Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[EDITORIAL] #AnimatED: Kumakalembang na ba ang kampana para kay Duterte?

$
0
0

Wala rito ang buong kuwento: bumagsak sa pinakamababang antas na 45% ang satisfaction ratings ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Social Weather Stations survey nitong Hunyo. Eleven-point decline ito mula sa numero niya noong Marso. 

Narito ang tunay na kuwento: sa Kamaynilaan, 20 points ang ibinagsak niya, kasunod ng 18-point na dausdos sa Kabisayaan. Pumapalya na 'ata ang makinarya ng propaganda? Sumasablay na ba ang anting-anting ni Digong sa masa?

Kinalap ang survey matapos tawagin ni Duterte na “estupido” ang Diyos.

Sangandaan?

Filipinos are generous.” (Mapagbigay ang Pilipino.) Ito ang paliwanag ng president ng Social Weather Stations na si Mahar Mangahas kung bakit “good” pa rin ang katumbas ng ratings ni Pangulong Duterte.

Pero higit pa riyan, mas malalim ang emotional investment ng mga Pilipino kay Duterte. Labing-anim na milyon ang umasa sa pangako ng slogan niyang "change is coming".

Maraming importanteng obserbasyon si Mangahas sa buhay-pulitika ni Duterte. Sabi niya, umarangkada ang ratings ng Presidente nang magdeklara ito ng giyera sa Marawi. Lagi raw patok ang giyera. Tulad ni Benito Mussolini nang nagdeklara ito ng giyera sa Ethiopia at ni Margaret Thatcher nang inilunsad nito ang Falklands War, lalong napabilib ni Duterte ang sambayanan.

Pero ayon kay Senador Sonny Trillanes, “The myth is gone.” Sa aming opinyon, premature pang sabihin na patay na ang alamat. Ayon na rin kay Mangahas, 'yun ngang pulot-gata kay PNoy, tumagal nang 3 at 3/4 na taon. Hindi pa raw tapos ang honeymoon period natin kay Digong na nagsimula noong eleksiyon ng 2016. 

Pero walang dudang marami nang nahubaran ng piring sa mga mata. Marami nang bumaligtad dahil sa paglapastangan ni Digong sa kababaihan, paglabag sa karapatang pantao, at sa pagyurak sa batas ng mabuting asal.

Pero may tatlong bagay na tila lumatay ngayong Hunyo: una, ang nagtataasang presyo sa pamilihan; pangalawa, ang pagpapa-bully sa Tsina; at pangatlo, ang pambabastos hindi lamang sa mga pari at Santo Papa kundi pati na sa Diyos. 

Nagmahal ang bigas nang 4.7%, ang karne nang 5%, at ang gulay nang 8.6%. Nagmahal ang pabahay, tubig, kuryente, gas, at ibang petrolyo nang 4.6%. At ipinagkakaila man ng mga ekonomista ni Duterte, Train Law ang nagsimula ng tsunami– mula sa buwis na ipinataw sa petrolyo at mga batayang produkto, hinila nito pataas ang presyo ng halos lahat ng bilihin at serbisyo. Sa ilalim ni Digong, ang pinakaramdam na pagbabago ay ang 5.2% na inflation, na lagpas-lagpasan sa 2%-4% target ng Bangko Sentral.

Masakit na ang bulsa, masakit pa ang pride natin bilang Pinoy. Sa pinakahuling release ng SWS, 4 sa 5 Pilipino ang di sang-ayon sa kawalang-aksiyon ng gobyernong Duterte sa asal-sangganong Tsina. Personal na opinyon ni Mangahas, “magbu-boomerang” ang kowtow diplomacy na ito. Ayon kay dating foreign secretary Albert del Rosario, diskarte ito ng "willing victim" at "abettor".   

Ito na ba ang turning point, ang sangandaan? Lalo na kung ikokonsidera ang Pulse Asia Survey na nagsabing 88% ang aprub kay Duterte bago niya sinabing "estupido" ang Diyos?

Sa survey ng SWS nitong Hunyo, mukhang natatauhan na ang mahihirap. Bumagsak ang ratings niya sa Class D nang 14 points. (Sa kabilang banda, tumaas naman siya sa Class E nang 4 points.)

Writing on the wall

Marami pang nagbabadyang unos. Nandiyan ang charter change na nagbagong-anyo bilang federalism. Bakit tila nagkakandarapa ang kampong Duterte na ihain ang hilaw at kaduda-dudang Bayanihang Federalismo? At mismong miyembro ng presidential cosultative committee na si Roan Libarios ang nagbabala sa panganib ng transitory provisions na nagbibigay ng napakalaking kapangyarihan sa mamumuno sa komite na si Duterte? At ano itong isinusulong ni Speaker Pantaleon Alvarez na mabuti nang walang eleksiyon sa 2019?

For Whom the Bell Tolls" – ito ang walang-kamatayang hinagpis laban sa pasismo, na pinasikat ng manunulat na si Ernest Hemingway. Hiniram niya ang pamagat ng kanyang nobela mula sa isang Kristyanong makata noong 17th century.

Tila nagbabago na ang ihip ng hangin. Kung ang dalawang unang taon ni Duterte ay panahon ng fake news, disinformation, at online bullying upang busalan ang mga kritiko, gawin nating yugto ng pagkamulat ang natitirang 4 na taon. 

Ilang buwan na lang, midterm elections na. Kailangan natin ang lahat ng dunong, tapang, at tibay ng loob upang gawing makabuluhan ang democratic exercise na ito. Tuwing 3 taon lamang tayo nagkakaroon ng pagkakataong direktang makapamili ng mga pinuno natin.

Ngayon pa lang, bago mag-State of the Nation Address, dalhin natin ang labanan sa isyu, hindi hysteria; sa pagpapalakas ng mga institusyon, hindi sa pagsira sa mga ito.

Kumakalembang na ang mga kampana, hindi para kay Duterte, kundi para sa taumbayan. – Rappler.com


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>