Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Tungkol kay Adan, Eba, at pananampalatayang Katoliko

$
0
0

Duterte photo courtesy of Malacañang

Ang binatikos ng Pangulo ay ang sarili niyang interpretasyon sa Bibliya. Hindi naman ganoon ang turo ng pananampalatayang Katoliko. Sigurado akong hindi ganoon ang turo sa catechism ng mga religious education teachers ng Ateneo at San Beda. Baka absent siya nung i-explain ng teacher. 

Ang Adam and Eve story ng Book of Genesis ay nasa Bibliya, hindi lang ng mga Katoliko. Nandu'n din ito sa Jewish Bible, Protestant Bible, Orthodox Bible, at Iglesia ni Cristo Bible. Nagkakaiba lang sa interpretasyon. 'Yung paraan ng interpretasyon ng Pangulo ay may pagka-fundamentalist. Napakalayo tuloy sa ibig ipahiwatig ng malalim na palaisipan na nakapaloob sa salaysay ng Genesis Chapter 3.

Tungkol ito sa taong nilikhang malaya ng Diyos at may kakayahang gamitin ang kalayaan sa mali. Palaisipan nga kasi ang kuwento. Alam din ng manunulat na walang ahas na nagsasalita sa totoong buhay. (The text is literary, not literal.) Matalinghaga ang lengguwahe niya. Wala ring sinabi ang Bible na nilikhang "perfect" ng Diyos ang mundo. Hindi rin sinabi na pinadala ng Diyos ang ahas para tuksuhin si Eba. Saang Bibliya kaya niya binasa iyon? 

Ang kasalanan ay hindi lang tungkol sa pagkain ng isang bawal na bunga (wala ring binabanggit na mansanas sa kuwento) na nagdulot daw ng malisya. Ito'y may kinalaman sa pagnanasa ng tao na "maging katulad ng Diyos," o "magdiyos-diyosan."

"But the snake said to the woman: 'You certainly will not die! God knows well that when you eat of it your eyes will be opened and you will be like gods, who know good and evil.'" (Genesis 3:4-5)

Dito madalas natutukso at nahuhulog ang tao. Ganito ang nangyayari sa taong nahuhumaling sa kapangyarihan. Imbes na matulad sila sa Diyos, mas lalong nalalayo sa anyo ng Diyos.

Itong karupukan na ito ang taglay nating lahat sa ating pagkatao. 

"For just as in Adam all die, so too in Christ shall all be brought to life…" (1 Corinthians 15:22)

Ang bagong Adan para kay St Paul ay si Hesus.

"So, too, it is written, 'The first man, Adam, became a living being,' the last Adam a life-giving spirit." (1 Corinthians 15:45)

Sa pagpapakumbaba at pagbubuhos ng sarili lamang nakakatulad ng tao ang Diyos (Philippians 2). Ito ang ibinigay na halimbawa ni Kristo, ang Anak ng Diyos na nagkatawang-tao, at naging bagong Adan, huwaran ng bagong sangkatauhan.

May ikinuwento ang Pangulo sa Korea na nang-abuso sa kanya noong bata pa siya. Baka kailangan niya ng tulong para ma-process 'yung trauma na naranasan niya at nagiging dahilan para maging ganoon ang pananaw niya sa relihiyon, sa Katoliko, sa mga pari. Meron naman talagang mga makasalanan sa Simbahan, pero meron ding nabubuhay sa tunay na kabanalan at kabutihan. Ang mga nang-aabuso ay dapat papanagutan. Pero hindi tama na kundenahin ang buong Simbahan sa pagkakasala ng ilan.

Paano siya magiging Pangulo para sa lahat ng Pilipino kung wala siyang paggalang sa mga mananampalatayang Katoliko?

Karamihan sa supporters niya ay Katoliko din, 'di ba? Igagalang naman siya ng mga Katoliko kahit hindi siya sumang-ayon sa pananampalatayang Katoliko. Pero ang hindi pagsang-ayon ay hindi lisensya para mang-insulto.

Iginagalang ng mga Katoliko ang tungkulin ng Pangulo, at ang mandato niya bilang Pangulo. Sana igalang din niya ang mga Katoliko kahit hindi siya sumang-ayon sa doktrina ng Katoliko. – Rappler.com

Obispo ng Caloocan si Pablo Virgilio David. Bise-presidente rin siya ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines.

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>