Hunyo 23, visperas mayores ng kapistahan ng mga pintakasi ng aming parokya, San Pedro at San Juan. Isa ako sa mga mapalad na nakadalo sa misa alay sa mga laykong lingkod ng simbahan, dahil sa oras din na iyon ay papasinayaan at babasbasan ang mga bagong lingkod ng Sangguniang Pastoral (PPC), kabilang ako.
Maliban sa panunumpang magaganap, ang homiliya ni Obispo Pablo Virgilio David ang isa sa aking pinakahihintay. Ito ang aking unang karanasan na makapakinig sa kanyang misa. Sa aking excitement ay nakalimutan kong buksan ang aking cellphone at i-record ang kanyang sermon. Ngunit ipinag-kibit ko na lamang ito ng balikat dahil “seize the moment,” ’ika nga.
Nagsimula ang kanyang momiliya sa pagbibigay-pugay kina San Pedro at San Juan bilang mga ebanghelista at mga tunay na alagad at kaibigan ni Hesus. Ibinahagi niya ang nakasaad sa sulat ni Juan (21:7-19), tungkol sa panahon na nabasag ang “katahimikan.”
Katahimikan. Nagkaroon ng ika nga’y “awkward silence” sa pagitan ni Hesus at ng kanyang mga alagad. Lalo na kay Pedro. Sino ba naman ang matutuwa at makaiimik kung makita mo ang kaibigang pinagtaksilan mo? Ngunit sa kabila ng lahat na ito, binasag mismo ni Hesus ang katahimikan at siya ang nagtanong kung tunay na mahal siya ng kanyang nagtatwang alagad. “Reinstatement of Peter by Jesus, forgiving but stern.” Nanumbalik ang kanyang paglilingkod at pagpapatuloy sa pagpapahayag ng Mabuting Balita.
Napunta sa panibagong diskurso nang ikuwento ni Bishop Ambo na umaga ng araw na iyon ay may isang taga-media na nag-text sa kanya, hinihingi ang kanyang panig tungkol sa panibagong komento (patutsada, marahil) ng Pangulo laban sa Simbahang Katolika.
“Ano na naman kaya iyon?” ang sabi ko.“Hindi na muna ako magbibigay ng komento. Hindi ko pa kasi alam o nababasa iyon.”
“Pagkatapos kong matanggap ang text na iyon, pumunta ako sa Youtube. Ayun, nakita ko. May bago nga siyang sinabi. Alam ’nyo, kapag nanonood at nakikinig ako sa sinasabi niya, pino-pause ko kada linya niya. Sinusulat ko ang bawat sinabi niya. Bawat linya, bawat mura. Parang punyal na tumatarak sa aking kalooban. Gawing katatawanan ang paniniwala ng Simbahang Katolika. Kinakampihan daw ang mga adik, kriminal. Nananangis ako sa kaparian, para sa Simbahan.”
Hindi ako makaimik.
Walang nakaimik.
Katahimikan ang bumalot sa buong Simbahan.
“Aaminin ko. May mga [abusanteng] kaparian at lider sa Simbahan. At sa bawat panahon sa kasaysayan, mayroong ganyan. We won’t deny that the Catholic Church is a church of saints and sinners!”
Bumigat ang kapaligiran. Sinabayan ang pagtangis sa pagpatay sa tatlong pari sa mga nakalipas na linggo. Ngunit ang maririnig lamang ay panibagong patutsada. Mura. Pambabatikos. (READ: After priest killings, Duterte again threatens Church leaders)
“Dumaan ang mga hari, emperador, imperyo, diktador. May mga pagtuligsa sa Simbahan. Lumipas ang lahat ng iyon, pero ang Simbahan, nananatiling matatag. Hindi kasi kaming mga pari ang nagtatag nito,” pinaliwanag niya. “Ang Diyos.”
“Pagkatapos kong isulat ang aking magiging komento, pumunta ako sa chapel. Nagdasal, nagbuntong-hininga, nanahimik. Napagtanto ko na mahalaga sa mga panahong ito ang manahimik. Ngunit may panahon para manahimik. May panahon para magsalita.”
Nang matapos ang kanyang homiliya, isang bagay lang ang pumasok sa isip ko: naihambing ko ang aking sarili sa taong iyon na mula sa media. Nagtataka. Naghihintay ng kasagutan. Ano ang katotohanan? Naisip ko na bilang coordinator ng multimedia ministry ng aming parokya, kinakaharap ko ngayon itong itong hamon para sa ating mga katawan at sa mga taga-mass media na huwag manahimik sa panahon ng opresyon at maging tikom at bulag sa katotohanan. May panahon para basagin ang katahimikan, may panahon para magsalita. (READ: [OPINION]: We must not keep quiet)
At ngayon na ang panahon na iyon.
Hindi ko man na i-record ang buong homiliya at natandaan ang bawat eksaktong salita, ngunit tumatak sa akin ang mga katagang kanyang binitawan, dahilan upang isulat ang pagninilay na ito. ’Ika nga ng aming kura paroko, Reb. Padre Rey Amante: “Bawat haring [abusante] at baliko ang pamamalakad, may ipinadadalang propeta ang Diyos. At naniniwala ako na ang ating Obispo, Bishop Ambo, ang propetang iyon.”
Maraming salamat, Bishop Ambo. Ipupunla ko sa aking sarili ang mga aral na ito. – Rappler.com