalagayan ng buhay, nagmumukha lang itong thinly-veiled na insulto. Lalo’t ang mga damuhong nagsabi (o nagkuwenta, as the case of NEDA) ay detached sa realidad. 

Kaya raw mabuhay sa kakarampot na halaga, pero ang nagsasabi sa iyo nito ay mukhang hindi nangungupahan sa barong-barong, hindi nararanasang mag-commute man lang kahit paminsan-minsan, hindi nakikipagbalyahan sa MRT, hindi napuputulan ng kuryente, hindi bumibili ng tingi-tinging gatas, hindi nagsasaing ng bukbuking bigas, hindi nag-uulam ng mamisong tsitsirya at instant noodles, hindi nae-endo o sumusuweldo nang arawan.

Kung hindi naman nila dinaranas ni naiintindihan ang ganitong uri ng pamumuhay, hindi ba ito insulto?

Pero kung meron mang magandang idinulot ang balibalitang ito, iyon ay ang galing at diskarte nating kumuwenta at magkuwento. 

Matapos marinig ang balita, nagsimula ang kuwenta rito, kuwenta roon. Hindi raw pala poor ang pamilyang may P10,000 monthly budget ha, tingnan natin. 

Nag-divide dito, multiply doon, addition dito, subtract doon, na para bang nagbalik ang marami sa atin sa kinamumuhian nating elementary mathematics. But this time, to assert a point. A real and sensitive point.

At, oo, malamang, bunsod nito, kaya maraming natauhan sa totoong breakdown sa gastos ng kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Na malamang din ay hindi ginagawa bago ang NEDA’s "hypothetical" computation. 

Sinabi kasi ng NEDA na halimbawa lang daw ang halagang P10,000. Hypothetical. Para lang maipakita ang umano'y minimal na epekto ng inflation rate, para mas madaling maintindihan ng taumbayan ang masalimuot na agham ng ekonomiya – na batay sa reaksiyon ng taumbayan at mga pulitikong nakisakay, hindi siyempre nangyari.

Hindi ko masisi ang NEDA people. Paano nga naman nila ipaliliwanag, paano nga naman kikinisin ang magaspang na epekto raw ng buwis bunsod ng Train Law? Ano ang (minimal na) epekto ng mataas na inflation rate sa karaniwang pamilyang Filipino? 

Bagay na maaasahan mo mula sa economic team ng pamahalaan iyong magsasabing, hey, okey lang 'yan. Hindi 'yan masakit. Hindi ka naghihirap.

Ako man ang nasa sitwasyon ng NEDA, mahihirapan akong ilatag, in layman’s terms, ang teknikal na paliwanag ng ekonomiya, ang highly-specialized na jargon, lalo’t umaaray naman talaga ang sambayanan.

Oo nga ano, magkano nga ba ang pamasahe araw-araw? Magkano nga ba ang gastos sa kanin at ulam kapag na-multipy sa isang buwan? Ang renta sa bahay? Load sa cellphone, kuryenteng pang-charge at para sa ilaw at bentilador? Magkano ang para sa damit at baon?

Mahirap naman kasing itaas ang “hypothetical” budget palayo sa minimum wage, say, P20,000 o P30,000? Lalong hindi makatotohanan. Kaya, hayun, para madaling maintindihan sana kung gaano tayo kagaling sa math, P10,000. Sumabog nga lang ang isyu dahil sa pang-iinsulto.  

Dahil sa backlash, lalong naging glaring lang kung gaano ka-disengaged sa katotohanan ang mga opisyal ng NEDA. Mabuti sana kung matututo silang tumapak uli sa maalikabok na lupa dahil dito. Hindi lang iyong puro economic jargon at numero. 

Napag-uusapan na rin lang ang hypothetical, might as well, panindigan na natin. Baka naman talagang pag-ibig lang ang kailangan? Dahil, noon pa man, marami nang nagsasabing pag-ibig lang ang kailangan para mabuhay: All you need is love. Love will keep us alive. Love will keep us together. Can’t buy me love. Huwag lang magpapasobra dahil, too much love will kill you as well. 

Sa totoo lang, bakit ang dali nating mag-joke at makalimot? Kasi siguro dahil sa pabalik-balik na gutom na hindi kayang itago ng hypothetical figures. – Rappler.com 

Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, and research sa Unibersidad ng Santo Tomas, writing fellow din si Joselito D. De Los Reyes, PhD, sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies at research fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Board Member siya ng Philippine Center of International PEN. Siya ang kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Literatura ng UST.

*Ang mga imaheng ginamit ay mula sa Shutterstock. 

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles