Kung si Propetang Amos o Exequiel ay mangaral sa Pilipinas ngayon, ganito ang sasabihin niya:
Ang salita ng Panginoon ay ipinahayag sa akin nang ganito: "Anak ng Tao, itinalaga kita bilang tagapagbantay ng aking bayan. Ipagsigawan ito mula sa tuktok ng kanilang mga tahanan!"
Dumanas nawa kayo ng kasawian, kayong tumatawag sa mga adik na "hindi tao" at nararapat lamang na mamatay. Sino ang nagbigay sa iyo ng karapatang husgahan ang mga taong may karamdaman? Sinasabi ninyong may pagpapahalaga kayo sa kinabukasan ng mga kabataan ng bansang ito. Anong kinabukasan ang naghihintay sa kanila kung mamamatay rin lamang sila sa mga eskinita matapos ang "opisyal na operasyon ng pulisya"?
Dumanas nawa kayo ng kasawian, kayong humuhuli at nagkukulong sa mga "drug suspects" nang walang kaukulang kaso, at humihingi pa ng kapalit na salapi mula sa kanilang mga pamilya para sa kanilang kalayaan! Tinatawag ninyo ang inyong mga sariling mga "alagad ng batas" ngunit wala kayong paggalang sa batas! Pinapasok ninyo ang mga kabahayan nang walang "search warrants"; nanghuhuli kayo ng mga suspek nang walang "arrest warrants"; pinipilit ninyong maging "asset" ang mga suspek upang magturo pa ng ibang suspek na agaran ninyong papatawan ng parusang kamatayan!
Dumanas nawa kayo ng kasawian, kayong nagbabaon sa mga kawawang biktima ng droga sa higit na kahirapan at pagdurusa! Kayong hindi gumagalang sa karapatang pantao at sa buhay mismo ng tao. Kayong yumuyurak sa dangal ng iba dahil sila ay mahihirap at walang kakayahang ipagtanggol ang kanilang mga sarili. Kayong mga pumapaslang sa mga adik na para bang pumuksa kayo ng mga manok na tinamaan ng bird flu! Hindi ba ninyo naisip na ang karamihan sa mga biktima ninyo ay may mga asawang nabalo at itinutulak ninyo sa kawalan ng pag-asa, at mga anak na naulila at nagiging mistulang mga ligaw na aso at pusa sa mga lansangan, mga batang sumisinghot ng solvent para makalimutan ang gutom?
Dumanas nawa kayo ng kasawian, kayong basta na lamang nagsusuplong sa mga pulis ng mga pinaghihinalaang gumagamit at nagbebenta ng droga, o basta na lamang nagsusulat at nagpapasa ng kanilang mga pangalan sa mga "drop box," gayong alam ninyong ang "drug watch list" ay ginagamit ding listahan ng mga pinapatay. Nauunawaan ba ninyo na sa ginagawa ninyo, para na rin ninyong pinatawan ng parusang kamatayan ang inyong kapwa? Makinig kayo! May tinig na sumisigaw mula sa langit ng "Nasaan ang iyong kapatid?" at "Ano ang iyong ginawa? Humihiyaw ang dugo ng iyong kapatid mula sa lupa!" (Genesis 4:10)
Dumanas nawa kayo ng kasawian, kayong mga nagsusulong ng giyera kontra droga ngunit pumapaslang naman sa mga biktima nito, sa halip na iligtas sila. Kayong mga nag-utos sa mga alagad ng batas na pumatay gayong ang kanilang sinumpaang gawain ay ang ingatan ang mga mamamayan at ipagtanggol ang kanilang mga karapatan para sa isang ligtas at matiwasay na kapaligiran. Sa aba ninyong mga mapagpaimbabaw na bulag na sumusunod sa kautusang "pumatay ng mga suspek kung sila ay manlaban!" Sa aba ninyong mga mapagpaimbabaw na nagtatanim ng mga ebidensiya upang masabing makatwiran ang pagpatay!
Dumanas nawa kayo ng kasawian, mga mapagkunwari. Tunay nga bang malasakit sa buhay ng mga biktima ang dahilan kung bakit isinisugod pa ninyo sila sa mga ospital para lamang maideklarang dead on arrival. Nakakatulog pa ba kayo sa gabi matapos na magsulat ng walang katotohanang "police report," na nagsasabing nanlaban ang mga hinuli ninyo, gayong alam ng Diyos na hindi iyon totoo? Wala ba kayong mga asawa at anak?
Dumanas nawa kayo ng kasawian, mga may-ari ng puneraryang kasabwat ng mga mamamatay-tao! Kayong mga walang konsensiya, na una pang dumarating sa mga eksena ng krimen, bago pa man tugunan ng mga pulis-imbestigador! Kayong mga napakasipag mag-abang na parang mga buwitre sa bangkay ng pinaslang, kayong mga nananamantala sa kanilang mga pamilyang wala pa sa sarili dahil sa pagkasindak sa malagim na pangyayari. Sinisingil ninyo sila ng walang-bawiang down payment at ng labis-labis na halaga para sa serbisyo! Kayong mga mabababang nilalang na nanamantala sa walang kalaban-labang mga nabiyuda at naulila, na namatayan na'y mas lalo pang nababaon sa malalim na hukay ng pagkakautang, dahil sa marubdob na hangaring mabigyan ng disenteng libing ang kanilang kaanak.
Dumanas nawa kayo ng kasawian, kayong walang pakialam at nanonood lamang habang pumapatay ang mga naka-bonnet na salarin sa liwanag ng araw! Kayong mabilis na nagkikibit-balikat at umuusal ng makamandag na bulong, "Kasangkot siguro sa droga iyan!" Kayong mga usyoserong nakatingin lamang sa bangkay na nakahandusay sa semento, nakatitig sa sumabog nilang utak mula sa nawasak na bungo. Kayong nagbabanayad sa pagmamaneho upang masulyapan sila nang mas malapitan, umiiling pa pagkatapos lampasan and bangkay. "Marahil ay kriminal," ang pagdadahilan mo sa sarili. Kasama sa mga inililigpit para "maprotektahan ang iyong pamilya." Hindi ka man lang mag-abalang takpan ng kumot o kahit diyaryo lang ang bangkay? Kailan pa namatay ang inyong mga konsiyensiya?
Dumanas nawa kayo ng kasawian, mga nagbibigay ng "due process" sa mga maipluwensiyang taong nagpapasok ng iligal na droga sa bansa na bilyon-bilyong piso ang halaga. Kayong mga kasabwat ng mga smugglers ng droga at mahusay gumawa ng paraan upang makalagpas sa Bureau of Customs ang tone-toneladang shabu. Pinagtatawanan 'nyo lamang ang mga nagdedemanda sa inyo dahil nasa inyo ang makinarya ng "legal" na proteksiyon at solusyon! Hindi ba't mga mamamayan din ng bansang ito ang mahihirap sa mga komunidad na tinutugis na parang mga ulol na aso at pusa? Sila ba'y walang karapatan sa due process dahil mahihirap lamang sila?
Dumanas nawa kayo ng kasawian, kayong mga nagtatakip ng mukha sa pamamagitan ng pagsusuot ng bonnet, ski mask, o helmet, at pumapatay ng mga drug suspek na parang kumakatay lamang kayo ng mga hayop! Walang pakundangang ibinabalot pa ninyo ang inyong mga biktima sa plastic bag at packaging tape at iniiwang naghahabol pa ng kanilang huling hininga. Kayong gumagampan na parang diyos at nagsasabit pa sa leeg ng inyong biktima ng karatulang nagsasaad kung bakit 'nyo sila pinatay. Hindi 'nyo alintana na kayo na ang nagsilbing tagapagsakdal, kayo pa rin ang hukom, at berdugo. Alam ng Diyos kung sinu-sino kayo!
Dumanas nawa kayo ng kasawian, mga tagapagpatupad ng batas na nagpapanggap na hindi alam kung sino itong mga death squad na sunud-sunod kung pumatay! Dumaraan sila sa inyong mga estasyon, naglalakad nang maramihan sa mga eskinita, nagmamaneho ng mga sasakyang walang plaka, dumarampot at pumapatay ng mga drug suspek. Pero hindi 'nyo sila nakikita o hinuhuli; hindi 'nyo sila tinutugis o nilalabanan; hindi 'nyo sila iniimbestigahan; hindi kayo umaaksiyon para masolusyunan ang mga kamatayang dulot ng kanilang kriminal na gawain. Paano sila mahuhuli kung kasabwat ang dapat sana'y huhuli?
Dumanas nawa kayo ng kasawian, mga kapitan ng barangay na nakikisabwat din sa mga pumapaslang! Kayong mga nagpapatay sa mga CCTV camera sa tamang oras, maliban na lamang kung hindi kayo nasabihan ng mga mamamatay-tao bago gawin ang krimen! Ilang beses ba kayong nilapitan ng mga kapamilya ng biktima, humihingi ng mga CCTV footage at sinabihan silang "hindi gumagana ang CCTV"?
Dumanas nawa kayo ng kasawian, mga bangkero na kapalit ng pera'y naghuhulog ng mga bangkay ng mga biktima sa North Harbor, na may pabigat pa sa mga katawan upang hindi lumutang ang mga ito. Hindi man lamang ba kayo nakonsiyensiya ng inyong budhi sa tahasang pagsunod sa utos na "patabain ang mga isda sa Manila Bay"? Paano pa kayo napapatulog ng inyong budhi?
Dumanas nawa kayo ng kasawian, kayong mga tumatawag na "Kristiyano" sa sarili ngunit wala mang lamang ni katiting na pagpapahalaga sa buhay ng mga biktima ng pagpatay, o kahit sa mga paring pinapapatay. Nagagawa pa ninyong makatawa kahit niyuyurakan na ang inyong pananampalataya at tinatawag na tanga ang Diyos! Kayong mga bulag na hibang! Nagsisimba pa man din kayo para makinig sa Salita ng Diyos; pumipila sa komunyon para matanggap ang Kordero ng Diyos na namatay para sa mga makasalanan, ngunit hinahayaan 'nyo namang mapatay ang mga pinag-alayan Niya ng buhay!
Dumanas nawa kayo ng kasawian, kayong nangangalandakang "pastol" ngunit pinababayaang paslangin ang inyong mga tupa.
Samakatuwid, dahil ang inyong mga krimen ay umabot na sa kataas-taasang kalangitan, at ang mga iyak ng mga namatayang pamilya ng mga biktima ay narinig sa trono ng Awa, dahil kayo ay tinimbang at napag-alamang kulang na kulang; samakatuwid, ang mga pangalan ninyo ay masusulat sa mga pader ng kaloob-looban ng impiyerno. Matitisod kayo kayo sa mismong mga espadang ginamit ninyo sa pang-aalipusta sa mmga walang kalaban-laban. Mamanahin ng inyong mga anak at mga apo, hanggang sa inyong mga apo sa tuhod ang kasalanan ninyo, hanggang sa ikaapat na henerasyon! – Rappler.com
Si Pablo Virgilio David ang obispo ng Caloocan. Ito ang homilya niya noong Agosto 17, kung kailan pinasinayaan ang memorial marker para kay Kian Loyd delos Santos sa San Roque Cathedral. Inilimbag ito ng Rapper nang may pahintulot ng obispo.