Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[EDITORIAL] #AnimatED: ‘Tatak-pagbabago’ ba ng Dutertenomics ang inflation?

$
0
0

Iisa ang hinaing ng mga maybahay na namamalengke: ang mahal ng gulay at karne. Ang hirap maghanap ng murang bigas dahil kapos ang supply ng NFA, kaya napipilitang bumili si Nanay ng mamahaling bigas.  

Pati pamasahe, tumaas na rin. At kung may sasakyan ka, ang bigat sa bulsang magpagasolina dahil lumalaro na ang pump prices sa P55-P60 kada litro. 

Mababaw ang kaligayahan

“Masyadong mababaw ang kaligahayan natin,” ang puna ni UP economics professor Emmanuel de Dios sa pagmamalaki ng mga economic managers ni Pangulong Rodrigo Duterte na umaarangkada raw ang ekonomiya. Wala raw dapat ipagmalaki sa 6.8% na gross domestic product o GDP nitong 2017. Kung isasama ang Nepal, Bangladesh, Laos, China, Cambodia, at Vietnam, pampito lamang ang growth rate ng Pilipinas sa Asya.

Sa ngayon ay hindi nga totoong “in the doldrums” ang ekonomiya, pero maraming “red flag” o nakaambang panganib.

Ang pinakamalaking red flag: ang pagtaas ng inflation, na nasa 5.2% nitong Hunyo. Kung taga-Metro Manila ka, mas mataas ang inflation dito sa 5.8%. At lalong malas ka kung taga-Autonomous Region in Muslim Mindanao ka, dahil 7.7% ang inflation doon.

Malayong-malayo ito sa target na 2% hanggang 4% para sa 2018-2022. 

Ayaw itong aminin ng mga tagapangasiwa ng ekonomiya, na sila ring arkitekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train) Law. Nananampalataya silang ang lahat ng ito’y maiibsan.

Bolang kristal ba ang kinonsulta ng mga ekonomista ni Duterte? Dahil lahat sila’y malayong-malayo sa katotohonan ang pananaw. Ayon sa Development Budget Coordinating Committee, na pinamumunuan ni Budget Secretary Ben Diokno, 4% hanggang 4.5% lang daw ang inflation sa buong taon. Tantsa naman ng Department of Finance, 4.9% lamang ang inflation. Tumaya naman ang Bangko Sentral ng Pilipinas sa 4.3% hanggang 5.1%. 

Sinagasaan ng Train (Law)?

Train Law ang nagpataw ng mas mataas na excise at fuel taxes sa maraming produkto. Tila nag-tsunami effect ito sa halos lahat ng produkto at serbisyo. Masama raw ang timing ng Train, na ipinatupad sa panahon ng mataas na presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan at mababang halaga ng piso. 

Ayon sa mga ginoong ekonomista, “minimal” lang daw – 0.4 percentatge points o 26.7% – ang epekto ng Train sa lumolobong presyo ng bilihin. Ang 0.7 percentage points o 46.7% umano’y dulot ng pananamantala ng mga negosyante. Tumataginting na 73% ang pinagsamang epekto nito sa inflation.

Panahon nang hubarin ng mga ekonomista ng gobyerno ang rose-tinted glasses. Panahon nang itapak nila ang paa sa lupa.

Hindi raw magugutom ang Pilipino kung masipag lamang.

Hindi nakakaranas ang mga kalihim tulad ni Ben Diokno na mag-instant noodles dahil walang pambili ng bigas, gulay, at karne; maglakad sa ulan dahil kulang ang pamasahe; at maputulan ng kuryente o tubig dahil walang pambayad sa nagmamahalang utilities. 

Ayon kay Secretary Carlos Dominguez III, tumaas nang 21.4% ang Foreign Direct Investments nitong 2017 kumpara sa 2016. Pero bumagsak naman ang Pilpinas nang 9 na antas sa World Competitiveness Yearbook rankings. Bumagsak din ang Pilipinas sa pang-113th galing sa 99th pagdating sa ease-of-doing-business rankings.

Habang hindi negatibo para sa ating mga overseas Filipino workers ang humihinang piso (na nasa pinakamababang antas sa loob ng 11 taon), kinain din ng inflation ang benepisyo ng mataas na palitan ng dolyar sa piso.

Ang literal na gumagapang ngayon ay ang mahihirap. Ayon sa mga pag-aaral, higit sa doble ang hagupit ng inflation sa dukha kumpara sa epekto nito sa pinakamayaman. Lalong malupit ang tama sa mga di-suwelduhan o nasa informal sector, tulad ng mga tindero at namamasada. Walang biyayang dulot sa kanila ang tax exemptions. Masuwerte kung naaabot sila ng non-conditional cash transfer na dapat ay safety net ng mahihirap.

Sa gitna ng optimism o paniniwalang gaganda ang buhay natin, mismong datos ng gobyerno ang sumasalungat dito. 

Totoong hindi “linear” ang pag-unlad at madalas ito’y dalawang hakbang pasulong at isang hakbang paurong. Ang problema, tila isang hakbang pasulong at dalawang hakbang paurong ang nangyayari ngayon.  

"Tatak ng Pagbabago: Tatak ng Pag-unlad” ang pamagat ng isang serye ng forums ng mga miyembro ng Gabinete ni Duterte bago ang kanyang State of the Nation Address.

Inflation ba ang magiging “Tatak ng Pagbabago” ng Dutertenomics? – Rappler.com 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>