Fist bump para kay Tatay Digong! Ito na ang pinakaakmang pagsaludo sa aking idolo. Kung astig ang unang taon na Duterte-style, naging petmalu ang year 2! Isipin ’nyo, ano pa’ng naghihintay sa atin pagpasok ng ikatlong taon niya?
1. Fist bump – dahil walang santo-santo kay Digong! Maiyak-iyak kami sa pagkabilib nang tinira ng Poong Duterte ang Santo Papa. Ano ba, mga ka-DDS? All-time low ang kasikatan ng Simbahang Katoliko! Buking na ang pinaggagagawa ng mga pari at madre sa likod ng altar. Kaya’t tama lang na nag-level-up na si Digong at tirahin na rin ang Diyos.
2. Fist bump – para sa tunay na macho! Karinyo-brutal niya sa mga babae. Sino ang dapat na maging Ombudsman? Dapat “hindi babae.” Si Vice President Leni, naku, “incompetent” ’yan. Pa’no palalaguin ang turismo? Aba’y kailangan ng “42 virgins.” Pero para naman sa mga nagmamatapang na amasonang NPA, “shoot them in the vagina.” ’Yung halik na hiningi niya sa isang Pinay na tagahanga sa Korea, ’di naman nagalit ang asawa ah. At, hoy, mga dilawan, ’wag ’nyo kaming gamitan ng mga Ingles-Ingles na salitang “misogyny.” Nasa Pilipinas tayo, kulturang Pinoy ’to!
3. Fist bump – malapit na tayong maging probinsiya ng Tsina! Tigilan na natin ang pagiging pro-America. Laos na ang Estado Unidos. Number 1 superpower na ang Tsina. Napakabait kaya ng Beijing, pautang nang pautang sa Pilipinas. ’Wag naman tayong ingrato! At kung gusto nilang makipag-barter ng mamahaling isda kapalit ng bottled water at noodles, bakit naman hindi natin pagbigyan? Pinapayagan naman nila tayong mangisda sa karagatang pag-aari natin kahit kontrolado na nila! Sunugin ’nyo na ang “I (heart) NY” t-shirts ’nyo. Saan kaya makakaiskor ng “I love Xi JinPing” t-shirt?
4. Fist bump – para sa bagong buwis! Hindi pa ba kayo masaya na ang mga low-income earners ay halos walang tax na binabayaran dahil sa Train Law? At dahil sadsad ang halaga ng piso, mas mataas ang palitan ng dolyares na ipinadadala ng OFWs? ’Wag na kayong magreklamo sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin. No pain, no gain. ’Wag ’nyo nang problemahin kung matindi ang tama sa mahirap. Sanay naman sila sa gutom. Sabi nga ni Secretary Ben Diokno, walang magugutom, basta masipag. (Atin-atin lang: busy sila sa pag-iwas sa bala ng tokhang, hindi na nila mapapansin ’yang inflation-inflation na ’yan.)
5. Fist bump – hindi na CJ si Sereno! Si Tatay Digong mismo ang nagsabi noong chief justice pa si Maria Lourdes Sereno: “I am now your enemy.” Mahirap talaga ’yung kumokontra kay Digong ang CJ. Dapat “friendly” ang mga mahistrado. Ganun kasi ’yung idol ni Mayor na si Apo Makoy – sinigurado niyang hawak niya ang mayorya ng Korte Suprema.
6. Fist bump – sarado na ang Boracay! Malupit talaga! Aber, sinong presidente ang nakapagpasara ng islang nag-aakyat ng bilyon-bilyong kita sa turismo? Si Tatay Digong lang ang may ganyang diskarte! Mabilis siya magdesisyon, kahit walang master plan. Binabatikos 'nyo, kaunti pa lang ang naaayos pagkalipas ng 3 buwan? Gano’n talaga, hindi basta-basta naitatayo ang Chinese casino... ay, ibig kong sabihin, hindi biro ang lilinisin.
7. Fist bump – inaatake ni Digong ang media! Sabi nga ng ating Pangulo, “Just because you are a journalist, you are not exempt from assasination!” Biased kasi ’yang media dahil binabayaran ng mga dilawan. Porke ba sinasabi lagi ni Idol sa mga pulis na basta patayin nila ang mga adik, at poprotektahan niya ang mga pulis, siya na agad ang may kasalanan ng sunod-sunod na EJK, ’yung may mga nadadamay na bata? Kaya dapat talagang mura-murahin niya ang media eh. Magkalat lang siya ng kasinungalingan tungkol sa media sa mga speech niya. Tapos tirahin ang negosyo nila, sampahan ng kung ano-anong imbentong kaso. Titiklop din ang mga ’yan!
O ano, mga ka-DDS? Itaas ang ating mga kamao at pagsalpukin para kay Tatay Digong, ama ng bayan! Siya ang tutupad ng pangarap nating bagong lipunan! Matiwasay, takot – ay, sumusunod – ang mga mamamayan. Kung hindi sila umayos, sige, totokhangin sila o dadamputing tambay! FTW! – Rappler.com