Joselito D. De Los Reyes: Hello po. Unang-una, maraming salamat po sa pagkakataong ipinagkaloob ninyo sa akin para makapanayam kayo. Iniiwasan ko pong, ahhhm, hi hi, kabahan, alam ’nyo na, fan po kasi ako, para malinaw ko pong maitanong ang inihanda kong tanong sa inyo. Gusto ko po muna kayong kumustahin po. Kumusta po kayo ngayon, Ma’am?
Ekspeperto: Mabuti naman ako. Iyong medyo mabuti lang, hindi mabuting-mabuti, pero maayos, iyong mabuting maayos. Hindi maayos na maayos. Katamtamang ayos lang. Sakto. Parang okay pero walang exclamation point. Okay na period lang.
JDR: Ah, okay lang. Hindi, okay!
Ekspeperto: Okay. Walang lang. Pero wala ring exclamation point.
JDR: Ah, okay nga po.
Ekspeperto: ’Yan. Ano pa itatanong mo? Baka p’wedeng dalian mo, pero hindi madaling-madali. ’Yung mas mabilis sa mabagal pero hindi nagmamadali. Kasi may radio program pa ako, saka TV at Facebook Live. Susulat pa ako ng kulam sa d’yaryo, err, column sa d’yaryo. Naghihintay ang mga followers ko sa mga sasabihin kong opinyon ko tungkol sa mga isyu ni Tatay na hindi opinyon ng posisyon ko pero opinyon at saloobin ko. Wala nga lang ang opisina ko dito kasi ako ito, iba ang opinyon ko sa opisina ko na hindi ako.
JDR: Hi hi. Heto na po. May balita po kasi lately na nakapagpatayo ng temporary shelter sa mga kababayan nating naapektuhan ng kaguluhan sa Marawi ang ating minamahal na...
Ekspeperto: Ah oo, alam mo na. Mahal na mahal tayo ni Tatay, ginagawa niya lahat para maibsan ang nararamdamang paghihirap ng mga...
JDR: ...Minamahal na Vice President...
Ekspeperto: Magnanakaw! Mandaraya! Mandarambong!
JDR: Po? I beg your pardon po, Ma’am? Minamahal na magnanakaw? Mandaraya? Mandarambong? Mahal ni Tatay ang mga magnanakaw? Mandaraya? Mandarambong? Wow, kontrobersiyal po iyang sinabi ninyo. Bale kinukumpirma po ba ninyo na ang bagong Speaker natin na mahal ni Tatay ay...
Eksperto: Makinig ka kasi!
JDR: Okay! Na may exclamation point!
Ekspeperto: Ano ba kasi tanong mo? Linawin kasi.
***
JDR: Sige po. Huwag na po ’yung tungkol kay Madam Leni. Ganito na lang po: Train Law. Dapat na po bang i-repeal? At bakit?
Ekspeperto: Mahal tayo ni Tatay. Alam ni Tatay ang ginagawa niya. Abogado ’yun. Prosecutor pa dati. Matagal naging mayor. Dapat kung ire-refill ang Train Law, malinaw kung ano ang ipangre-refill. Baka lalong tumaas ang presyo ng gas. Nagmamahal ang lahat kapag nagmahal ang gas.
JDR: So, okay lang pong i-repeal?
Ekspeperto: Dapat sapat lang. Hindi kulang o sobra-sobra. Sakto. Iyong sakto na hindi naman gaano. Mahirap na. Baka umapaw kapag nag-refill. Buti sana kung kulang o sakto lang. Huwag lang saktong-sakto. Aapaw. Huwag lang din kulang na kulang. Dapat sapat lang. Pero dapat meron.
JDR: Ano po palagay ’nyo ang major provision ng Train Law na dapat palitan kung sapat lang pero meron?
Ekspeperto: Akala ko ba refill? Bakit ngayon papapalitan na?
JDR: May ’niluluto po kasi ngayon sa Congress na ipapalit sa Train Law, kung kayo po ang tatanungin, ano po ang...
Ekspeperto: Tulad n’yan, mahalaga ng Train Law sa pagluluto. You know, LPG, baka magmahal. Dapat iyong kaya pa ring bilhin ng pamilyang Pinoy na mahal na mahal ni Tatay.
***
JDR: Okay, saktong okay lang. Hindi okay na okay. Next question ko po, ano po masasabi ninyo sa mandatory national ID na ii-issue sa bawat Filipino?
Ekspeperto: Nako, matagal pa ‘yan...
JDR: ...Pirmado na po ng Pangulo kahapon ang batas.
Ekspeperto: Ay, wow, hindi ako masyadong informed, teka, tatawagan ko si Sir Martin, o kahit si TP, dapat malinaw kung para saan ’yan. Dapat hindi napepeke gaya ng fake news na pinapakalat ng kung sino-sino. (Ubo ubo ubo) Hi hi. Joooooke. Seriously, kapag may pumeke, dilawan tiyak ’yan. Alam mo kung sino ang dahilan?
JDR: Sino po?
Ekspeperto: Iyong mandarayang taga-Naga.
JDR: Mayon?
Ekspeperto: Sinasayang mo oras ko, ha?
***
JDR: O sige po, kaunti na lang po. Ganito: napanood ko po ’yung game show ’nyo sa Facebook, tapos iyong, ahhhm, ano, iyong parang ano po, kontrobersiyal na... hi hi... kanta? Sayaw? Jingle? Hi hi. Sinadya ’nyo po ba na mag-viral?
Ekspeperto: Kung si Ping at Koko lang ang mag-uusap-usap, palagay mo magkakainteres ang masa? Milyon ba followers nila?
JDR: Pero parang negative po kasi ang dating sa...
Ekspeperto: ...Ang drugz, negative na noon pa ang dating. Noong panahon ba ni Penoy pinag-usapan ’yan? Kumalat pa nga, di ba? Kaya nga hirap na hirap si Tatay, tapos puro kontra pa kayo. Puro batikos. Ano na ba nagawa mo para sa bayan? Eh bakit ang SAF44? Negative din ’yan. Dengvaxia? Naging positive ba ang nawawalang Yolanda funds?
JDR: Opo, negative, pero, di ba, hindi pa nga alam ng marami ang federalism, tapos may ganito, sayaw-sayaw, kanta-kanta...?
Ekspeperto: Hindi ka naman talaga makakaintindi, kasi, hindi ka naman follower. Kung hindi mo gets, hindi para sa iyo ’yun. Kung gets mo, sa iyo ’yun. Gets mo?
JDR: (Iiling-iling)
Ekspeperto: Dahil hindi para sa iyo ’yung sinasabi ko. Ang nakakaintindi lang sa akin ay ’yung followers ko.
JDR: Pero, di ba, ’yun pong sinusweldo ’nyo ay hindi lang naman sa followers ’nyo galing, pati po...
Ekspeperto: Hindi mo pa rin talaga gets. Ganito: sasagutin ko in the proper forum ang lahat ng tanong sa akin. Maglilinaw ako kung nalalabuan ang hindi ko followers. Maglalabas ako ng statement at status sa proper forum.
JDR: Sa’n po ang proper forum?
Ekspeperto: Sa blog ko. Meron pa bang iba?
– Rappler.com
Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, and research sa Unibersidad ng Santo Tomas, writing fellow din si Joselito D. De Los Reyes, PhD, sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies at research fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Board member siya ng Philippine Center of International PEN. Siya ang kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Literatura ng UST.