Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Away-Gilas: Sports ang tunay na buhay

$
0
0

Minsan lang akong nagturo ng Sports Journalism. Isang semestre iyon, noong bago pa lang akong instructor sa, bar none, pinakamagaling na unibersidad sa kahabaan ng España Boulevard, Manila.

Mula noon, sports na ang tawag ko sa bawat pormal na laro o labang pisikal, at hindi ang salin nito sa Tagalog na "palakasan." Mula sa literal na lakas ng katawan, naiba na siyempre ang ibig sabihin ng "palakasan" sa bansa natin ngayon. Malakas o matibay ang kapit o hindi na kailangang sumunod sa proseso, dahil malakas kay ganoon at ganitong lider o makapangyarihang pulitiko.

Use in a sentence: "Malakas kasi 'yan kay boss, kaya na-promote agad kahit kulang ang credential. Malakas ako kay kapitan kaya libre ang aking barangay clearance."

At dahil sa nagbago na ang ibig sabihin ng palakasan, kaya sports na lang ang ginamit ko.

Ito lang din naman ang punto ko. Bakit tayo mahilig sa sports? Bakit tayo fan? May isang milyon at isang dahilan, pero susubukan kong ikategorya lang sa iilan:

Dahil, sa pangkalahatan, microcosm ng buhay ang sports. Sa sandaling laban, kitang-kita ang tagumpay. May mananalo, may matatalo. May dumadaan sa hindi masukat na kahirapan, kay liit ng tsansang magtagumpay, pero nananalo pa rin, nagkakampeon. Masarap magsikap sa tunay na buhay kung nakikita natin ang hinahangaang buhat sa wala, nagtagumpay. Kaya kay dali nating bitawan ang salitang "idol" sa paborito nating manlalaro. Ine-emulate natin ang signature na tira ni idol, ang attitude sa laro, o ang buhay sa labas ng court.

Kaya nga sa sports journalism, lalo kung basketball, masarap basahin ang istorya kung ang anggulo ng pagkakapanalo ay buhat sa malalim na pagkakabaon ng iskor. Iyong buhat sa benteng lamang sa simula ng 4th quarter, nakaahon at nanalo via buzzer-beater. Sa boksing, masarap i-highlight ang lucky punch na nagpanalo sa kabila ng pagiging bugbog-sarado. Sa volleyball, down sa set 2-0 nang makahabol at manalo. Sa chess, madalas umanggulo sa mga piyesang isinakripisyo.

For better or worse, kaya ng sports na pagkaisahin at hatiin tayo – bansa kapag Asian o Olympic Games, rehiyon o lalawigan kapag Palarong Pambansa, at loyalty sa unibersidad kapag UAAP o NCAA.

Dahil laging may konteksto ang bawat laban. Kung marubdob na fan (tingnan mo, basahin mo, hindi panatiko ang ginamit ko kahit pa ito naman talaga dapat ang ibig sabihin ng fan, ayoko lang ng pejorative na salitang fanatic), alam ang konteksto ng bawat laro ng kaniyang idolo o sinusundang koponan. Paghihiganti ba ito o pagpapatibay sa liderato? Huling laban ng season o career? Baka kaya natalo dahil iniinda pa rin ang katatapos na diborsyo?

Eskapismo ang sports. Panandaliang pagtakas sa malupit na realidad. Kaya naiipon sa TV sa kanto ang mga tambay kapag NBA finals. Pambasag sa karumaldumal na newsfeed ang balita sa World Cup at iba pang malakihang sporting event.

Ilang ulit na ba nating nabasa ang kayang gawin ng laban noon ni Pacquiao? Walang krimen. Mayroong ceasefire. Walang buhol-buhol na trapiko. Makabayan ang bawat Filipino.

Dahil sa sarap panooring sining na, madalas, logic o physics defying. Buti na lang, digital na ang media consumption. Paulit-ulit nating maire-rewind ang malupit na kilos, tira, banda, sapak na straight o uppercut, lay-up, dribble, ankle-breaker, head-and-shoulder fake, set-up, at assist pass. Bakit nagpasuntok nang nagpasuntok noon sa tagiliran si Pacquiao sa round 4 ng laban niya kay Cotto? Anong taktika o lohika ang nilalabag niya dito?

Isa pa. Imagine mo kung panonoorin natin buhat sa VHS tapes ang magic shots ni The Magician? Masisira ang rewind button. Pero dahil nasa internet na, mas naa-appreciate natin ang malikmatang tira na mistulang, well, as his name suggests, mahika.

Dahil din sa isyu ng economics ng sports kaya tayo tumututok. Marami ito. Nanggigilalas tayo sa laki ng halaga ng bagong kontrata sa Lakers ni LeBron James. Ano ang bagong sapatos na idinisenyo para kay Kyrie na siguradong tatangkilikin ng fans? Ano na ang betting odds sa quarterfinals ng World Cup? Anong lifetsyle mayroon ang paborito nating manlalaro? Bakit may alagang tigre si Tyson? Bakit naghirap pagkatapos, parang si Iverson?

Ano na ang ineendorsong karne norte at medyas ng mga nangungunang liga? Pumusta ka ba? Tumaya sa ending? May sindikato raw na involve sa game fixing at point shaving? Bakit ang daming patalastas sa laban ng Gilas? Naiilang ka na ba sa panonood na puro logo at brand? Kilala ninyo ba ang nasa management team ni LeBron?

Dahil kung wala ang usapin ng ekonomiya sa sports, baka hindi rin naman natin ito mae-enjoy dahil hindi naka-telecast o hindi nakakontrata ang paborito nating point guard.

Sa huli, dahil nga microcosm ng buhay, masarap manood ng sports dahil sa taglay nitong katarungan. Sabi nga ni Phil Andrews, "Sports provide a seemingly level playing field where retribution is swift, and usually fair." Usually, hindi sa lahat ng pagkakataon. Gaya rin ng sa buhay.

Pero sa karaniwang katarungan ng sports, pareho ang bilang ng manlalaro, may malinaw na rules, may officiating body, may mga umpire at referee. Malinaw sa atin kung ano o ilan lang dapat ang personal o technical foul, ang ibig sabihin ng red o yellow card, o kung lagpas sa playing line. Kung fan ka, alam mo ang tatakbuhing distansya ng triathlon at playing time ng football.

May fault at double fault, false start, o head-butt. Marami itong rules na, kung fan ka at manlalaro, malinaw na malinaw sa iyo, at kadalasa'y inirerespeto. Dahil bawat kamalian sa paglalaro, sa maraming pagkakataon, nabibigyan ng karampatang kaparusahan: free throw, penalty kick, graduate, thrown out, suspendido, ban. Dahil kung hindi natin aasahan ang batas ng sports, para saan pa ang rules?

Tulad nga ng nangyari kagabi, hindi nga kaya dahil ang sports ay microcosm o kumakatawan sa buhay natin ngayon kaya hindi na tayo umaasa sa hustisyang kayang ibigay ng paborito nating laro? Larong halos kabisado na ng marami sa atin ang rules? Kung paanong, baka, sa ganitong paraan din natin gustong makamit ang katarungan sa tunay na buhay. Iyong labag sa batas, iaasa sa lakas, marahas. Saka tayo magkakanlong sa katuwiran ng gilas ng puso, o para sa bayan.

Dahil baka ito na nga ang tunay nating buhay. Ito na ang ating bayan. – Rappler.com

Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, and research sa Unibersidad ng Santo Tomas, writing fellow din si Joselito D. De Los Reyes, PhD sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies at research fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Board Member siya ng Philippine Center of International PEN. Siya ang kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Literatura ng UST.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>