Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Sa mga guro ng wika, sa panahon ng fake ‘news’

$
0
0

 Isang linggo na lang, ipagdiriwang na naman natin ang Buwan ng Wika. Ang tema para sa taong ito ay “Filipino: Wika ng Saliksik.” At dito, mga guro sa wika, dapat umikot ang mga aktibidad para sa pagdiriwang: sa pagsasaliksik.

Kailangang-kailangan natin ang pananaliksik, lalo na sa panahong ito ng paghahanap sa katuturan ng nasyon sa gitna ng mga panawagan para sa federalismo at paglaganap ng fake "news." Kailangan ang kasanayan sa pananaliksik para makapagdesisyon ang taumbayan, lalo ang mga bagets, kung totoo o hindi ang mga balita at mismong saliksik na nababasa nila, mula sa mga aklat hanggang sa social media.

Hindi natin ito magagawa sa pamamagitan lang ng sabayang bigkas, interpretatibong sayaw, mga talumpati, o pag-indak sa tinikling at itik-itik. Lalo na sa pagpili ng mga Prinsipe at Prinsesita ng Wika. Maliban na lang kung pagkatapos ng mga pagtatanghal, sasaliksikin natin kung saan nagmula ang sabayang bigkas, ang mga mekanismong panretorika na ginagamit sa mga talumpati, kung saang rehiyon galing ang tinikling, at ano ang epekto ng global warming sa mga itik.  

Global warming? Ang layo nito sa Filipino! Pero ito nga ang punto: kailangan nating gamitin ang Filipino sa pag-aaral ng global warming at meteorolohiya. Para iangat ang diskurso sa wika at hindi tayo matali sa pangngalan, pang-uri, at panghalip, o kung mas tamang gamitin ang “raw” sa halip na “daw.”

Hindi lang. Dahil hindi ko sinasabi na tantanan na ang mga “tradisyonal” na aktibidad tuwing Buwan ng Wika. Pero, por Dios por santo! Huwag nating itali sa paimbabaw na pagpapahayag ng pagmamahal sa wika ang ating pagdiriwang. Hindi uunlad ang wika kung nakakulong tayo sa sabayang pagbigkas at sa mga walang kawawaang islogan. 

Dunong at pagbabago 

Noong 2016, ang tema ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay “Filipino: Wika ng Karunungan.” Noong 2017: “Wikang Mapagbago.” Kung papansinin (at gagamitin ang mga tema bilang gabay), umuusad sana ang ating mga pagdiriwang.  

Gusto nating maging wika ng karunungan ang Filipino. At hindi tayo magiging marunong kung ang aasikasuhin lang natin ay poster at slogan making contest. Ang malaking problema, hindi na lumabas sa tradisyonal na balangkas ang pagtuturo ng wika. Kaya kakaunti, halimbawa, ang mga guro sa Filipino na kayang magturo ng core courses sa general education sa kolehiyo.

Hindi ako ayon sa pagtatanggal ng Filipino sa kolehiyo, pero hindi dapat makupot sa Filipino ang Filipino. Bakit hindi natin kayang ituro ang mga subject na Understanding the Self; Purposive Communication; o Science, Technology and Society sa Filipino? Dahil hanggang ngayon, ang pinagkakaabalahan natin ay kung alin ang mas tamang katawagan: Mister ba o Ginoo. 

Nagbabago ang wika at ang mismong pagtingin natin sa wika. Sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), sinisikap nang gawing tunay na pambansa ang Filipino sa pamamagitan ng pagyakap sa iba pa nating katutubong wika. Pero hindi makakawala ang maraming guro sa Tagalog na base nito, maging ang mga guro sa Filipino sa mga rehiyon.

Nang magpunta ako sa Naga noong Mayo, tinalakay ko ang tungkulin ng mga guro sa Filipino sa pangangalaga at pagpapayabong hindi lang ng Filipino kundi ng kanilang mga katutubong wika: ng Bicol, Rinconada, Catandungan, Masbateño; sa paglalangkap ng mga katutubong wika sa Filipino para patuloy na yumabong ang lexicon ng ating lingua franca, maging sa posibilidad ng pagbabago sa gramatikang Filipino.  

Anxious ang maraming guro. Bakit kailangang baguhin? Dahil nga sa ayaw natin at sa gusto, nagbabago ang wika. Ang mga guro ang hindi makasunod sa pagbabagong ito. Sintomas nito ang “malansang isda mentality.” Hanggang ngayon, kino-quote natin ito para himukin ang mga bagets na magmahal sa wika tulad ng pagmamahal dito ni Rizal. Ang problema, hindi naman si Rizal ang may sabi nito. Pero ayaw nating maniwala dahil walang memo galing sa DepEd. At ang binabasa lang natin ay memo sa halip na magbasa (o magturo) ng wala sa memo.  

'Madali lang'

Mula pa noong elementari at hayskul, may nosyon na na “madali lang naman ang Filipino.” Hindi ka babagsak sa Filipino. Nuknukan ka na ng bobo kung babagsak ka pa sa Filipino. Na para bang may reputasyon ang mga guro sa Filipino bilang bobo.  

Masakit ito. Hindi totoo. 

Pero bakit nananatili ang ganitong nosyon?  

Tama ang obserbasyon na dapat madali ang Filipino. Dahil kahit hindi ito ang sinusong wika (ito ang translation ng DepEd sa mother tongue) ng mga estudyante sa mga rehiyon labas sa Metro Manila, higit itong madaling intindihin dahil magpipinsan naman ang ating mga katutubong wika. Ang problema, ang nosyon ng “dali” sa subject na Filipino ay hindi dahil sa madali itong maintindihan kundi dahil walang wawa ang pagtuturo o ang mismong subject na ito. 

At hindi tayo nakaahon dito dahil hindi tayo umusad. Hanggang ngayon, nasa antas ng mga islogang “Ang hindi magmahal sa kanyang salita/Ay higit sa hayop at malansang isda” ang drama natin. 

Drama dahil hindi natin nakikita ang mas malaking rason kung bakit kailangan nating gamitin at ituro ang Filipino labas sa subject na Filipino na nakasanayan na natin. Lagpas sa nasyonalismo, dapat nating tingnan ang wika bilang instrumento ng katarungan. 

Bakit hindi naiintindihan ng marami ang ekonomiya? Dahil kakaunti ang guro sa Filipino na kayang talakayin ang GDP at inflation sa wikang maiintindihan ng bayan. Bakit hindi makalahok ang mga tao sa pamamahala? Dahil kakaunti ang guro na kayang gamitin ang Filipino sa pagtuturo ng agham pampolitika. Kung ang wika ng batas ay hindi naiintindihan ng bayan, mananatiling nasa kamay ng elite ang batas at Batasan. Kung gagamitin lang natin ang Filipino para ipagparangalan ang sarili nating kultura at pagkakakilanlan, hungkag ito at walang silbi sa gitna ng hikahos.  

Laman 

Dito papasok ang saliksik. Kailangang magamit ang wika sa pagtimbang sa mga katotohanan, sa pagdudukal ng mga bagong karunungan. At hindi ito magagawa kung ang mismong mga guro ay hindi marunong o tamad magsaliksik o magbasa man lang. (Kay rami ko nang engkuwentro sa mga titser na nagtuturo ng Florante at Laura  o ng mga nobela ni Rizal na hindi naman binasa ang Florante o ang Noli.) 

Alam ko, maraming trabaho ang mga guro. Minsan (o madalas) peste ang sangkatutak na paper works na dini-demand ng DepEd – nawawalan ng oras ang mga guro na magpatuloy sa pag-aaral dahil sa kagagawa ng walang kuwentang lesson plan. Pero tungkulin ng mga guro na patuloy na mag-aral para rin patuloy na makapagbigay ng mga bagong kaalaman sa kanilang mga estudyante. At hindi lang paraan ang tinutukoy ko kundi ang mismong laman ng itinuturo. Madalas, haling na haling tayo sa kung ano ang teaching method na gagamitin, nakakalimutan natin ang mismong laman. 

Higit na mahalaga ang laman. At kailangan ng pag-aaral at pananaliksik para magkalaman. Mabubulok ang wika kung hindi ito maglalaman ng karunungan na magagamit ng bayan. At magkakalaman lamang ang wika kung gagamitin ito sa saliksik sa iba’t ibang larang.

Mga wika ng bayan  

Sa huli, dapat nating ipaalala na hindi uunlad ang Filipino kung hindi sabay na uunlad ang iba pa nating mga wika. Kailangan na nating tanggapin ang malaon nang katotohanan na multi-lingual ang karakter ng lipunang Filipino. Kaya tantanan na ang away laban sa Ingles. At tantanan na rin ang Tagalog-centric na pagtingin sa wika.  

Naniniwala pa rin ako na kailangan natin ang isang lingua franca. Sa ayaw man natin o hindi, nagagawa na ito ng Filipino. Nang magpunta ako sa Zamboanga nitong nakaraan para sa Star Hunt, naghahalo-halo ang wika ko: Ingles kung kailangan, Filipino madalas, at pakonti-konting Chabacano kung nais kong magtunog-alta.  

Pero napansin ko na karamihan ng nag-audition, Ingles o Tagalog ang kanta. Kaya lagi kong itinatanong sa mga nag-audition: Wala ka bang alam na kanta sa Bahasa Sug? Bahasa Sug ang tawag sa wika ng mga Tausug sa Isla ng Sulu at Basilan. Lahat ng Tausog na nag-audition ay umawit ng Tausog song nang hilingan ko. Tinanong ko: Bakit ayaw ’nyo kumanta ng awiting Bahasa Sug? Dahil daw sa mga school programs (kung Buwan ng Wika), ang staple na kanta ay Filipino/Tagalog. 

Nalaman ko rin na ang pinakasikat na mang-aawit sa Bahasa Sug ay hindi Tausog kundi Malaysian: si Min Yasmin. Pinagkakakitaan ng isang Malaysian ang Bahasa Sug na hindi ginagamit ng mismong mga Tausog (sa kanilang awit) o sa mga paaralan. Marahil, epekto ng labis na pagdiriin sa edukasyong nakatali sa Ingles at sa Filipino.  

Dahil dito, tungkulin ng mga guro sa Filipino na yakapin ang iba pa nating mga wika at tiyakin na yayabong ito kasabay ng pambansang wika. Ang saliksik sa Filipino ay hindi lamang dapat masentro sa mga itinuturing nating “pambansa” kundi sa mismong mga lokal na dalumat, kultura, wika, etc ng mga komunidad dahil hindi mabubuo ang bansa kung wala ang ating maliliit na mga pamayanan. 

Ang totoo, kung hindi natin maiangat ang mismong Filipino bilang wika ng karunungan at saliksik, paano natin magagawang wika ng karunungan at saliksik ang Cebuano, Ilocano, Waray, Pangasinan, o Kapampangan? 

Kay rami ng dapat nating gawin. Mas dapat na gawin. At hindi natin ito magagawa kung patuloy tayong magpapabonggahan lang ng ating mga palabas sa Buwan ng Wika sa pamamagitan ng sabayang pagbigkas at Mister & Miss Buwan ng Wika.  

Hindi ito ang panahon ng mga palabas kundi ng pag-iisip at paglilimi. – Rappler.com  

Makata at manunulat para sa pelikula at telebisyon si Jerry B. Gracio. Siya ang 2015 Southeast Asia (SEAWrite) Awardee at kasalukuyang Komisyoner para sa mga Wika ng Samar at Leyte sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>