Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Kasama tayo sa laban para sa mental health

$
0
0

  

 

 Isa sa sikat na salita pero di-kilala sa diksiyonaryo ang “mental.” Kung sa Ingles, ito ay isa lamang pang-uri; sa Filipino, ito ay isang pangngalan.

Hindi lamang ito basta may kinalaman o konektado sa isip o pag-iisip kundi sa bahay-kalinga para sa mga baliw. Walang kapagurang biro ang kapag taga-Mandaluyong ka ay tatanungin ka kung sa “loob o sa labas.” 

Pasaring lamang ito sa lugar na kinatatayuan ng National Center for Mental Health (NCMH). 

O mas kilala bilang Mental.

Nagsimula bilang Insular Psychopathic Hospital, ito ay itinayo sa Kalye Nueve de Pebrero, Baryo Mauway, Mandaluyong, sa probinsiya ng Rizal noong Disyembre 17, 1928. Ito ang pinaglipatan ng mga pasyenteng galing sa “Insane Department” ng San Lazaro Hospital noong 1925 at ng City Sanitarium noong 1935.

Kumbaga, noon pa man, problema na rin ang pagdami ng may mga kapansanan sa pag-iisip. Sa kasalukuyan, ang NCMH ay nagsisilbi sa humigit-kumulang 4,000 pasyenteng naka-admit bawat araw at 56,000 konsultasyon kada taon. Ito ay mula sa NCMH lamang.

Ayon 2010 National Census, sa 1.4 milyong Filipinong may kapansanan, 14 porsiyento – o tinatayang 200,000 tao – ang tinatawag na may “mental disability.”

At paparami pa sila nang paparami.

Paano na sila? Silang kung bansagan ay “Abnoy,” “Agooyong,” “Brenda,” “Buang,” “Koala,” “Kulang-kulang,” “Gunggong,” “Luko-luko,” “Lukresia Kasilag,” “Maysayad,” “May Tililing,” “May Topak,” “Praning,” “Retarded,” “Sinto-sinto,” “Siraulo,” “Taong Grasa,” “Timang,” “Wazak,” o iba pang kabilang sa ikatlong pinakakaraniwang kapansanan sa buong bansa?

Sila ba ay ang may sikosis lamang? Kabilang ba rito ang mga nalulong sa alak o droga? Paano ang mga may matinding lungkot at takot? O ang mga nagsasalita nang mag-isa matapos silang salantain ng kalamidad? O ang mga nag-uulyanin? O ang mga bully at binu-bully? O ang mga nang-aabuso at inaabuso? O ang mga naa-adik sa computer games? O social media?

Kung salat na nga ba sila sa buhay, sapat na ba ang batas?

Mga panukala at batas

Marami ang naging pagtatangkang magkaroon ng mga panukalang-batas ukol sa lusog-isip, pero walang nakakapasa sa Senado at Kamara.

Una sa lahat ng panukalang-batas ay ang  ipinasa si Senador Orlando Mercado na Mental Health Act of 1989. Ito sana ang magdedeklara ng isang pambansang patakaran ukol sa lusog-isip, magtatatag ng Board of Mental Health sa Kagawaran ng Kalusugan, at magsasama sa karamdaman sa isip sa saklaw ng Medicare.

Noong 1998, nabuo ang Executive Order 470 na lumikha sa Philippine Council for Mental Health. Diumano, hindi man lamang ito nakapagpulong.

Nagkaroon tayo ng National Mental Health Policy noong 2001 kung kailan ang dating Kalihim ng Kagawaran ng Kalusugan na si Dr. Manuel Dayrit ay bumuo ng maituturing na isang pambansang patakaran para sa lusog-isip.

Magpahanggang isalang ang An Act Establishing A National Mental Health Policy For The Purpose Of Enhancing The Delivery of Integrated Mental Health Services, Promoting And Protecting Persons Utilizing Psychiatric, Neurologic, And Psychosocial Health Services, Appropriating Funds Therefor, And Other Purposes.”

Noong Mayo 2, 2017, nakapasa sa Senado ang Philippine Mental Health Act of 2017 bilangSenate Bill 1354. Tinututukan nito ang pagsasanib sa pangkalahatang  pangangalaga sa kalusugan, kasama ang serbisyong mental, neurolohikal, at sikososyal. Bagamat ang pangunahing awtor nito ay si Senador Risa Hontiveros, na tagapangulo ng komite sa kalusugan sa Senado, kasama niyang nagsulong ng bill sina Senador Loren Legarda, Juan Edgardo Angara, Paolo Benigno Aquino IV, Vicente Sotto III (na ngayon ay Senate President na), Antonio Trillanes IV, at Joel Villanueva.

Maituturing ding kapanalig sa Kamara ng mga Representante sina Teddy Baguilat, Edward Maceda, Pia Cayetano, Karlo Nograles, Romero Quimbo, Chiqui Roa-Puno, Ron Salo, Yul Servo, Tom Villarin, Linabelle Villarica, at Isagani Zarate.

Ngayon, sana makatulong din ito sa tuloy-tuloy na pagiging positibo ng dati-rating negatibong tingin sa mental.

Nitong 21 Hunyo – noong International Day of Yoga mismo – pinirmahan ni President Rodrigo Duterte ang Republic Act 11036, mas kilala bilang Philippine Mental Health Law of 2018, na naglalayong ipagtanggol, itaguyod, at itaas ang antas ng lusog-isip – para mapabuti pa ang pagkakaloob ng kalinga para sa lusog-isip.

Ano ang lusog-isip? 

Teka, ano nga ba itong paulit-ulit na lusog-isip?

Mas kilala sa Ingles bilang “mental health,” ang lusog-isip ay ang estado ng kaginhawahan ng tàong: (a) mulàt sa kaniyang sariling kakayahan, (b) nakakayang harapin ang pangkaraniwang hamon ng buhay, (c) kapaki-pakinabang, at (d) nakakatulong sa pamayanan. 

Ano’t ano man, nariyan pa rin ang suliranin.

Bagamat kinikilala ang malaking papel ng pamahalaan, dapat nating bigyang-diin ang sama-samang tungkulin. Ito ay ang bayanihan ng lahat ng may kinalaman sa pangkalahatang kalusugan ng sambayanan.

Tinatayang may isang psychiatrist lamang sa bawat 200,000 Filipino. Kaya kailangang-kailangan pa rin ang tulong ng mga relihiyoso pati ng mga sikologo at iba pang kung tawagin ay mental health worker.

Halimbawa, noong dumagsa ang mga sakuna, tulad ng Yolanda at iba pa, ipinaloob ng World Health Organization (WHO) at Kagawaran ng Kalusugan ang lusog-isip sa pangunahing pangangailangang pang-kalusugan bilang bahagi ng rehabilitasyon.

Sa pamamagitan ng Mental Health Gap Action Program (mhGAP) na ito, sinanay ang mga doktor, nars, komadrona, at barangay health workers (BHW) na maisulong ang karapatan ng mga may karamdaman sa isip sa pamamagitan ng pagbibigay ng agarang serbisyong pangkalusugan.

Ipinagpapatuloy ito hanggang ngayon. Dahil dito, dumami ang mga doktor mula sa rural health units ang nagkukusang tumingin sa mga problema sa lusog-isip.

Pinalalakas na rin ang sistema upang maging regular ang rasyon ng gamot para sa kanila. Wala na itong ipinagkaiba sa mga suplay ng lunas para sa altapresyon, diabetes, impeksiyon, at iba pang pangkaraniwang sakit.

Pagkilos para sa mental health

Sa kasalukuyan, kaliwa’t kanan ang mga pulong ng iba’t ibang sektor ng lipunan para tiyakin ang tamang pagpapatupad ng naturang RA 11036.

Kasama rin tayo sa labang ito.

Ano’ng magagawa mo?

Simulan natin sa ating sarili.

Kung araw-araw nagagawa nating magsepilyo o magkaroon ng dental hygiene, bakit hindi natin gawin ang ating mental hygiene?

Ito ang agham ng pananatili ng lusog-isip na naging isang interdisiplaryong larangan na yumayakap sa sikolohiya, narsing, gawaing panlipunan, batas, at iba pang propesyon. Kabilang dito ay ang pagkakaroon ng malusog na asal upang maiwasan ang karamdamang mental.

Una, sanaying maging positibo. Matutong magpasalamat.

Ikalawa, kontrolin ang emosyon.Ipahayag ang damdamin mo sa tamang paraan.

Ikatlo, labanan ang istres.Panatilihin ang pangkalahatang kalusugan.

Malalagom natin ang mga prinsipyo ng pagkilos sa tulong ng tatlong T: (a) tuon; (b) tukoy; (c) tugon. 

Tuunan natin ng pansin ang lusog-isip.

Tukuyuin natin ang mga nangangailangan ng tulong.

Tugunan natin ang mga pangangailangan nila.

Upang di-malimutan, mangyaring tandaan ang tulang ito: 

Lusog-isip ay isipin
At pagtuunan ng pansin.
Karamdaman ay tukuyin,
Tugunan ang suliranin!

Rappler.com 

Ang TOYM Awardee for Literature na si Vim Nadera ay nagtapos ng BS at MA Psychology sa University of Santo Tomas at ng PhD Philippine Studies sa University of the Philippines. Bilang performance art therapist, siya ay nakatulong na sa mga maykanser, may AIDS, nagdodroga, “comfort women,”  batang kalye, inabuso, naipit sa mga kalamidad na likas at likha ng tao, at mga nagdadalamhati. 

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>