- Nag-uumapaw sa pera ang bathtub ng pamilya Napoles sa condo nila sa Bonifacio Global City. Dito umano itinatambak ang “cut” ni Janet Lim Napoles matapos ipa-encash ang tsekeng inisyu ng gobyerno sa kanyang mga pekeng NGO.
- Pangalan ng anak niyang si Jeane Napoles ang nakatalang nagmamay-ari sa Unit 37I sa Ritz-Carlton Residences sa Los Angeles na nagkakahalagang P80 milyon noong 2013. Dito siya nakatira noong siya’y nasa kolehiyo.
- Batay sa blog ni Jeane, madalas siya mag-shopping ng mga sapatos, bag at damit mula sa mamahaling designer brands tulad ng Louis Vuitton, YSL, Chanel, at Christian Louboutin. Sports car na Porsche ang minamaneho niya sa Pilipinas. Sa Hollywood siya nagdiwang ng kanyang ika-21 kaarawan. May fashion show sa kanyang party, at nag-uumapaw ang pagkain at alak.
- Namakyaw ng mga bahay sa California ang pamilya Napoles na umabot sa halagang P415 milyon.
Mahalagang bahagi ng kuwento ang kasong isinampa ng US grand jury laban kay Napoles at kanyang mga anak at kapatid. Dito makikita saan napunta ang perang nanggaling sa kaban ng yaman ng bayan. Tugma ang biglang-yaman ng mga Napoles sa katindihan ng operasyon ng scam.
$20 milyon ang niremita ng mga Napoles papuntang mga bank accounts sa Southern California. Sangkot ang buong pamilya: si Janet, ang mga anak niyang si Jo Christine, James Cristopher, at Jeane Catherine. Kasama rin ang kapatid niyang si Reynald Luy Lim at asawa nitong si Ana Marie.
Ito ang “lifestyle of the rich and corrupt”. Walang preno sa paglustay ng pera, dahil hindi naman ito perang pinaghirapan nila kundi kinupit sa bayan, batay sa mga alegasyon. Maihahambing ito sa perang nilustay ni Imelda Marcos sa mga painting, alahas, at marangyang lifestyle.
Muling ipinaaalala ng US grand jury case sa atin ang kalaswaan ng korupsyon ng mga mandarambong.
Dapat nating tandaan ang mapait na leksyong hatid ng pork barrel o discretionary fund scam at ang swindler sa likod ng operasyong ito.
Dapat nating tandaan na may kasabwat siyang mga opisyal ng bayan. Kabilang umano ang mga senador sa listahang ito, pati na rin ang ilang chief of staff nila. Dawit din ang mga pinuno sa mga ahensya ng gobyerno.
Dapat nating tandaan na isang pagyurak sa hustisya ang tangkang ilagay sa witness protection program si Napoles. Mabuti na lang at ‘di nakalusot ang kalokohang ito dahil hinarang ng Department of Justice sa ilalim ni Menardo Guevarra. Isang palaisipan ano ang nakain (o na-bank transfer) sa mga taga-Department of Justice sa ilalim ng dating kalihim na si Vitalliano Aguirre na siyang nagpakulo nito.
Dapat nating bantayan ang isa-isang mga kasong nadi-dismiss laban kay Napoles, kapamilya niya, at mga kasabwat nilang opisyal. Tanging si Bong Revilla na lang ang nakakulong sa orihinal na bigtime na nasakdal.
Dapat nating kalampagin ang administrasyong Duterte sa pangako nitong kontra-korupsyon – isang malaking kaululan kung makakahulagpos sa hustisya ang reyna ng pork barrel.
Dapat nating bantayan ang konsensya ng bayan, na huwag na huwag nating kalilimutan ang mga mandarambong, sampu ng mga kasabwat nilang lingkod-bayan. – Rappler.com