Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Tayo nang maglaro ng Chinese barter

$
0
0

 

Hindi ko alam kung paanong naging Chinese ang larong Chinese garter, o iyong larong may goma o garter na nakabanat, hawak o nakatali sa katawan ng dalawang bata, at niluluksuhang pataas nang pataas ng mga paslit na contortionist, babae man o lalaki. Hindi ko rin alam kung talagang galing sa Canton ang paborito kong pansit bearing the name, o ang lumpia, kung talagang sa Shanghai nga ba nagmula.

At least alam kong may masarap na pansit sa Malabon na kung tawagin ay pansit Malabon, kahit pa sa Marikina ko nabili at kinain. May ensaymadang Malolos, longganisang Lucban, may bagoong Balayan, maganda ang tsinelas mula Liliw, Laguna at marami pang ibang place-specific na tsibog o produkto.  

Masayang laro ang Chinese garter. Well, hindi talaga ko naglaro, pero mukhang masayang laro batay sa panonood ko noong bata ako. 

Paumanhin kung medyo regionally at racially charged ang isinusulat kong ito. Gusto ko lang kasing balikan at muling bigyang pansin ang halos nakalimutan nang usapin, at ang medium ng nangyaring "kalakalan" o trading ng mga kababayan nating mangingisda sa Panatag (Scarborough) Shoal

Barter? Bagong laro?

Hindi ko na kailangang uminom ng pang-middle class na gatas para matandaan ko ang detalyeng ito noong bata ako. Dahil namangha, hindi na nawaglit sa memorya ko noong bata pa ako – Grade 5 yata sa Coloong Elementary School – ang ayon sa 1980s edition ng Guiness Book of World Records ay ang pinakamalaking barter trade, in terms of price and magnitude, sa kasaysayan ng mundo. Ito ay ang pagpalit ng sampung jumbo jet ng kompanyang Boeing ng Estados Unidos kapalit ang ilang bilyong bariles ng langis na galing naman sa Saudia Airlines, ang gagamit ng sampung eroplano. 

Wow, nagkasundo silang magpalit ng ganoong karaming produkto!

Hindi na nawaglit sa alaala ko ang panggigilalas sa ganoong kalaking palitan o barter. Pero habang isinusulat ko ito, nakabukas ang multiple tabs sa aking laptop, naka-log ako sa internet at kahit anong kalikot ko, kahit anong browse, hindi ko makita sa internet ang sinasabi ko. Eksklusibo na yata sa libro. Iyong makapal. 

Simple lang naman. Sa dictionary meaning nito, ang barter ay nangangahulugan ng palitan ng goods o services, produkto o serbisyo, kapalit ng iba pang goods or services nang hindi na ginagamitan ng pera, anumang currency ito. Kapag ginamitan ng pera, bentahan na ang tawag dito. Kung sa serbisyo, upa.  

Pero ang hindi binabanggit sa depinisyong ito ay ang mas malalim na elemento ng pagpapalitan. Mas malalim na elemento maging ng bentahan o pag-upa para sa serbisyo. Ang elemento ay ang pagkukusang-loob na pailalim sa transaksyon; ang kalayaan ng transaksyon, ibig sabihin, malaya siya para tumanggi o sumang-ayon sa transaksyon.   

Malayang palitan?

Mahilig ako sa mga lumang relo o vintage watch. Marami akong Facebook group na kinabibilangan. Nagbebentahan kami doon ng lumang relos. Nagpapalitan ng impormasyon kung paano pangangalagaan ang mga pabebeng relos na natural, maselan, madaling masira.  

Nagpapalitan kami ng kaalaman kung sino ang magaling gumawa ng relos. At minsan, nagpapalitan kami mismo ng relos. At sa diwa ng barter trade, minsan, nakipagtransaksyon na rin ako ng relos kapalit ng mga libro. Literal na libro na inakda ko. 

Maluwag na tinanggap ito ng katransaksyon ko. Maluwag din sa akin. Sino ang nakadehado at nakaliyamado? Walang ganyan sa barter trade. Pipiliin mo ang ipagpapalit, pipiliin din niya ang manggagaling sa iyo. Kapag ramdam ng isa man sa barter trading partner na hindi katumbas ng kaniyang ipagpapalit, kapag lugi, pwedeng umayaw sa palitan. Kapag ayaw, e 'di ayaw. Ganyan ang prinsipyo ng palitan.

P'wede bang ipagpalit, halimbawa, ang mumurahing relos sa kotse? Hindi ba lugi sa palitan? Again, kung malaya at kusang-loob, bakit hindi?

P'wede bang ipagpalit ang lumang relos sa serbisyo ng tao? Bakit hindi, kung malayang sinang-ayunan ng magkabilang panig. 

Maraming variation sa tawag ng barter trade: swap, palitan, ex-deal, etc. Pero lahat ng ito ay dapat nakasalig sa kusang-loob at kalayaan sa pakikipagtransaksyon. Hindi napipilitan, hindi natatakot o tinatakot. 

Kaya nang sumingaw ang balita noong isang araw hinggil sa mga kababayan nating mangingisda na kinuhanan – later, after much explanation and presscon from the Palace, nakipagpalitan o nakipag-barter daw– ng produkto ng Chinese Coast Guard, nakita ng marami sa atin ang paraan ng "palitan" ng produkto. Well, kaya ito ang tinatalakay ko.

Maliit na halaga ng produkto ang kasangkot dito. Ano ba naman ang ilang piraso ng isda o instant noodles o kaha ng sigarilyo o bottled water na ipinalit diumano sa isda? Bakit pa ba pinag-usapan? Bakit pa pinagkaabalahan? Bakit pa kailangang magpa-presscon? 

Dahil bukod sa malaking usapin ng soberanya sa teritoryo, sa likod ng ilang kilong isda kapalit ng instant noodles o bottled water ay ang binabanggit ko: kalayaan at kusang-loob. Willingness. 

Gaya ng sinasabi ng paborito kong Asec ng Palasyo, simbolismo. Simbolismo itong tiyak.

Isinisimbolo ng "ipinagpalit" na pinaghirapang hulihing isda ang kung anong mayroon tayo... sorry, kung anong wala pala tayo. Leverage. May armas ang nakipagpalit, may malalaking barkong pandigma. Lalo pa't kasama na sa standard na linya ng Pangulo ang posibilidad ng makipaggiyera sa Tsina (at ang kawalang kakayahan nating tumutol dahil wala tayong armas para makipaggiyera) kapag tinutulan natin ang anumang balak nilang pagkamkam. O sa puntong ito, anumang balak nilang makipag-barter ng isda kapalit ng sigarilyo, kapalit ng kahit anong kanilang maibigan. Dahil bawal silang tutulan dahil wala tayong kakayahang makipaggiyera.

Sa huling isda at ang "pakikipag-barter" sa Chinese Coast Guard makikita at mararamdaman kung sino tayo. Kung ano na tayo. Na lagi nang kinokompirma ng ating Pangulo. At hindi ito larong-bata.  – Rappler.com

Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, and research sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST), writing fellow din si Joselito D. De Los Reyes, PhD sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies, at research fellow sa UST Research Center for Culture, Arts, and Humanities. Board Member siya ng Philippine Center of International PEN. Siya ang kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Literatura ng UST.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>