Para sa mga titser ng mga estudyanteng inuutusang mag-interview ng kung sino-sino:
Dahil panahon na naman ng mga inte-interview, kailangan ko na kayong sulatan.
Ganito ’yan: sa bansang ang pinakamatataas na opisyal ng pamahalaan ay bastos, at ang communications office ng Palasyo ay pamali-mali, turuan natin ang ating mag-aaral na maging polite at maging right. Pangatawanan na nating sila nga ang pag-asa ng bayang ito.
Ipaliwanag nang mabuti sa estudyante ang dahilan kung bakit mag-iinterview, lalo na kung tungkol sa mga writer at feeling writer na gaya ko na mahina ang kukote. Basahin ninyo muna kami – well, sige, tangkilikin ang mga isinulat (para magka-royalty naman kami kahit papaano) – dahil baka nasa isinulat na namin ang sagot sa mga itatanong ninyo. Kung musikero ang iinterbiyuhin, pakinggan muna ang kanilang musika; kung artista, panoorin ang palabas o pelikula; kung peryodista, inhinyero, arkitekto, o doktor, alamin ang kanilang gawa at gawain. Ganyan dapat sa alinmang propesyon kabilang ang kakapanayamin.
Balik tayo sa akin. Kung talagang wala sa isinulat ko ang sagot, sige, baka nga kailangan ng interview. Pasulatin ang mga mag-aaral ng request for interview. Nakasaad sa sulat ang school subject, ang dahilan, at ang inevitability ng interview. Ako ba talaga ang awtoridad? Baka naman tungkol sa Extraterrestrial Quantum Mechanics ang interview? Malay ko d’yan?
Mga titser, pirmahan ninyo ang sulat. Ang pagpirma ninyo ay magsisilbing balidasyon na alam ninyo ang pinaggagagawa ng mga estudyante ninyo. Ang pirma ninyo ay marka na, kahit papaano, dumaan sa inyong mapanuring mga mata ang sulat ang request. Hindi kailangang perfect grammar. Basta may semblance ng pinagsikapang isulat at pagpapahalaga sa susulatan. HUWAG MAG-PM! HUWAG GM! HUWAG NA HUWAG! HUWAG MAGING JEJE! Huwag gawing raffle entry ang pag-interview: the more PM you send, the more chances of winning.
Hindi ko na nire-require na dalhin o ipadala sa opisina o bahay ko ang sulat. Tinatanggap ko na rin ang scanned letters. Basta pirmado. Basta may bahid ng dangal ang sumulat at sinulatan. Iyan, ganyan, i-email sa akin, pero sige, puwede na ring i-attach sa PM.
Bihira akong sumagot sa mga interview sa chat. Alam ko, ang dali sana nito, copy+paste lang, may project na ang estudyante natin. Pero hindi. Mas maganda pa rin ang personal. Kung malayo, puwede naman akong tawagan. Alam ko, mahirap mag-transcribe, eh ano bang trabaho sa ngayon ang madali? Ang trabaho lang ni Asec Mocha ang madali.
Kapag may pagkakataon, sinasabi ko kaagad kung kailan ako libre para sa interview. Kung oks sa estudyante ninyo ang oras at petsa at lugar, ’geh, kitakits.
Pero, titser, hindi pa rin doon natatapos ang trabaho ninyo. Magpahanda ng interview questions. Basahin ninyo para naman hindi magmukhang eng-eng ang mga estudyante ninyong mag-i-interview. Huwag ’ka mong magtanong na ang sagot ay makikita naman sa kahit saan, lalo na sa Facebook.
Huwag magtanong ng tungkol sa biodata ko dahil pakalat-nakakalat naman iyang impormasyon na iyan sa internet, kaunting kalikot lang, makikita na. Sayang ang interview sa mga tanong na pang-slumbook. Mag-research muna, tutal mahihilig namang mangalkal sa internet ang mga estudyante ngayon.
Kilalaning mabuti ang kakapanayamin bago sumalang. Nakakatuwa ito kapag parang pinaghandaan talaga ang interview. May posibilidad na mas maraming mapag-usapan. Mas maraming makakatas na impormasyon kahit na ang kakapanayamin ay tuyot na at wala nang kakatas-katas.
Sikaping maging matalino ang tanong ng mga estudyante ninyo. Hawahan ninyo ng talino. Dahil kung hindi, hinawahan ninyo rin naman ’yan, katangahan nga lang. Tandaan, bitbit nila ang inyong pangalan, bitbit nila ang pangalan ng paaralan. Create a very good impression.
Huwag kamo silang magtanong ng nasasagot lang ng oo o hinde. Pero bahala pa rin kayo kung hindi ninyo maiiwasan.
Magpraktis sa pag-i-interview nang hindi mukhang asiwa ang mga bata. Sanayin ninyo dahil life skills din naman ang pakikipag-ugnayan nang maayos sa kapwa.
I-monitor ang mga isasagawang interview ng mga estudyante ninyo. Paalalahanan sila na malapit na ang oras at araw ng interview. Dumating kamo sila sa tamang oras. Mas maaga, mas maganda, para relaxed habang naghihintay sa takdang oras ng interview.
Sabihin ninyo, magpaalam muna sa kakapanayamin kung puwedeng i-record o i-video ang mismong interview. May ibang ayaw. May ibang okey lang. Sa akin okey lang basta naka-full make-up ako at alam ng direktor ang tamang anggulo at lighting. May pinoproteksiyonan din naman akong personality, y’know.
Pakisabi, magpakilala nang maayos kapag kaharap na ang kakapanayamin. Huwag arogante. Huwag masyadong laid-back. Basta saktong relaxed at composed lang.
Sabihan ninyo sila, magpasalamat kapag tapos na. Balitaan ninyo ’ka mo ang kinapanayam matapos ang lahat, kung pumasa o bumagsak.
Hindi requirement ang token. Pero kung mapilit ang mga estudyante, kilalanin sana nilang mabuti ang bibigyan, huwag lang puro donut na gawa sa purong-purong asukal. Malapit nang mapilas ang tenga ko dahil sa diabetes.
’Yun lang.
Salamat,
Joselito “Madaling Interbiyuhin Dahil Makatas” de los Reyes
– Rappler.com
Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, and research sa Unibersidad ng Santo Tomas, writing fellow din si Joselito D. De Los Reyes, PhD, sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies at research fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Board Member siya ng Philippine Center of International PEN. Siya ang kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Literatura ng UST.